Inday TrendingInday Trending
Saksi Siya sa Kabulastugang Ginagawa ng Kaniyang Boss; Magawa Niya Kaya Itong Labanan Kahit na Posible Siyang Mawalan ng Trabaho?

Saksi Siya sa Kabulastugang Ginagawa ng Kaniyang Boss; Magawa Niya Kaya Itong Labanan Kahit na Posible Siyang Mawalan ng Trabaho?

“Congratulations, Ate Jess! Usap-usapan dito sa office na ikaw na ang mapo-promote sa susunod na buwan, ha.”

Lumawak ang ngiti na nakapaskil sa mukha ni Jessica dahil sa sinabi ng kaibigan na si Joyce. Mas bata ito sa kaniya ng halos pitong taon ngunit nakapalagayan niya pa rin ito ng loob.

Matagal niya nang inaasam ang promosyon. Ilang taon na rin niya itong hinihintay dahil limang taon na rin naman siyang nananatili sa kompanya.

“Sus, hindi pa tayo sigurado riyan!” nahihiya niyang tugon sa sinabi rito.

Tumaas lamang ang kilay nito. “‘Wag ka na mahiya, alam naman ng lahat. Anunsiyo na lang ang kulang at saka deserve mo naman ‘yun lalo na’t napakasipag mo!”

Totoo naman iyon. Ginalingan talaga niya at talagang humataw siya para makamtan ang ninanais.

“Excited ako para sa’yo! Sana sa susunod ako naman!”

Tapik sa balikat ang naging sagot niya rito bago siya bumalik sa kaniyang maliit na mesa. Mabilis na lumipas ang maghapon.

“Uwi na ako. Ikaw?” naulinigan niyang tanong ni Joyce.

Awtomatikong napatingin siya sa relo. Hindi niya na pala namalayan ang oras.

“Una ka na. Tatapusin ko na lang ito dahil kailangan na bukas.”

Sa totoo lang ay madalas siyang mag-overtime. Gusto niya kasi na laging pulido ang kaniyang trabaho.

Isang oras pa ang lumipas at in-off niya na ang computer bago siya lumabas ng opisina.

“Ay, magandang gabi, Sir,” bati niya nang makita niya ang boss na si Rupert sa elevator. Hindi ito nag-iisa; nakaakbay ito sa isang pamilyar na babaeng empleyado. Ang bagong sekretarya.

“Miss Dela Vega?” tila hindi siguradong sagot nito. Hindi yata siya nakilala nito.

Tipid na ngiti na may kasamang tango ang isinagot niya sa lalaki. Tahimik naman ang babaeng kasama nito at nakayuko. Halatang hindi ito komportable sa paghawak ng lalaki ngunit hindi rin ito kumikilos para sawayin ang lalaki.

Iniiwas niya ang mata sa dalawa dahil ayaw niya rin namang makialam sa relasyon ng mga ito.

Pagdating sa parking lot ay nagpaalam na ang lalaki at naiwan silang dalawa.

“Ma’am Jessica, tulungan mo ako! Inaab*so ni Sir Rupert ang pagiging boss niya!” Ramdam niya ang takot mula sa tinig ng babae.

“Bakit hindi mo siya isumbong? Bakit mo pinababayaan?” kunot-noong usisa niya.

“Dahil mababa ang posisyon ko. Hindi ko siya kayang labanan.”

Blangko ang mga matang nilingon niya ang babae.

“Ayokong makialam sa inyo. Hinihintay ko na lang ang promosyon ko. Hindi makikisawsaw sa bagay na ikapapahamak ko,” mataray na sagot niya sa babae bago niya ito tinalikuran.

Kahit na mukhang wala siyang pakialam ay hindi siya nakatulog ng gabing iyon dahil binabagabag siya ng kaniyang nakita. Hindi niya maalis sa isipan ang hinala na pang-aab*so ni Rupert ang dahilan kung bakit walang nagtatagal na sekretarya ang lalaki.

Kinabukasan ay pilit siyang kinausap ng babae, subalit matigas pa rin ang pagtanggi niya.

