Malupit ang Trato ng Ginang na Ito sa Bata Dahil Hindi Raw Niya Ito Tunay na Anak; Ito Pala ang Katotohanan
Malaking ngiti ang sinalubong ni Maymay sa kaniyang ina na may dalang mga bagahe at ilang plastik bag matapos niya itong hindi makita ng isang taon. Ang nais na mahigpit na yakap ni Maymay na limang taong gulang ay hindi man lang napagbigyan ni Estrella na kaniyang ina. Tiningnan lamang nito ang bata at iniliban ang tingin sa kaniyang matandang ina na nasa pintuan lamang.
Simangot siya nang makita ang pagmumukha ng kaniyang anak na hindi man lang napagbigyan ng kahit isang yakap. Ni kumusta man lang ay wala itong ibinigay sa bata. Naaalala kasi ni Estrella na hindi naman talaga niya ito tunay na anak.
“Oh, mabuti at nakaluwas ka dito sa probinsya ngayon kahit na may pandemya,” tanong ng kaniyang ina.
“Oo, ‘nay. Medyo lumuwag na ang patakaran sa Maynila pero babalik din ako agad bukas,” sagot naman niya rito.
Sinundan naman iyon ng samu’t saring kuwento ng kaniyang ina tungkol kay Maymay. Kung paano ito ay lumalaking mabuti at magandang bata. Subalit walang tugon si Estrella kundi simangot at tango lamang. Sa isip isip niya, wala siyang pakialam anuman ang mangyari sa bata.
Kinagabihan, malaking ngiti ang nasilayan ni Maymay sa ina habang tinitingnan nito ang mga larawan na nakapaskil sa kaniyang silid. Subalit imbes na mga litrato nila, ibang bata ang mga nasa larawan. Nakangiti ito habang kinakausap ang kaniyang ina na pumasok din sa silid.
“Alam mo ba, ‘nay? Ang ganda gandang bata talaga nito ni Stella! Ang tali-talino pa! Ilang taon pa lang, marunong na siyang kumilala ng iba’t ibang klase ng bandila ng mga bansa. Ang isa pa diyan, kahit na saglit mo lang turuan ay kuhang kuha niya kaagad! Manang mana talaga ito sa akin ang batang ito!” pagpapatuloy pa ni Estrella habang masayang naglalahad ng kwento sa ina. Nakasilip naman habang nakayupyop sa kaniyang lola ang batang si Maymay. Pinaalis ng matanda ang apo at muli na naman niyang kunimbinsi si Estrella na si Maymay ang kaniyang tunay na anak.
“’Nak, hindi mo na dapat pa ipinaskil ang mga litrato ng batang iyan dito. Ano na lang ang mararamdaman ni Maymay kung siya nga, hindi mo kayang tingnan nang diretso?” marahang suway naman ng kaniyang ina. Sumimangot ang mukha ni Estrella matapos marinig iyon sa kaniyang ina.
“’Nay, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi ko anak ‘yang batang ‘yan? Ni hindi ko nga maramdaman na kadugo ko ‘yan! Pineke lang ng mga magulang ni Stella ang DNA kaya hindi na ako nakahabol pa! Isa pa, wala tayong pera para patunayan ang mga sinasabi ko!” pagmamataas na boses ni Estrella sa kaniyang ina.
Matapos manganak ni Estrella, nagkaroon siya ng maliit na komplikasyon kung kaya naman nagtagal pa siya sa ospital. Subalit iginigiit niyang anak niya si Maymay at ipinagpalit daw ang kaniyang tunay na anak na si Stella. Kahit na may DNA test na ay hindi siya naniwala doon dahil mayaman ang pamilya at pineke lamang daw ang resulta.
