Pag-ibig ang Natagpuan ng Dalagang Ito sa Panahon ng Pandemya; Totoo Nga Kaya o Isa Lamang Itong Pantasya?
Magtatatlong taon na rin mula nang huling mawasak ang puso ni Kristel matapos siyang iwanan ng kaniyang dating nobyo. Ang buong akala niya’y hindi na muling titibok ang kaniyang puso dahil napakarami na ring nagyaya at nagpahayag ng damdamin para sa kaniya. Ang tanging tugon lamang niya, “peke, hindi totoo.”
Isang umaga, sabik na nag-aayos ng sarili ang dalaga upang makipagkita sa kaniyang kaibigan na binabae. Nang siya ay makarating sa isang kainan, nakita niyang naglalaro iyon sa kaniyang selpon. Nawala ang pagkasabik niya dahil halos hindi naman ito sabik na makausap siya. Subalit sa kabilang banda, napukaw ang kaniyang interes nang marinig na maraming nakakalaro ang kaniyang kaibigan dito.
Nagpaturo si Kristel kung paano ito nilalaro at walang araw na tumigil siya sa paglalaro niyon. Kahit na sigawan at pagalitan siya ng kaniyang ina na nagtutulak sa kaniyang magtrabaho, hindi siya nagpapatinag. Kaliwa’t kanan ang mga taong nakikilala niya dahil sa larong iyon. Hanggang isang lalaki ang palagi niyang nakakausap at nakakalaro na nagpahayag ng kaniyang nararamdaman.
‘Di rin nagtagal, nagpasya ang dalawa na mas palalimin pa ang kanilang relasyon. Ngunit dahil panahon ng pandemya, hindi makalabas ang dalawa upang magkita. Subalit hindi iyon naging hadlang dahil paniniwala nila’y matatapos din ang pandemya at magkikita at magkikita pa rin sila sa dulo.
Sa tuwing magkakaproblema si Kristel sa bahay, parati niya itong ibinubuhos kay Allen – ang kaniyang nobyo. Lahat ng mga himutok niya sa kaniyang ina at mga kapatid ay dito niya nasasabi. Araw-araw silang magkausap at walang hinto dahil wala rin namang ginagawa sa bahay ang dalaga. Kahit na hatinggabi ay magkausap pa rin ang dalawa at nagkukuwentuhan kahit na sa mga walang kwentang bagay.
Lumipas ang tatlong buwan at nararamdaman ni Kristel ang pagbabago mula kay Allen. Maikli ang mga mensahe nito at minsan na lamang siya kausapin. Dito na nag-umpisang maghinala ang dalaga at halos hindi na makatulog. Sa tuwing magkukwento siya, waring walang ganang makipag-usap sa kaniya ang nobyo. At dumating na lamang ang isang araw na hindi na iyon nagparamdam sa kaniya.
Parang gumuho ang mundo ni Kristel nang mawala ang binata sa kaniyang buhay. Walang lumipas na araw na hindi siya nag-iwan ng mensahe para sa binata na hindi na siya sinasagot. Ang dating masiyahin na si Kristel, ngayon ay laging lugmok at hindi na natutulog kakalaro sa kaniyang selpon.
Isang buwan ang nakalipas, muling itinayo ng dalaga ang sarili. Pinilit niyang makipag-ugnayan ulit sa mga dating kaibigan, mga kapatid, pati na sa kaniyang ina. Habang unti-unti niyang binubuo muli ang sarili, muling nagparamdam si Allen. Kahit na nagpasya siyang huwag nang balikan ang dating nobyo, muli niya itong binalikan dahil ang wika niya’y mahal pa naman niya ito.
Muling nagkaroon ng liwanag ang buhay ni Kristel subalit naputol na naman ulit ang kaniyang koneksiyon sa ibang mga tao at ginawang mundo ang kaniyang nobyo. Masaya naman siya at ganoon din si Allen. Akala niya’y magiging maayos na ang lahat, hanggang sa nabalitaan niya na marami palang babae ang kaniyang nobyo.
Naging totoo siya at inilahad ang nararamdaman sa lalaki subalit ni isang tawad ay wala siyang natanggap mula rito. Siguro nga’y dapat lamang ay makapagsimula ulit. Iyong walang husga na naiisip. Pinilit niyang burahin ang mga panloloko ni Allen sa kaniya, kahit na masakit at mahirap tanggapin.
Isang araw, nagising na lamang si Kristel na mayroong masamang balita. Ang kaniyang ina ay may malubhang karamdaman. Nagpasaya ang dalaga na magtrabaho kahit na nasa bahay lamang siya. Pinilit niyang asikasuhin ang mga bagay bagay sa kanilang tahanan at asikasuhin ang mga kapatid. Hanggang isang umaga, nagising na lamang siya na pagod na sa buhay at wala nang gana.
Muli niyang in@dik ang sarili sa paglalaro pati na sa ibang bisyo gaya ng pag-iinom at pagsisigarilyo. Pakiramdam niya ay wala nang magandang nangyari sa buhay niya at puro na lamang siya palya. Dahil sa kaniyang pagpapaliban sa kaniyang trabaho, ilang buwan lamang ay natanggal siya. Muli na namang dumilim ang kaniyang mundo at lalong nagpakalulong sa kaniyang mga bisyo.
Sa tuwing kinakausap siya ni Allen, wala siyang gana at halos gusto na niya itong itaboy. Kabi-kabila rin ang mga lalaki na noo’y ‘di naman niya kinakausap subalit ngayon ay nakikipagpalitan na siya ng mensahe. Pinilit niyang hanapin sa iba ang kaligayahan na nawala sa kaniya.
Hanggang isang araw na lamang, nabalitaan ni Kristel ang pagpanaw ng kaniyang ina dahil sa COVID-19. Ilang araw lamang matapos nito, iniwan siya ni Allen. Ang mga kapatid niya ay tumira sa kanilang mga tiyahin at naiwan ang dalaga na mag-isa sa kanilang bahay, sa kaniyang buhay.
Nalugmok nang maigi si Kristel at inisip na magpatiw@kal na lamang. Agad siyang bumili ng gamot sa isang ilegal na nagbebenta online. Nang gabi na iyon, uminom ng alak si Kristel hanggang hindi na siya makatayo. Kinuha niya ang dalawang piraso ng gamot na tatapos sa kaniyang buhay ngunit nakita niya ang kaniyang yumaong ama na nakaupo sa kanilang sofa. Umiiyak iyon at nakatingin sa kaniya. Humagulgol ng iyak ang dalaga hanggang sa ipikit niya ang kaniyang mga mata.
Kinaumagahan, nang buksan ni Kristel ang mga mata, kinapa niya ang sarili kung buhay pa siya. Kahit na masakit pa ang ulo, muli siyang humagulgol nang maalala ang mukha ng kaniyang ama na lumuluha. Nagkamali siya dahil hindi naman ibang buhay ang kaniyang sinisira kundi ang sarili niya. Nang araw din na iyon, nagpasya siya na itutuwid na ang buhay at hindi na maghahanap ng kaligayan sa bisyo o sinuman kundi sa pagpapabuti ng kaniyang sarili at ng kaniyang mga kapatid.