Nagpakita sa Binata ang Multo ng Namayapang Matanda sa Pinapasukang Opisina; Imbes na Matakot ay Nakaramdam Siya ng Awa Rito
Bali-balita na mayroon daw multong nagpapakita sa opisinang pinagtratrabahuhan ni Jeck. May mga nagsasabi na nagpaparamdam ang multo sa departamento kung saan siya naka-assign.
Wala pang isang buwan si Jeck sa pinapasukang kumpanya nang marinig ang kuwentong katatakutan. Ang kasama niya sa trabaho na si Luigi ang nagsabi sa kaniya.
“Pati ba naman ikaw ay naniniwala pa sa mga ganoon?” natatawa niyang tanong sa kasama.
Maniwala ka, pare. Marami na kasi ang nakakita dun sa multo ng matandang lalaki.”
“Eh, ikaw, nakita mo na ba?” tanong ng binata.
“H-hindi pa,” sagot ni Lugi.
Natawa lang siya sa sinabi nito.
“O, hindi mo pa rin pala nakikita, eh. Bakit naman may magmumulto roon? May nam*t*y ba roon?” pabiro pa niyang tanong.
Seryoso siyang tiningnan ni Lugi.
“O, bakit natahimik ka yata? Huwag mong sabihing…”
Huminga muna nang malalim ang lalaki.
“Noong bago pa lamang ako rito, may narinig akong kwento. ‘Yung matandang lalaki raw na nagpapakita ay nam*t*y sa loob ng departament natin. Bago pa naging billing department ang opisina natin, dati iyong silid ng mga janitor. Ang matandang nam*t*y ay dating janitor dito. Nagpaalam daw ‘yung matandang lalaki sa dating may-ari ng kumpanya na kung maaari siyang mag-half day sa araw na iyon dahil isinugod sa ospital ang kaniyang asawa. Hindi raw pumayag ‘yung dating may-ari, sa sobrang pag-aalala dun sa agaw buhay daw na asawa na nasa ospital ay inatake sa puso. Hindi na raw umabot nang buhay sa ospital ‘yung matanda, at balita ay binawian na rin ng buhay yung asawa niya,” kwento ni Lugi.
Hindi nakapagsalita si Jeck sa ikinuwento ng kasama. Kahit nakaramdam ng takot ay hindi siya nagpahalata.
“Naku, imbento mo lang yata ‘yan, eh. Tinatakot mo lang ako!” sabi niya.
“Kung ayaw mong maniwala, bahala ka, pero iyon naman talaga ang usap-usapan sa dito,” tugon ni Luigi.
Nang sumunod na araw ay muntik nang mahuli sa trabaho si Jeck, mabuti na lamang at nakaabot siya sa oras at agad na nakapag-log-in. Nagmamadali siyang umupo sa kanyang puwesto. Napansin niya na wala pang ibang tao na naroon. Hindi pa rin dumarating ang kasama niyang si Lugi.
Maya maya ay nakaramdam siya ng ginaw. Naisip niya na malakas siguro ang aircon. Uutusan niya sana ang guwardiya na hinaan iyon ngunit ‘di niya ito mahanap. Dali-dali niyang isinuot ang kanyang jacket ngunit dama pa rin niya ang lamig. ‘Di niya napigilan na makaramdam ng antok. Dahil wala pa naman masyadong gagawin ay pumikit muna siya at umidlip. Nagulat na lang ang binata nang biglang maalimpungatan. Hindi niya alam kung gaano katagal siya nakatulog. Nakita niya na wala pa rin siyang kasama sa loob ng opisina.
“Teka, mag-a-alas-otso na nang umaga, pero wala pa rin akong kasama? Wala bang pasok at wala pang ibang empleyado? Si Luigi, bakit wala pa rin?” nagtataka niyang tanong sa isip.
Nang bigla na lamang siyang nagulat dahil may narinig siyang mga yabag ng paa na naglalakad. Nang mapalingon ay nagulat siya na may taong umupo sa puwesto ng kasama niyang si Luigi
“T-teka, may bago bang empleyado? Bakit dun siya pumuwesto kung saan nakaupo si Luigi?”