Isang taon matapos niyang manganak, gumawa ng paraan si Estrella upang mapalapit kay Stella na sinasabi niyang tunay niyang anak. Pumasok siya bilang kasambahay ng mayamang pamilya na iyon upang kahit na papaano raw ay maging malapit siya sa anak niya at masubaybayan niya ang paglaki nito. Iniwan niya sa probinsya ang anak kasama ang matandang ina dahil hindi siya pinanagutan ng kaniyang nobyo na nakabuntis sa kaniya.
Hindi na nagpumilit pa ang ina ni Estrella at lumabas na rin sa silid na iyon. Ilang sandali lamang, habang siya ay nagpapahinga, naramdaman niya ang gumagapang na kamay sa kaniyang tiyan na parang niyayakap siya. Nang imulat niya ang kaniyang mata, naroon si Maymay na yumayakap sa kaniya. Agad niyang itinulak ang bata na nahulog sa kama. Binuksan niya ang ilaw at pinagsisigawan ang bata na umiyak na lamang dahil sa gulat at siguro nga ay sa sama ng loob buhat ng trato ng kaniyang ina.
“Lumayas ka nga dito sa silid ko! Napakakulit mong bata ka! Buti pa nga kinupkop kita, pinapakain kita at binibihisan! Layas! Layas! Layas!” pagmamataas niya ng boses sa bata. Nang marinig iyon ng kaniyang ina, mabilis naman iyong rumesponde at kinuha ang umaatungal na bata.
Kinabukasan, maagang nag-empake si Estrella ng kaniyang mga gamit upang lumuwas ulit sa Maynila. Aniya, hindi raw niya kayang pagtiisan ang pakikisama at mismong pagmumukha ni Maymay. Subalit nang siya’y makarating sa sakayan, nagkaroon daw ng malawakang pagsasara ng mga bus kung kaya bigo siyang makaluwas ng Maynila. Kahit na masama ang loob, kailangan niyang manatili muna ng dalawang linggo sa bahay upang hintayin ang mga papeles para makaluwas.
Araw-araw na nagkukulong lamang si Estrella sa kaniyang silid. Sinisigurado niyang hindi niya sasabayan sa pagkain si Maymay o makasalubong man lang. Subalit isang araw, bigla na lamang nahimatay ang bata at dahil wala doon ang kaniyang ina na namamalengke ng oras na iyon, wala siyang nagawa kundi ang dalhin ang bata sa ospital nang mag-isa.
“Misis, dinapuan ho ng dengue ang bata at kailangan niya ng dugo. Kakaiba ho ang tipo ng dugo ng bata at dapat ho sa inyo manggaling dahil kayo ang kaniyang ina…” wika ng doktor kay Estrella. Nais sana niyang makipagdebate sa doktor dahil alam niyang hindi sila magkadugo ng bata. Subalit hindi na niya iyon ginawa dahil sa kahihiyan.
Lumipas ang dalawang araw, si Estrella ay iritable na dahil hindi makapunta ng ospital ang kaniyang ina upang magbantay dahil matanda na ito at ipinagbabawal na makihalubilo lalo na’t ospital iyon. Isang papel ang iniabot kay Estrella ng isang nurse na nagpaluha at nagpaatungal sa ginang.
Perfect match si Maymay at Estrella sa lahat ng bagay. Tunay ngang magkadugo ang mag-ina. Napatulala si Estrella habang sinisilayan at tinititigan ang mukha ng batang limang taon na niyang itinatakwil. Hindi niya akalaing lahat ng kaniyang paniniwala ay kasinungalingan. Dito naawa si Estrella at humingi ng tawad sa anak na nakaratay sa kama sa ospital.
Simula noon, nawala ang galit ni Estrella at ibinuhos niya ang lahat ng pagmamahal niya upang mapunan ang mga taon na hindi siya naging ina sa anak. Nanghihinayang pa rin siya sa mga nasayang na taon subalit nagpapasalamat pa rin na hindi pa huli ang lahat upang magabayan at masubaybayan niya ang anak hanggang sa ito ay lumaki.