Inday TrendingInday Trending
Nagawang Iwan ng Lalaki ang Kaniyang Asawa’t Anak Para Gampanan ang Mahalagang Tungkulin; Paano Kaya Kung Hindi na Siya Kailanman Makabalik Pa?

Nagawang Iwan ng Lalaki ang Kaniyang Asawa’t Anak Para Gampanan ang Mahalagang Tungkulin; Paano Kaya Kung Hindi na Siya Kailanman Makabalik Pa?

“Congrats and best wishes sa bagong kasal!” wika ng pamilya, mga kaibigan at iba pang bisita sa mag-asawang Roland at Aika nang lumabas sila sa simbahan.

Sa wakas, natuloy rin ang matagal na nilang plinano na pag-iisang dibdib. Ilang taon din nila itong hinintay.

“Natupad din ang pangarap ko na maikasal tayo, sweetheart,” sabi ni Roland.

“Oo nga, sweetheart, ang saya-saya ko. Wala na akong mahihiling pa,” sagot ni Aika.

“Ngayong mag-asawa na tayo ay baka naman puwede na akong…alam mo na,” sambit pa ni Roland sabay halik sa leeg habang gumagapang paibaba ang mga kamay sa p*w*tan ng misis.

“T-teka, sweetheart, napag-usapan na natin iyan, ‘di ba? Hindi muna natin susundan si Baby Mica!”

Napakamot sa ulo ang si Roland.

“A! Oo nga pala ‘no. Muntik ko nang makalimutan. Sorry, sweetheart,” tatawa-tawang sagot ng lalaki.

“Hintayin muna natin na magdalawang taon si baby saka tayo mag-aanak ulit,” wika pa ni Aika.

Naging masaya ang ilang araw na magkasama ang mag-asawa, sinulit ng dalawa ang honeymoon nila ngunit isang araw ay nakatanggap ng tawag si Roland galing sa opisina. Maya maya ay nagmamadali na itong nagbihis at gumayak para umalis.

“Ilang araw akong mawawala, sweetheart.”

“Bakit? Saan ang punta mo?”

“Tumawag sa akin ang headquarters, may operation kami sa Cotabato.”

Si Roland ay isang sundalo. Noon pa man ay tanggap na ni Aika ang trabaho ng mister. Alam niya ang mga panganib na kaakibat ng trabaho nito, na iyon ay parte ng sinumpaan nitong tungkulin na paglingkuran ang sariling bayan. Ipinagdarasal na lamang niya ang kaligtasan nito.

“Mag-iingat ka, sweetheart. Babalik ka, ha?” wika ni Aika sabay yakap nang mahigpit kay Roland.

“Oo naman. Pangako, babalik ako. Hintayin niyo ako ni baby ha?” sagot ng mister saka hinagkan siya sa mga labi.

Sa pag-alis ni Roland ay hawak ni Aika ang pangako nito na babalik para sa kanilang mag-ina ngunit isang araw, isang masamang balita ang sumalubong sa kaniya.

“Ikinalulungkot ko, misis, pero hindi nakaligtas at nas*wi sa operasyon ang iyong asawang si Roland, ngunit nam*t*y siyang ipinagtatanggol ang bayan. Dadalhin namin sa Maynila ang kaniyang labi,” wika ng isang kasamahang sundalo ni Roland nang tumawag ito sa kaniyang selpon.

Pakiramdam ni Aika ay sinaks*k siya nang paulit-ulit sa natanggap na balita. Halos hindi siya nakahinga nang malamang hindi nakaligtas sa operasyon ang asawa na labis niyang ikinapanlumo.

“Roland, Roland, asawa ko! Nangako ka na babalikan mo kami, ‘di ba? Bakit hindi mo tinupad?” hagulgol niya.

‘Di nagtagal ay dumating na ang labi ni Roland. Agad niya itong tiningnan at nang makumpirma na ang asawa nga niya ang walang buhay na nakahiga sa kabaong ay mas lalong nadurog ang kaniyang puso. Muntik na siyang mawalan ng malay sa sobrang paghagulgol sa harap ng labi nito.

“Diyos ko! Bakit si Roland pa? Sanggol pa ang aming anak, kailangan pa niya ng isang ama na gagabay sa kaniya. Kailangan ko pa siya, kailangan pa namin siya!” sambit niya sa humihikbing boses habang nasa harap ng labi ng mister.

Sumapit ang araw ng libing. Inalayan pa ng watawat ang namayapa niyang asawa na tanda ng kabayanihan nito. Sa oras na iyon ay gusto ka ring sumunod ni Aika sa kabilang buhay sa sobrang lungkot. Napakasakit sa kaniya ang maagang pagkawala ni Roland. Hindi pa nga sila nakakapag-enjoy na mag-asawa nang ikasal sila ay binawi agad ito sa kaniya ng langit.

Pag-uwi sa bahay ay naisipan niya na iligpit at itago ang mga naiwang gamit ni Roland. Agad niyang tiningnan ang mga naiwan nitong gamit na ibinigay ng isa sa mga kasama nitong sundalo. Nagulat siya dahil may nahalungkat siyang liham na nakapangalan sa kaniya. Binuklat niya ang papel at binasa ang nasa loob niyon. Muli siyang napaiyak habang binabasa ang nilalaman niyon.

“Sweetheart, ginawa ko itong sulat para kung anuman ang mangyari sa akin dito’y nais kong malaman mo na mahal na mahal ko kayo ni Baby Mica. Masaya ako dahil ikaw ang ibinigay sa akin ng Diyos para makasama ko habang ako’y nabubuhay. Kung hindi na ako makakabalik d’yan at kung hindi ko matupad ang pangako ko sa inyo, huwag ka sanang magagalit o magdaramdam sa akin, dahil gagabayan at babantayan ko pa rin kayo ng ating anak sa kabilang buhay. Ingatan mo ang iyong sarili at ating anak. Kapag dumating ang araw na kailangan mong umibig muli ay huwag mong pipigilan ang iyong puso. Ang mahalaga, ang lalaking magmamahal sa iyo ay kaya ring mahalin at tanggapin ang ating anak. Hanggang sa muli nating pagkikita, sweetheart,” sabi ni Roland sa ginawa nitong liham.

“Mahal na mahal din kita, sweetheart. Mahal na mahal ka namin ni baby,” sambit ni Aika matapos mabasa ang iniwang liham ni Roland.

Hindi niya inasahan na naisip pa ng asawa niya na gumawa ng huling mensahe bago ito pumanaw. Parang alam na alam na nito ang mangyayari kaya hindi nito hinayaan na hindi makapagpaalam sa kaniya. Kahit mahirap ay pinilit ni Aika na magpakatatag para sa kanilang anak. Ito ang naging dahilan niya upang patuloy na lumaban sa buhay.

‘Di nagtagal ay unti-unti na rin niyang natanggap ang sinapit ng kaniyang mister. Sinikap niya na palakihing mag-isa ang kanilang anak at hindi na umibig pa sa ibang lalaki dahil para sa kaniya, si Roland lang ang nag-iisang lalaking mamahalin niya habang siya’y nabubuhay.

Advertisement