Binigyan ng Mamá ng Kalahating Kilong Isda ang Lalaking Matalim na Nakatingin sa Kaniya; Malaman-Laman Niya’y Hinahanap Pala Ito ng mga Awtoridad
“Oh! Isda kayo riyan, sariwa pa ‘to at tiyak na hindi kayo magsisisi,” sigaw ni Mang Romnick sa bawat taong dumadaan sa kaniyang pwesto.
Alas kwatro pa lang ng hapon ay naglalatag na siya ng kaniyang panindang isda sa inuupahang pwesto sa may talipapa. Alas kwatro pa lang ay marami nang mamimili ang dumadayo sa talipapa upang mamili ng uulamin para sa hapunan. Kaya naman hindi aabutan ng alas-syete ng gabi ay ubos na ang kaniyang tindang isda.
Habang inaayos ang kaniyang paninda ay may lalaking deretsong tumayo sa harapan ng kaniyang pwesto at titig na titig sa kaniya. Nakasilid sa magkabilang bulsa nito ang dalawang kamay habang tahimik na nakatitig sa kaniya. Sa klase ng titig nito’y nanindig ang mga balahibo niya.
“Bibili ka ba ng isda, hijo?” tanong ni Mang Romnick sa lalaking nanatiling nakatitig sa kaniya.
Dala na rin ng awa ay ipinagbalot niya ito ng kalahating kilong isda. Baka gusto nitong bumili ng kaniyang paninda, ngunit wala itong pera kaya tahimik na lamang na tumitig sa kaniya.
“Oh, ito na ang isda mo. Bigay ko na lang iyan sa’yo. Umuwi ka na’t pagsaluhan niyo iyang bigay ko,” aniya sabay abot sa nakasupot na isda at mahinang tinapik ang balikat nito.
Nakita niya kung paanong natulala ang lalaki sa ibinigay niyang isda. Nagulat yata ito sa ginawa niya. Matapos umusal ng pasasalamat ay tumalikod na ito at naglakad papalayo. Nagpatuloy si Mang Romnick na ibenta ang natitira pa niyang isda. Kaunting na lang din naman iyon at mauubos na.
“‘Pa, tingnan mo oh! May wanted na namang hinahanap ang pulisya,” ani Rissa, ang kaniyang panganay na anak. “Naku! Nang-holdap raw ito sa isang mall at nakatakas tangay ang ilang libong pera at mga mamahaling gamit,” dugtong pa nito.
Sa kuryusidad ay sinilip ni Mang Romnick ang telebisyon kung saan ibinabalita ang wanted na lalaki. Agad na nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang pamilyar na mukha ng sinasabing kr*minal.
“Ang makakahanap daw sa kaniya ay may isang milyong gantimpala. D’yos ko! Sana naman ay hindi ‘yan makarating dito sa lugar natin. Nakakatakot,” ani Rissa.
Biglang kumalabog ang dibdib ni Mang Rominick. Ibig sabihin ay ang lalaking binigyan niya kanina ng kalahating kilong isda ay isang kr*minal? Parang gusto niyang panghinaan ng laman sa naiisip na maaaring nangyari sa kaniya kanina.
Kinabukasan ay laman pa rin sa isip ni Mang Romnick ang balitang kaniyang nakita kagabi. Siguro naman ay hindi na muling magpapakita ang lalaking iyon rito sa kaniyang pwesto, baka sa ibang pwesto naman. Ngunit nagkakamali siya dahil sa pag-angat niya ng mukha’y muli niyang nasilayan ang mukha ng lalaking binigyan niya kahapon ng kalahating kilong isda, at siya ring lalaking hinahanap ng mga awtoridad.
“Hali ka,” kaway niya sa lalaki.
Nag-alangan itong lumapit noong una ngunit maya maya’y nagdesisyon rin itong lumapit sa pwesto niya. Kinuha niya sa upuan ang jacket na kinuha niya sa kabinet nila at iniabot rito.
“A-akin na po ba ito?” nauutal na tanong ng lalaki.
Tumango siya at ngumiti. “May inilagay akong pera d’yan,” aniya. “Isuot mo ‘yan hijo, upang hindi ka makita ng ibang tao. Nakapaskil na sa telebisyon ang iyong mukha, kaya hindi malabong makilala ka rin ng ibang tao,” babala niya.
