Iginugol ng Tatay ang Panahon Niya sa Pagmamaneho, at Kapag Sabado’t Linggo ay Nakikipag-inuman sa mga Kabarkada; Pagsisisihan Niya Ito
Labinlimang taon nang namamasada ng pampasaherong jeepney si Mang Larry. Ito ang ginamit niya upang maitaguyod ang kanilang mga anak na sina Sonia, Lester, at Segrette.
Naglalabada naman ang asawa ni Mang Larry na si Aling Jillian. Madalas ay wala rin ito sa bahay dahil nagtutungo ito sa bahay-bahay ng mga nagpapalabada sa kaniya. Bilang panganay, si Sonia ang nagbabantay at gumagabay sa pag-aaral ng kaniyang mga nakababatang kapatid.
Parehong abala sa kani-kanilang mga ginagawa sina Mang Larry at Aling Jillian. Hindi na matandaan ni Sonia kung kailan ba sila lumabas at namasyal bilang isang pamilya. Ni hindi pa sila kumain sa isang restaurant, o kaya ay sabay-sabay na magsisimba tuwing Linggo.
Kapag umuuwi si Aling Jillian ay pagod na ito. Marunong na rin namang magluto si Sonia kaya hindi na nila kailangan pang hintayin ang nanay. Siya na rin ang nagpapakain sa mga kapatid. Matutulog na kaagad ang kanilang nanay na pagod sa maghapong paglalaba.
Pagdating naman ni Mang Larry sa bahay nila ay sakto namang tulog na ang mga bata at tapos nang maghapunan ang asawa niya.
Hindi rin nagpapahinga si Mang Larry at wala na siyang konsepto ng Sabado at Linggo. Minsan, mas inilalaan pa niya ang natitirang oras kasama ang mga kabarkada o kasamahang drayber at nakikipag-inuman.
Ganito ang naging takbo ng buhay nila sa loob ng halos maraming taon. Dumarating pa sa punto na nagugulat na lamang ang mag-asawa kapag nakikita nila ang mga anak nila. Parang kay bilis magsilaki!
Isang araw, bigla na lamang bumagsak si Mang Larry nang pasakay na siya ng pampasadang jeep. Wala siyang malay at si Lester ang nakakita sa kanya. Agad siyang dinala sa ospital.
“Kailangan nating maoperahan ang mister ninyo, misis, kung hindi, eh, hindi natin alam baka mamaya, bukas, sa susunod na araw ay hindi na kayanin ng ugat sa utak niya,” sabi ng doktor kay Aling Jillian.
May nakitang ugat na nagbabantang pumutok sa utak ni Mang Larry. Hindi sapat ang kanilang ipon para sa operasyon. Ginawa ni Aling Jillian ang lahat upang makahanap ng pera. Tumakbo siya sa mga pribadong sektor at pampublikong ahensya ng pamahalaan upang makakuha ng cash assistance.
“Huwag ka nang mag-alala Jillian. Okay lang ako, magiging okay ako,” sabi ng nakapikit na si Mang Larry sa asawa niya.
Nakalabas sila ng ospital at nagpasya na bumalik na sa mga nakagawian nila araw-araw. Subalit, hindi na ito ang nangyari. Kadalasan ay bigla na lang bumabagsak si Mang Larry at nawawalan ng malay.
Alalang-alala sina Aling Jillian at ang tatlong nilang anak sa padre de pamilya nila. Ngunit, wala rin silang magagawa. Nagpatuloy sa paglalabada si Aling Jillian araw-araw para matustusan ang araw-araw nilang gastusin.
Habang lumilipas ang mga araw, mas lalong hindi masasabi ang kondisyon ni Mang Larry. Noong napansin niyang mukhang hindi talaga siya tatagal, doon siya nagpasya na ibahin na ang nakagawian niya araw-araw.
Pagdating ng Linggo, maaga siyang gumising at ginising din niya ang asawa at mga anak niya.
“Jillian, mga anak, gising na kayo. Magsimba tayong magkakasama,” sabi niya habang kinikiliti ang mga paa ng mga anak niya. Masayang-masaya ang ama ng tatlong bata.
Pagkagaling nila sa simbahan, nagluto agad siya ng agahan nila at sabay-sabay silang kumain.
“Tatapusin ko lang ‘to, mauna na kayong kumain at baka gutom na kayo,” sabi ni Aling Jillian habang binabanlawan ang mga labada niya.
“Halika ka na rito, mamaya na iyan. Kumain tayo nang sabay,” hiling ni Mang Larry sa asawa na agad namang pinagbigyan.
Simula noon, itinuring ni Mang Larry ang bawat araw na ipinagkaloob sa kanya na huling araw na niya kung kaya’t bawat segundo ay mahalaga sa kanya. Ibinuhos niya ito sa asawa at sa mga anak niya.
Iniba ng kondisyon ni Mang Larry ang mga nakagawian nila sa buhay ngunit hindi pa rin niya maiiwasang manghinayang sa mga nasayang na oras. Malalaki na ang mga anak bago pa niya lubusang naibahagi ang sarili niya sa kanila.
“Patawad, mga anak. Hindi ko kayo nabigyan ng oras noon. Sana mas lalo kong nasubaybayan ang paglaki ninyo. Kaya lang, medyo huli na at bilang na lang ang mga huling araw ko. Sana, pati kayo ay matuto sa nararanasan natin. Pahalagahan natin ang bawat oras na mayroon tayo at ibahagi natin ang sarili natin sa mga taong mahal natin,” hiling ng amang nakaratay na sa higaan.
Sumakabilang-buhay si Mang Larry ngunit, kahit ganoon ang nangyari, nawala siyang may sayang nararamdaman. Kahit paano ay nabigyan siya ng pagkakataong mamulat at baguhin kahit sa huling sandali ang mga dapat niyang baguhin.
“Mga anak, Linggo ngayon, magsimba na tayo,” lagi nang bukambibig ni Aling Jillian sa tuwing sasapit ang Linggo.
Kaya naman, natuto na rin si Aling Jillian na pahalagahan at sulitin ang bawat oras na ipinagkaloob. Huwag alisin ang Diyos sa mga buhay, gaano man karami ang mga dapat nating gawin o gampanan.
Napagtanto niya na dapat ay maglaan ng oras para sa pamilya at gumawa ng mga masasayang alaala kasama ang mga mahal sa buhay, bago pa mahuli ang lahat. Iisa lamang ang buhay, at hindi na ito maibabalik pa kapag kinuha na Niya.