Nilapitan niya ito.
“S-sir? Bago po ba kayo rito?” tanong niya.
Hindi siya pinapansin ng lalaki, nakaupo lang ito na nakatalikod sa kaniya. Napansin din niya na napapanot na ito at kulubot na ang balat sa braso. Matandang lalaki ang nakaupong iyon sa puwesto ni Luigi.
Tinangka niyang hawakan sa balikat ang lalaki ngunit laking gulat niya nang hawakan siya nito sa kaniyang kamay. Naramdaman niya na malamig iyon. Saka lamang niya napagtanto kung sino ang kasama niya sa loob ng opisina.
“Diyos ko, ang multo ng matandang lalaki!” nanginginig na sambit niya sa isip.
Nang bigla itong humarap sa kaniya.
“Multo!” sigaw niya.
Ngunit imbes na patuloy na matakot ay nakaramdam siya ng awa nang mapagmasdan ang hitsura ng matandang multo. Hindi nakakarimarim ang hitsura nito bagkus bakas sa mukha ng matanda ang matinding kalungkutan. Nilakasan ni Jeck ang loob niya na kausapin ang multo.
“M-manong? A-lam ko po na k-kayo ang nagpapakitang multo dito sa opisina namin. Alam ko na rin po ang dahilan kung bakit kayo binawian ng buhay. Hangad ko po ang inyong kapayapaan, kung galit man po kayo o may sama ng loob dahil sa nangyari noon ay kalimutan niyo na po. Patawarin niyo na po ‘yung taong nagkasala sa inyo at pumunta na po kayo sa lugar kung saan po kayo nararapat. Hinihintay na po kayo roon ng inyong asawa,” buong tapang niyang sabi.
Sa sinabi niya ay biglang umaliwalas ang hitsura ng matanda. Ang kalungkutang bumabalot sa mukha nito ay napalitan ng ngiti at unti-unting naglaho ang multo ng matandang dyanitor.
Maya maya ay natauhan lang si Jeck nang tapikin siya sa likod ng ubod lakas ni Luigi.
“Uy, pare, gumising ka na! Baka dumating na si boss at makita kang natutulog sa puwesto mo,” wika nito.
Saka lamang niya nalaman na…
“N-nananaginip ako? P-pero parang totoo ang nakita ko kanina. N-nakita ko talaga yung multo ng matandang janitor,” sabi niya
“Ayos ka lang ba? Anong pinagsasasabi mo?” tanong ng kasama.
“Nakita ko siya, iyong matandang lalaki. Narito siya kanina!”
“Ano? Alam mo, nananaginip ka lang. Nakita kita na kanina pa natutulog sa puwesto mo. Mabuti na lamang at ako ang naunang pumasok dito.”
Nang tingnan ni Jeck ang orasan ay laking gulat niya na mag-a-alas otso na nang umaga.
“Panaginip nga ang lahat, pero parang totoong-totoo ang nakita ko kanina. Totoong may multo, totoong nagmumulto ang matandang lalaki pero hindi siya nakakatakot gaya ng sinasabi ninyo, maamo ang mukha nung matanda. Sa palagay ko nagpapakita siya dahil hindi niya matanggap na pat*y na siya at hindi niya nakita sa huling sandali ang asawa niya. Nang kausapin ko siya kanina ay bigla na lang siyang nawala. Sa tingin ko’y pupunta na siya sa lugar na dapat na niyang tahakin, susundan na niya ang asawa niya sa kabilang buhay,” tugon niya.
Napatulala lang si Luigi sa ikinuwento niya. Kahit siya ay hindi rin niya maipaliwanag ang nangyari na panaginip lang ang nasaksihan niya ngunit pakiramdam niya talaga na totoo ang eksenang natunghayan niya. Bago siya mag-umpisang magtrabaho ay nag-alay muna siya ng maikling dasal para sa tuluyang pananahimik ng multo ng matandang lalaki.
Lumipas ang mga araw at linggo ngunit hindi na muling nagpakita pa ang multo sa lugar na iyon. Sa isip ni Jeck ay dininig na ang kaniyang panalangin na tuluyan nang matahimik ang kaluluwa ng matandang dyanitor.