
Hakot Queen ang Tawag sa Babaeng Ito Noong Kabataan Niya Dahil sa Dami ng Nakukuhang Gantimpala sa Paaralan; Mamana Kaya Ito ng mga Anak Niya?
Punumpuno ng ligaya sa dibdib ni Aling Julianna sa mga papuri at paghanga ng mga kaibigan at kakilala.
Ilang beses kasi siyang umakyat-manaog sa entablado upang samahan ang anak na si Abegail sa pagtanggap ng iba’t ibang karangalan sa paaralan: magmula sa Best in Science, Best in English, Best in Filipino, Best in Computer, Best in Journalism, Journalist of the Year, Best in Conduct, at Class Valedictorian.
“Mahusay ang pagpapalaki mo sa anak mo, mare. Sana maging katulad ni Abegail ang anak ko!”
“Paano ka ba magpalaki ng anak mo, Julianna? Turuan mo nga kami at nang magaya naman ang mga anak namin kay Abegail! Talaga namang kabilib-bilib!”
“Siguro nagmana sa iyo, Abegail, ang anak mo. Pareho kayong wais sa buhay.”
Kaya nang magkolehiyo si Abegail, natatandaan pa niya ang laging bilin sa kaniya ng ina.
“Anak, kapag nagkaasawa at anak ka na, titiyakin mong magagaya ang mga apo ko sa iyo! Kay sarap sa pakiramdam na marinig ang mga papuri ng mga tao sa iyo bilang magulang, lalo na kapag ‘achiever’ ang mga anak,” laging winiwika sa kaniya ni Aling Julianna.
Kaakibat nito, kailangan ba niyang gayahin ang pagpapalaki sa kaniya ng ina?
Gigisingin siya ng madaling-araw kahit himbing na himbing pa siya sa pagtulog para puwersahin siyang magbasa ng leksyon. Kapag hindi siya sumunod, padadapain siya at papaluin sa puw*t ng sinturon o walis tambo.
Kapag hindi perpekto ang markang nakukuha niya sa mga eksamin, hindi siya pinakakain ng mga gusto niyang pagkain at ipipilit sa kaniya ang mga gulay, kahit na masuka-suka na siya. Pinalalagpas naman nito kung may isa o dalawang mali siya. Kapag tatlo pataas, tiyak na parusa ang matatanggap niya.
Bawal siyang makipaglaro sa mga kapitbahay na kaedad niya.
Bawal siyang magbukas at manood ng mga palabas sa telebisyon, lalo na ang cartoons.
Diretso uwi mula sa paaralan at bawal mamasyal. Hindi na baleng hindi tumulong sa mga gawaing-bahay, basta’t magbabasa ng mga leksyon at mag-aaral.
Bahay-paaralan, paaralan-bahay lamang ang alam niyang puntahan. Tuwing Linggo, may nababago naman. Simbahan. Kailangan niyang sumama sa pagsisimba kahit minsan ay inaantok pa siyang makinig sa misa.
Sa lahat ng mga sakripisyong ito, nagbunga naman ang mga pinaghirapan nila ni Aling Julianna.
Nang mag-asawa si Abegail at magkaroon ng dalawang anak na isang lalaki at babae, akala ng lahat ay mararanasan niya rin ang ligayang naibigay niya sa kanyang ina noong siya ay mag-aaral pa lamang.
Akala niya ay halos taon-taon, mararanasan din niya ang magpanhik-panaog sa entablado upang tumanggap ng karangalan mula sa mga anak na nag-aaral.
Subalit, taliwas sa inaasahan, tuwing magtatapos ang taong pampanuruan, si Abegail ay halos laging nasa upuan lamang. Nanonood sa ibang mga magulang na nasa entablado kasama ang mga anak na tumatanggap ng karangalan. Ngayon lang naranasan ni Abegail na laging nasa upuan lamang. Laging nasa isang tabi tuwing may idaraos na paghahandog ng karangalan ang paaralang pinapasukan ng dalawang anak.
May natatanggap naman siyang parangal, minsan ay Best in Conduct o Most Behave.
Napapangiti na lamang siya, napapabuntung-hininga sa tuwing naaalala ang maliligayang araw niya noong kanyang kabataan na kasama ang ina sa pagtanggap ng iba’t ibang karangalan. ‘Hakot Queen’ nga raw siya.
Ngunit pinili niyang huwag gayahin ang naranasang pagpapalaki sa kaniya ni Aling Julianna.
Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na bagama’t hindi naging sobrang tatalino at achiever ang dalawang anak ay mababait at magagalang naman ang mga ito.
Ang panganay na 15 taong gulang na ngayon ay mapagmahal at masunurin.
“Mama, hindi man ako honor sa klase, sisikapin ko pong makatapos ng pag-aaral upang maipagmalaki ninyo ako pagdating ng araw,” laging sinasabi ni Benjamin.
Ang bunso naman na 13 taong gulang ay alista at malambing.
“Mamay, kapag nasa kolehiyo na po ako, kukuha ako ng Business Administration o Management. Magiging katuwang mo ako Mama, sa pagpapalago sa negosyo natin.”
Sa piling ng dalawang anak at mapagmahal na mister, si Abegail ay maligaya na rin. Datapwa’t hindi niya mararanasan pang muli ang mga paghanga at palakpak na naranasan ng kanyang ina, naniniwala siyang iba ang kapalaran ng kaniyang mga anak.
Napagtanto niya na ang bawat tao ay may kanya-kanyang katangian. Huwag hanapin sa mga anak ang katangiang wala sa kanila, dahil may iba-iba silang personalidad.
Kung hindi man naging kasinghusay niya ang kanyang mga anak, labis niyang ipinagmamalaki ang mga ito dahil sa kanilang magagandang karakter at ugali. Sapat na iyon upang matawag siyang matagumpay.