Sinamantala ng Babaeng Inggitera ang Pinsan Niyang Bulag; Sising-Sisi Siya sa Nawala sa Kaniya
“Jane, ikaw na ba ‘yan?”
Napaismid si Jane nang marinig ang boses ng pinsan na si Andie.
Nakiusap kasi ang kaniyang tiyahin na kung maaari ay siya muna ang umalalay sa kaniyang nag-iisang pinsan.
Bulag kasi ito. Kaya kahit sanay na naman itong magkikilos sa loob ng bahay, hindi pa rin panatag ang loob ng kaniyang Tita Lily na iwanang mag-isa si Andie sa bahay.
Siya pa tuloy ang naatasang magbantay dito.
“Oo, Andie, ako ‘to! Kukuha lang akong tubig, tapos pupunta ako diyan,” sagot niya sa pinsan.
“Ako rin, Jane, ikuha mo rin ako ng tubig, please!” pakiusap nito.
Naiinis man ay wala naman siyang ibang magawa kundi sundin ito.
Binuksan niya ang TV habang ito naman ay tahimik na nakikinig ng musika.
Maya-maya ay nagulat siya sa itinanong nito.
“Jane, naranasan mo na bang magkaroon ng boyfriend?”
Nagulat man ay sinagot niya ang tanong ng pinsan.
“Oo naman. Third year college na kaya tayo. Bakit mo naman naitanong?” nagdududang balik tanong niya sa pinsan.
“Ah, may nanliligaw kasi sa akin. Napakabait niya at lagi niya akong inaalalayan kapag nasa school. Gusto ko sana siyang sagutin bukas,” nakangiting tugon nito.
Minasdan niya ang nakangiting mukha ni Andie.
Kahit pa ipinanganak itong bulag ay hindi niya pa rin masasabi na minalas ito dahil lamang na lamang ito sa iba sa maraming bagay.
Sunod ito sa layaw dahil maganda ang trabaho ng ama nito na isang magaling na abogado. Ang ina naman nito ay isang matagumpay na negosyante.
Kung sa ganda ay hindi rin naman pahuhuli ito. Mayroon itong maamong mukha, malalantik na pilik mata, matangos na ilong, at mapulang labi.
Ang kutis nito ay talaga namang napakakinis dahil alagang alaga ito ng kaniyang tiyahin.
Matalino rin si Andie at maraming kayang gawin kahit na isa itong bulag.
Kaya naman hindi lingid sa kaniyang kaalaman na maraming lalaki ang nagkakagusto sa kaniyang pinsan kahit pa may kapansanan ito.
“Sino naman ‘yang tinutukoy mo?” interesadong tanong niya sa pinsan.
Tila nahihiyang ngumiti ito.
“Ah, si Jerome.”
Kumabog ang dibdid ni Jane. Hindi naman siguro iisang lalaki ang nagugustuhan nila, hindi ba?
“Jerome? Anong apelyido?” kinakabahang tanong niyang muli sa pinsan.
“Jerome Ibañez.”
Tila nabasag ang puso ni Jane sa narinig. Naalala niya ang sinabi ni Jerome noong nagtapat siya rito ng pag-ibig.
“Sorry, Jane. Kaibigan lang ang tingin ko sa’yo. Ibang babae ang gusto ko.”
Ang pinsan pala niya ang babaeng tinutukoy nito!
Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na galit sa pinsan. Bakit ba lahat na lang ay napunta sa pinsan niya, gayong isa lang naman itong bulag?
Isang maitim na balak ang nabuo sa kaniyang isipan.
“Naku, mabuti pala at nabanggit mo ‘yan sa akin, Andie. Alam mo, kung ako sa’yo, lalayuan ko si Jerome,” payo niya.
“Bakit naman?” kunot noong tanong nito.
“Kasi kilala ko siya. Alam mo ba… pangit ‘yun. Kaya nga siguro ikaw ang nilapitan nun kasi hindi mo makikita ang pangit niyang mukha,” paninira niya kay Jerome. Kahit ang totoo ay hindi ito pangit. Sikat nga ito sa mga kababaihan lalo na’t gwapo ito, matalino at mabait.
Inaasahan niya na aayawan nito si Jerome. Kaya naman nagulat siya nang ngumiti ang pinsan.
“Wala namang kaso sa akin ang panlabas na anyo. Una, isa akong bulag,” natatawang komento nito. “Pangalawa, hindi naman mahalaga ang panlabas na anyo. Ang bait bait sa akin ni Jerome, at sapat na ‘yun.”
Nadismaya siya sa sinabi ni Andie. Kailangan niya ng mas malalim na dahilan para ayawan nito ang lalaki.
“Buti sana kung mabait. Ang kaso, masama ang ugali nun. Bully ‘yun, lalo na sa mga bago sa school. Hindi mo nakikita kasi sa’yo lang naman ‘yun mabait.”
“Ay, ganun ba? Akala ko naman ang bait niya sa akin. Sige, bukas, kakausapin ko siya,” malungkot na tugon ni Andie. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya sa natuklasan.
Napangisi si Jane sa sinabi nito. Kung babastedin ito ni Andie, siguradong may pag-asa na siya sa lalaki! Siya yata ang pinakamagandang babae sa eskwelahan nila.
Kinabukasan, naabutan ni Jane na nakatalungko si Jerome malapit sa basketball court.
Nang makita siya ng lalaki ay dali-dali itong lumapit sa kaniya.
“Jane, kanina pa kita hinahanap. May itatanong kasi ako sa’yo,” seryosong wika ng lalaki.
Kumabog ang dibdib niya. Marahil ay magtatapat na si Jerome!
“Ano ‘yun?” ngiting ngiting tanong niya sa lalaki.
“Bakit mo ako siniraan sa pinsan mo?” galit na tanong nito.
Natameme si Jane. Hindi maapuhap ang sasabihin sa lalaki.
“Akala mo siguro babastedin ako ni Andie nang walang paliwanag, ano? Hindi siya ganun! Tinanong niya ako kung totoo raw ba ang mga narinig niyang balita! Mabuti at napaamin ko siya kung sinong makating dila ang nagkalat ng maling balita tungkol sa akin!” galit na galit na bulalas ng lalaki. Halos sumigaw na ito. Iyon ang unang beses na nakita niyang nagalit ang mabait na si Jerome.
“Bawiin mo ang sinabi mo kay Andie,” bilin nito bago siya iniwang mag-isa.
Sunod sunod na tango na lamang ang naisagot niya sa lalaki sa sobrang pagkabigla.
Binawi niya ang mga sinabi sa pinsan. Humingi siya ng tawad dito at inamin niya na nainggit siya kaya naman siniraan niya si Jerome.
Nagulat ito sa kaniyang rebelasyon ngunit dahil likas itong mabait ay napatawad naman siya nito.
Ang labis niya na ikinalungkot ay si Jerome. Bagaman naging kasintahan ito ni Andie ay hindi na bumalik sa dati ang samahan nila dahil tuluyan na itong lumayo sa kaniya.
Napakalaki ng pagsisisi ni Jane sa nagawa. Napatunayan niya na hindi nga kailanman nananalo ang mga taong may maitim na hangarin. Imbes tuloy na mapalapit siya sa lalaking minamahal ay lalo lamang itong napalayo sa kaniya.