Sa Hirap at Ginhawa ay Palaging Magkasama ang Maglola; May Magandang Gantimpala pala na Naghihintay sa Kanila
“Magandang umaga, apo. Handa na ang pagkain kaya bumangon ka na riyan,” wika ni Lola Severina.
“Dapat po ay ginising niyo na lang po ako para ko na lang ang nagluto ng almusal natin, lola?” pupungas-pungas na sabi ng apong si Roco.
“Ayokong maabala ang tulog mo, apo, kaya ko na ang naghanda. Bumangon ka na riyan at kakain na tayo.”
Nagmamadaling bumangon at nagligpit ng hinigaan ang binatilyo pagkatapos ay dali-daling pumunta sa hapagkainan.
“Wow, ang sarap nito, lola!”
“Sinarapan ko talaga ang pagluto niyan dahil alam kong paborito mo ang ginisang sardinas at sinangag.”
Sunod na sunod ang mga gusto ni Roco sa kaniyang lola. Nag-iisang apo lamang kasi siya ng matanda kaya mahal na mahal siya nito. Mula nang maagang pumanaw ang mga magulang niya ay ang Lola Severina na ang nagpalaki at nag-aruga sa kaniya. Nabubuhay silang maglola sa pamamagitan ng pagtatanim ng palay. Tinutulungan ni Roco ang kaniyang lola sa pagtatanim kapag wala siyang pasok sa eskwelahan.
“Ano’ng ginagawa mo, apo? ‘Di mo na kailangang gawin ‘yan. Bumalik ka na sa bahay at mag-aral!” saway ni Lola Severina nang makitang nag-aararo siya sa bukid.
“Hayaan niyo na po ako, lolo. Gusto ko po kayong tulungan. Baka mamaya ay sumakit na naman ang likod niyo, eh,” tugon ng apo.
Napapailing na lamang ang matanda sa katigasan ng ulo ng apo. Pagbalik sa bahay ay agad na naghanda ng makakain si Roco para sa kanilang maglola.
Maya maya ay nag-umpisa nang dumaing ang matanda.
“Apo, apo, tama ka nga, nag-uumpisa na namang sumakit ang likod ko, aray, aray ko!”
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko lola, eh, tapos ay ayaw niyo pang magpatulong kanina.”
Inalalayan ni Roco ang matanda sa pag-upo at dahan-dahang hinilot ang likod ng lola niya.
“Medyo nawawala na ang sakit, apo. Ang galing mo talagang maghilot,” sabi ng matanda.
“Natutunan ko lang po ito sa inyo, ‘di po ba? Kayo po ang palaging naghihilot noong bata pa ako? O, tapos na po, lola. Maupo lang kayo diyan at ako na po ang maghahain.”
Sabay na kumain ng tanghalian ang maglola.
Makalipas ang ilang taon ay magkasama pa rin ang maglola. Trenta anyos na si Roco. Nakapagtapos na siya ng kolehiyo dahil sa tulong ng kaniyang lola. Iginapang ni Lola Severina ang pag-aaral niya hanggang sa makapagtapos siya sa kursong Entrepreneurship. Sa kasalukuyan ay mayroon na siyang sariling negosyo. Iyon ay isang maliit na bigasan at grocery ay ipinatayo niya sa bayan kung saan mas maraming kustomer na pumupunta. Dahil walang kasama ang kaniyang lola sa bahay at ayaw niya itong maiwang mag-isa ay isinasama niya ito sa bayan sa pamamagitan ng pagpasan sa matanda. Ilang oras niyang papasanin ang kaniyang lola bago makarating sa bayan. Wala kasing ibang transportasyon na maaari nilang gamitin papunta roon. Ang kanilang bahay ay nasa bundok at ang paglalakad ang paraan niya upang makarating sa bayan. Hindi na nakakalakad ang lola niya dahil mahina na ang mga tuhod nito kaya pinapasan na lamang niya ito pababa sa bundok. Alam ni Roco na hindi madaling gawin sa araw-araw ang pagpasan sa kaniyang lola ngunit hindi niya iyon iniinda dahil kulang pa ang hirap niya sa pagpasan dito kumpara sa lahat ng hirap at sakripisyo nito sa kaniya.
“Hindi mo na kailangang gawin ito, apo. Puwede namang maiwan na lang ako sa bahay at doon na kita hihintayin. Nahihiya na ako sa iyo, hindi ka na nakapag-asawa nang dahil sa akin,” wika ni Lola Severina.
“Ayos lang po ako, lola. Ayoko naman pong iwan kayo sa bahay. Gusto ko pong magkasama tayo palagi. Wala po akong pinagsisisihan na kayo pa rin ang aking kasama ngayon dahil mahal na mahal kita, lola. Ikaw na lang po ang natitira kong pamilya,” tugon ni Roco.
Napaluha si Lola Severina, napagtanto niya na kahit matanda na siya at wala nang lakas para magtrabaho ay hindi siya kayang pabayaan ng kaniyang apo. Mahal na mahal siya nito kaya handa itong magsakripisyo para sa kaniya.
Nakarating naman sila nang maayos sa bayan. Binuksan nila ang bigasan at ang grocery. Umaga pa lang ngunit dumagsa na sa kanila ang mga kustomer para bumili.
Isang araw, may lalaking pumunta sa kanila hindi para mamili kundi para maghatid ng magandang balita. Ang lalaki ay ang abogado ng isa sa mga suki nila sa kanilang negosyo. Natuwa raw ang hindi nagpakilalang kustomer sa kanilang maglola, nalaman kasi nito na bumababa pa sila ng bundok para patakbuhin ang kanilang negosyo kaya nagbigay ito ng isang napakalaking regalo. Binigyan sila ng mabait na kustomer ng bahay at lupa sa bayan para doon na sila permanenteng tumira, upang hindi na nila kailangan pang manirahan sa bundok. Sobra raw humanga ang mayamang kustomer sa ginagawang sakripisyo ni Roco sa kaniyang lola.
“Pagpalain nawa siya ng Diyos,” tugon ni Lola Severina na hindi makapaniwala sa magandang handog na ibinigay ng kanilang suki.
“Pakisabi po kung sino man ang nagbigay niyan sa amin ay labis kaming nagpapasalamat sa kaniyang kagandahang loob,” masayang wika naman ni Roco sa abogado ng mayaman at mabait nilang kustomer.
Sa simpleng pagsasakripisyo ni Roco sa kaniyang lola ay ‘di inaasahang biyaya pa ang dumating sa kanila. Sadyang may nakaabang na gantimpala ang mga taong gaya ni Roco, ‘di ba?