Kinupkop ng Matandang Dalaga ang Ulilang Pamangkin Ngunit Hindi Niya Ipinaramdam ang Pag-aaruga; Sino ang Magbibigay Nito sa Bata?

Labintatlong taong gulang lamang si Marcus nang sumakabilang-buhay ang mga magulang niya sa isang aksidente. Solong anak lamang siya, kinupkop ng tiyahin na si Aling Normita, na nakatatandang kapatid ng kanyang ama.

Matandang dalaga ito, 53 gulang na at ubod ng sungit. May tindahan si Aling Normita sa silong ng bahay.

Mayroon siyang kasambahay na si si Aling Atang, 50, biyuda at walang anak. Matagal na panahon na itong naninilbihan sa kanya at nakasanayan na ang kayang kasungitan. Masipag na kasambahay si Aling Atang, mabait at mapagkakatiwalaan.

Mula nang maulila sa mga magulang si Marcus ay kay Aling Normita na ito nanirahan. Tumutulong si Marcus sa mga gawaing bahay, nagwawalis sa maluwang na bakuran, nagsisiga ng mga tuyong dahon, nagpapakain ng mga manok, at nagbibitbit ng mga pinamili ng tiyahin tuwing araw ng Sabado at Linggo.

Natutuwa si Aling Atang sa kasipagan ni Marcus kaya lagi niya itong ipinaghahanda ng meryenda. Sa simula’y medyo nahihiya si Marcus ngunit nang lumaon ay nakasanayan na nito ang mga meryenda na sadya ni Aling Atang para sa kanya. Kalaunan ay nakikipagbiruan na ang bata kay Aling Atang na itinuring niyang parang pangalawang ina.

Walang panahong makipag-usap si Aling Normita kay Marcus dahil lagi itong abala sa pag-aasikaso ng tindahan, mula umaga hanggang gabi. Tatlo lang sila sa loob ng bahay ngunit hindi sila nagsasabay kumain. Kadalasan ay sa loob ng tindahan mismo kumakain si Aling Normita kaya sina Aling Atang at Marcus lamang ang laging nagkakasabay sa hapag-kainan.

Nang taong iyon ay hindi muna pinag-aral si Marcus ng tiyahin kaya naging katu-katulong muna ang bata sa tindahan at sa ibang gawaing bahay.

Bagama’t masipag si Marcus ay hindi nito nadama ang pagmamahal ng tiyahin. Lagi na lang nakabulyaw kung mag-utos sa kaniya ito. Walong buwan na siyang naninilbihan dito ngunit ni minsan ay hindi man lamang siya naabutan ng pera. Sira na at may tagpi ang kaniyang mga salawal.

Advertisement

Luma na rin ang kanyang mga damit na iilan lamang at lagi pang napipigtal ang kanyang tsinelas na goma. Nahihiya naman siyang magsabi sa tiyahin dahil lagi na lamang itong nakasimangot, hindi yata marunong ngumiti.

Tanging si Aling Atang lamang ang nakikita niyang ngumingiti sa kanya, nakikipagbiruan pa. Nang minsang utusan ni Aling Normita si Aling Atang na mamili ng paninda sa bayan ay ipinasama siya upang makatulong sa pagbibitbit. Gayon na lamang ang gulat ng bata nang bilhan siya ni Aling Atang ng 3 salawal, 2 kamiseta at bagong tsinelas.

“Ho? Para ho ba sa akin ‘yan?” tanong ng bata.

“Ay, oo iho, para sa iyo talaga ito. Luma na kasi ang mga damit mo eh. Huwag ka nang mahiya, bigay ko ‘yan sa iyo.”

“Naku, salamat po Aling Atang, maraming salamat po.”

Tuwang-tuwang tinanggap ng bata ang mga ibinigay ng katulong. “Mabuti pa si Aling Atang, samantalang ang tita…” Napabuntong-hininga na lang ang bata.

Nagalit si Aling Normita kay Marcus nang makitang may mga bago itong damit, akala kasi ay naghingi ito kay Aling Atang. Ngunit nang mapagpaliwanagan ng katulong ay hindi na kumibo ito.

Minsan ay nagkaroon ng mataas na lagnat si Marcus. Alumpihit ito kaya labis na nabahala si Aling Atang.

Advertisement

“Sus, lagnat lang ‘yan! Painumin mo ng gamot,” walang pagkabahalang sabi ni Aling Normita at pumasok na ito sa tindahan, ni hindi man lamang nilapitan ang pamangking may sakit.

Magdamag na binantayan ni Aling Atang si Marcus. Lagi nitong tinitingnan kung may suka pa ba ang bimpong inilagay niya sa noo nito.

Kinabukasan, mabuti-buti na ang pakiramdam ng bata. Nilutuan ni Aling Atang ng nilagang itlog at lugaw ang alaga, na napamahal na rin sa kaniya.

“Alam mo Marcus, hindi kami nagkaroon ng anak ng yumao kong asawa. Palagay ko, kaloob ka sa akin ng Maykapal. Para na kitang anak. Puwede ba kitang tawaging anak?” tanong ni Aling Atang kay Marcus.

“Oo naman po, Aling Atang. Kayo na po ang tumatayong magulang sa akin. Kung tutuusin po, parang mas kamag-anak pa po ang turing ninyo sa akin, kaysa kay tita. Kaya tatawagin ko na po kayong nanay,” naiiyak na sabi ni Marcus sa kaniyang bagong nanay.

Isang araw, isang malakas na bagyo ang tumama sa buong lalawigan ng Pampanga.

Isang gabi, naalimpungatan si Marcus na natutulog sa sala, sa hindi inaasahang pangyayari ay umuuga ang buong kabahayan, wala namang lindol. Gayon na lamang ang pagkahindik nito nang matanaw ang rumaragasang lahar. Mabilis siyang umakyat upang gisingin ang tiyahin at si Aling Atang na natutulog sa magkabilang silid.

Krakk! Krakk! Magigiba na ang bahay! Sinalpok ito ng lahar!

Advertisement

Sa oras na iyon, sino ang kanyang unang pupuntahan? Nasa kanang silid ang tiyahin; nasa kaliwang bahagi ng bahay at silid si Aling Atang na kaniyang nanay-nanayan.

Krakkk… Gumigiray ang bahay!

Sabay na naririnig mi Marcus ang mga sigaw ng tiyahin at ni Aling Atang. Kapagdaka’y tumakbo si Marcus patungong silid. Kailangang may matulungan siya! Kailangang may mailigtas siya!

Kinaumagahan, maraming bahay ang nawasak, marami ang inanod ng lahar, sa ibabaw ng isang inaanod na bubong ng bahay ay naroon ang mga walang malay na sina Marcus, at si Aling Atang. Wala si Aling Normita!

Nang mahimasmasan, nalaman nina Marcus at Aling Atang na isa ang tiyahin sa mga inanod ng lahar. Pareho niyang inilagtas ang dalawang matanda subalit hindi pinalad na makaligtas ang kaniyang tiyahin na inuna pang isalba ang kita sa tindahan at iba pang mga gamit, kaysa sa sarili.

“Huwag kang mag-alala, Marcus. Hindi kita pababayaan,” ang nasabi ni Aling Atang sa bata. Niyakap ni Marcus ang kaniyang nanay-nanayan.

Iniuwi ni Aling Atang si Marcus sa kaniyang bayang tinubuan at nagsimula silang muli at tahimik at payapang pamumuhay bilang mag-ina.