Alam niyang mali ang ginagawa ni Rupert kaya dapat lamang na komprontahin ito at managot sa mga ginagawa, pero paano naman ang promosyon na inaasam niya?

Parang naulit na eksena sa pelikula ang nangyari kinagabihan dahil parehong-pareho ang tagpo. Tatlo na naman silang nasa loob ng isang elevator.

Mula sa salamin ay kitang kita niya kung paano nito pilit na hinahalikan ang babaeng empleyado kahit na halatang ayaw nito. Tila hindi nito alintana na saksi siya sa kahayupan nito! Rinig niya ang mahinang hikbi ng sekretarya nitong walang magawa.

Noon din ay nakapagdesisyon siya. Hindi siya nagdalawang-isip na sipain ang lalaki ng buong lakas at itulak palayo sa babae.

Nagdugo ang labi nito sa lakas ng sipa niya. Sakto namang huminto ang elevator at bumukas.

“Hulihin nyo ang babaeng iyan! Tingnan niyo ang ginawa sa akin!” agad na utos nito sa mga guwardiya. Agad namang tumalima ang mga ito.

“Inaab*so niya ang sekretarya niya. Kitang-kita ko! Bakit ako ang hinuhuli niyo?” sigaw niya sa mga ito.

“Kahit tingnan niyo pa sa CCTV, nagsasabi ako ng totoo!” pilit niya pang pagpupumiglas.

“Ma’am, sira po ang CCTV,” naiiling na wika ng isa sa mga ito.

Kitang-kita niya kung paano umusbong ang mala-demonyong ngisi sa labi ni Rupert. Mukhang nakikisama rito ang panahon.

“Hindi mo mapapatunayan ‘yang bintang mo sa akin pero ako? Mapapatunayan ko na inatake mo ako! Tingnan ko ngayon kung hindi ka mawalan ng trabaho!” mayabang na bulalas ng lalaki.

Sa presinto ay sinagot niya ang tanong ng mga pulis. Subalit kahit na anong pagsasabi niya sa totoo ay hindi naniniwala ang mga ito lalo na’t pinapalabas ni Rupert na basta basta na lamang niya itong inatake.

“Pasensiya na, Ma’am. Mukhang kailangan niyong manatili rito. Hindi raw iuurong ni Sir ang reklamo hangga’t hindi kayo humihingi ng tawad.”

Natahimik siya at sobra sobra ang galit na nararamdaman. Hindi niya mapapatunayan ang nangyari ngunit ayaw niya ring humingi ng tawad dahil wala siyang kasalanan.

“May ebidensiya siya!” malakas na wika ng isang babae. Ang sekretarya.

“Ako. Kaya kong patunayan ang totoong nangyari at mayroon akong ebidensiya kung paano ako inaab*so ng lalaking iyan!” Inilabas nito ang cellphone at iniabot sa pulis.

Gusto raw nitong kasuhan si Rupert. Hinarap siya ng sekretarya na nagpakilalang si Nika.

“Pasensiya na po at ngayon lang ako nagsalita. Natakot kasi ako ngunit ngayon alam ko na na hindi ako dapat magpa-api sa kahit na kanino.”

Salamat sa ebidensya, sa huli ay si Rupert ang nagpalipas ng gabi sa kulungan. Nang makalabas silang dalawa ay nagtanong itong muli kung bakit ganoon na lang ang tapang niya kahit pa manganib ang trabaho niya.

Ngumiti siya rito. “Naiisip ko ang mga mahal ko sa buhay. Ayaw kong mangyari ito sa kanila. Para sa iba, isang simpleng pangyayari lang ito sa buhay mo. Ngunit maaaring buong buhay kang mabuhay sa takot kung hindi ka lalaban,” katwiran niya.

Sa huli ay si Rupert ang natanggal sa trabaho. Napatunayan kasi na inab*so na rin nito ang mga nauna nitong sekretarya.

Tuwang-tuwa si Jessica. Nakuha niya pa rin ang pinakaaasam na promosyon. At wala siyang nararamdamang sundot ng konsensiya dahil alam niyang inilaban niya kung ano ang tama.

Advertisement