Inday TrendingInday Trending
Pilit na Pinapaalis ng Ginoo ang Madungis na Lalaking Tahimik na Kumakain; Isang Mabigat na Supalpal Lang Pala ang Kailangan Nito Upang Tumigil

Pilit na Pinapaalis ng Ginoo ang Madungis na Lalaking Tahimik na Kumakain; Isang Mabigat na Supalpal Lang Pala ang Kailangan Nito Upang Tumigil

Kumakalam na ang sikmura ni Richard, at talagang gustong-gusto na niyang kumain. Kaya naman noong naibigay na ang kaniyang order ay agad niya itong nilantakan. Nakalimang subo siya nang mapansing sa wakas ay nagkaroon na rin ng laman ang kaniyang tiyan. Tumayo upang kumuha ng tubig na maiinom nang matigilan.

“Miss, dapat hindi kayo tumatanggap ng ganitong klaseng kustomer,” anang lalaki sa tinderang abala sa pagbibigay ng pagkain sa mga namimili. “Nakakawalang gana, ang baho at ang dungis. Sinong hindi mawawalan ng gana kung may makikitang ganitong klaseng tao? Ano ba naman ‘yan!” reklamo pa rin ng lalaki habang nakatingin sa lalaking tahimik na kumakain.

Sinuri ni Richard ang tinutukoy ng lalaking madungis at mabahong lalaki. Masyado siyang malayo sa pwesto nito kaya hindi niya alam kung totoo nga bang mabaho ang amoy nito. Ngunit sa nakikita niya’y totoong madungis ang damit ng lalaki.

“Hoy! Siguro naman ay hindi ka bingi, ‘di ba? Labas!” taboy ng lalaki.

“Pasensya na po kuya, pero hayaan niyo munang tapusin ko ang pagkain ko,” anang lalaki.

“Doon mo na tapusin iyan sa labas! Ang baho mo!” taboy pa rin nito.

“Hoy! Hayaan mo nga ‘yang kumakain na tao d’yan! Maghanap ka ng pwestong malayo sa kaniya!” saway ng tindera.

Ngunit imbes na makinig ang lalaki’y nagpatuloy ito sa pagtaboy sa lalaking tahimik na kumakain. Mukhang hindi ito tatahimik hangga’t hindi nito napapaalis ang kawawang lalaki.

“Alis na nga sabi!” galit na nitong taboy.

Imbes na kumuha ng tubig ay lumiko si Richard at hinarap ang mayabang na lalaki.

“May problema ka po ba sa kaniya, sir?” takang tanong ni Richard.

Ngayong nasa malapit na niya ang lalaki’y hindi naman pala ito nangangamoy. Talagang madumi lang ang damit nito, ngunit hindi naman mabaho. Maayos ding nakasuklay ang buhok nito at maayos ang mukha, talagang madumi lamang ang suot na damit at ang kamay.

“Nandidiri kasi akong kumain kapag nakikita ko siya,” sagot nito sabay duro sa lalaking nakayuko.

“Pasensya na po kayo, sir. Pangangalakal lang kasi ang kaya kong gawin sa buhay, kaya po ang dungis ng damit at kamay ko, pero naghugas po ako ng kamay, kaso mantsa na po yata ng dumi kaya mahirap nang tanggalin. Sa gitna ng init sa arawan ay hindi po ako nagbabasa o naghuhugas ng kamay dahil natatakot po akong mapasma, maliban kung kumakain. Pasensya na po kayo sa itsura ko. Bibilisan ko na lang ang pagkain at aalis na ako agad,” hinging paumanhin ng lalaki.

Agad na nakaramdam ng habag si Richard sa sinabi ng lalaki. Ito ang dahilan kaya ang dungis nito, dahil sa klase ng hanapbuhay nito kaya ang dungis nitong tingnan, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay nakakadiri na ito, sadyang maarte lang talaga ang lalaki.

“Tapusin mo ang pagkain mo, hindi mo kailangang magmadali. Binayaran mo iyan at karapatan mong kumain saan mo man gusto,” aniya at hinarap ang bastos at nagwawalang lalaki. “Marami pa pong bakanteng pwesto, hanap kayo ng pwestong hindi niyo siya nakikita, sir,” kausap niya rito sabay turo sa mga pwestong walang nakaupo.

“Hindi dapat kumakain sa mga ganitong kainan ang kagaya niya,” inis na giit pa rin ng lalaki. “Kung sanay siyang singhutin at makita ang mga basura, pwes, may ibang taong hindi. Tsk! Talagang nakakawalang gana siyang tingnan,” komento pa nito at masamang tinitigan ang lalaking kumakain.

Gustong-gusto na ni Richard na singhalan ang lalaking kanina pa iniinsulto ang nangangalakal na lalaki, ngunit pinipigilan niya ang sarili. Walang saysay ang galit niya sa lalaking kagaya nito. Kung sanay sa basura ang lalaking tahimik na kumakain, mas basura naman ang ugali ng ginoong walang ibang ginawa kung ‘di ang mangmata ng iba.

Ibubuka na sana ni Richard ang bibig upang kausapin ang ginoo nang matigilan dahil sa malakas na boses ng aleng tindera.

“Hoy! Mister, pwede ba?! Wala ka sa mamahaling restawran, nandito ka sa pangmasang karinderya, makakasalamuha mo ang lahat ng taong-grasa, b@liw, dugyot at kung ano-ano pang nakakadiring nilalang. Tao rin sila, nakakaramdam ng gutom, kaya malamang maghahanap sila ng makakainan. Nagbayad sila gaya ng ibinayad mo kaya huwag kang maarte riyan! Kung ayaw mong makakita ng kagaya niya’y pumunta ka sa mamahaling restawran, doon wala kang makikitang nakakadiri! Letse ‘to!” inis na litanya ng ale at muling ibinalik ang atensyon sa pag-asikaso sa mga kustomer.

“Pasalamat ka marami akong kustomer dito!” bubulong-bulong pa ng ale.

Iyon ang nais sambitin ni Richard sa ginoo, salamat at hindi na niya kailangan pang bigkasin dahil naipamukha na ng ale rito. Inis na kinuha ng ginoo ang kaniyang pagkain at naghanap ng ibang mapu-pwestuhan.

Napangiti siya sa bigat ng pagsupalpal ng ale sa lalaking bastos. Tama ang ale, nasa pangmasang karinderya sila, lahat ng klase ng tao ay pupunta rito at makikikain. Madungis, malinis, mabaho o anuman ang itsura nito’y may karapatang pumasok, umupo at kumain sa karindeyang ito.

Advertisement