Nakita ni Mang Romnick ang bahagyang pagkataranta sa mukha ng lalaki at ngali-ngaling isinuot ang ibinigay niyang jacket.
“Ipapahuli niyo na rin po ba ako? Malaki ang perang nakapatong sa ulo ko, tiyak na kapag isinuko niyo ako’y yayaman kayo,” sindak ng lalaki, ngunit nanatiling mahina ang boses.
Umiling si Mang Romnick at saka nagsalita. “Sapat na ang kinikita ko rito upang buhayin ang pamilya ko hijo, hindi ko na hinangad ang yumaman lalo na’t matanda na rin naman ako’t ilang taon na lang ang ilalagi ko rito sa mundo,” prangka niyang wika. “Pero ikaw, bata ka pa. Marami ka pang magagawa sa buhay at malayo pa ang mararating mo, kung hindi ka lang sana gumawa ng malaking kasalanan.”
Umiwas ng tingin ang lalaki at nilingon ang mga taong abala sa kani-kanilang buhay. Mukhang wala namang nakapansin sa presensya niya kaya walang dapat na ikabahala. Makakaalis siya at makakabalik sa pinagtataguan niya nang tahimik.
“Salamat sa pera at sa masarap na isdang ibinigay niyo, manong,” aniya saka pasimpleng umalis sa pwesto ng matandang lalaking naging mabait sa kaniya.
Habang naglalakad pauwi si Ian, may desisyong nabuo sa kaniyang isipan. Susuko na siya sa awtoridad, susuko siya sa pamamagitan ng matandang nagtitinda ng isda. Dumaan siya sa isang tindahan na may pay phone at doon tumawag ng pulisya. Nagpanggap siyang si Mang Romnick at itinuro niya ang lahat ng paraan upang mas mapadali ang paghuli ng mga ito sa kaniya.
Abala si Mang Romnick sa pag-asikaso sa namimili ng kaniyang paninda ng dumating si Ian.
“Bakit hindi mo sinuot ang jacket na ibinigay ko?!” kinakabahang wika ni Mang Romnick.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Ian at maya maya’y isa-isang nagsilabasan ang mga pulis na kanina pa pala nakatago sa kung saan mang sulok ng talipapa. Agad na pinosasan ng mga ito ang braso ni Ian, dahilan upang nahintakutan si Mang Romnick sa bilis ng pangyayari.
“Tanggapin mo, manong ang isang milyong pabuya dahil nahuli na ako,” nakangiting wika ni Ian, habang mangiyak-ngiyak siyang hinawakan ni Mang Romnick. “Iyon ang sukli ko sa kabutihan mo, manong. Salamat at hanggang sa dulo’y hindi niyo gustong mapahamak ako, at salamat sa hapunang ibinigay niyo sa’kin noong araw na kumakalam ang sikmura ko,” umiiyak na wika ni Ian.
“Hindi ko ginustong gumawa ng masama, manong,” hagulhol pa nito. “Nasa bingit ng kam@tayan ang kapatid kong babae noon at tanging pagnanakaw lamang ang nakita kong paraan upang mailigtas ang buhay niya. May parteng nagsisisi ako dahil naging delikado ang buhay ko at kinailangan kong magtago, pero sa tuwing nakikita ko ang kapatid kong maayos at wala nang sakit ay naiisip ko na tama lang din ang ginawa ko. Salamat din sa’yo, manong.”
Hindi na nagawang magsalita ni Mang Romnick, niyakap na lang niya si Ian at nangakong hindi ito pababayaan sa loob ng kulungan, pati na ang kapatid nitong dahilan kung bakit naging ganoon ang buhay ng binata.
Lumipas ang maraming araw at nanatili ang pangakong binitawan ni Mang Romnick, natanggap na niya ang pabuyang isang milyon dahil sa pagsuko ni Ian. Inilaan niya ang lahat ng iyon upang tulungan ang binata.
Sa maiksing panahong nakilala niya ito at ang kapatid nito’y masasabi niyang napakabait ni Ian, at iyon ang dahilan kaya labis ang awang nararamdaman niya para sa binata. Talagang gagawin ng kapatid ang lahat mailigtas lang ang kanilang kapatid, at iyon ang ginawa ni Ian, hinayaan niya ang sariling maging masama, mapabuti lang ang kaniyang bunsong kapatid.