Inday TrendingInday Trending
Inayawan na Siya ng Kaniyang mga Kaibigan Dahil sa Kapansanan ng Kaniyang Ama; Sino Kaya ang Mawawalan sa Dulo?

Inayawan na Siya ng Kaniyang mga Kaibigan Dahil sa Kapansanan ng Kaniyang Ama; Sino Kaya ang Mawawalan sa Dulo?

Masayang naglalakad si Aria papasok sa loob ng eskwelahan. Matagal-tagal din ang naging bakasyon nila at ito ang unang pasok mula noon kaya sabik na sabik siyang makita at makasama ang mga kaklase. Siguradong namiss din siya ng mga ito.

Pagkapasok niya sa kanilang silid-aralan ay agad niyang hinanap ang mga kaibigan. Nang makita niyang nasa dulong parte ang mga ito’y agad siyang humakbang palapit sa mga ito na may malapad na ngiti sa labi. Ngunit dahan-dahang nawala ang ngiting iyon nang mapansin niya ang nakaismid na mukha ng mga kaklase.

“Hi!” masigla niyang bati, kahit na ang totoo’y bahagya siyang nagtataka sa nagiging reaksyon ng mga ito nang makita siya.

“Hello, Aria,” tugong bati ni Emily, isa sa pinakamalapit niyang kaibigan.

Kakaway sana ito nang agad na pinigilan ni Victory. Ano ba ang problema ng mga ito? Bakit parang naiinis ito sa presensya niya?

“Nga pala, guys, may nais akong sabihin sa inyong lahat,” ani Victory. Bahagyang umirap sa kaniya at nilingon ang iba pa nilang mga kaklase. “Simula sa araw na ito’y hindi na bahagi ng grupo natin si Aria,” anito.

Sabay-sabay silang napasinghap nang malakas sa naging pahayag ni Victory. Anong nangyari? May nagawa ba siyang masama upang tanggalin sa grupo?

“At isa pa’y may gusto ko ring malaman niyo ang naging dahilan ko kung bakit simula ngayon ay ayaw ko na kay Aria, upang hindi niyo naman masabi sa’king unfair ako,” anito. Matalim ang tinging ibinibigay sa kaniya. “Ayoko na sa kaniya dahil hindi siya kagaya nating may kaya ang pamilya. Nakita ko si Aria, kasama ang ama niyang bulag, habang namamalengke, at doon ko lang nalaman na hindi naman pala sila mayaman at nag-aalaga siya ng bulag na ama. Iyon ang pinaka-unang inaayawan ko sa magiging kaibigan. Ayoko ng mahirap at walang pera na kaibigan, at mas lalong ayoko ng kaibigan na may amang deperensyado!” insulto nito sa kaniya.

Nanliit si Aria sa kaniyang kinatatayuan, parang gusto na lamang niyang hingin na sana’y maglaho na lang siya at kainin ng lupa. Gusto niyang humagulhol ng iyak at umalis, ngunit naalala niya ang kaniyang ama. Hindi siya kailanman nagsinungaling sa katayuan niya sa buhay, talagang hindi lamang nagtatanong ang mga ito. Hindi kasalanan ng ama niya kung bakit ito naging bulag, kailanman ay hindi ginusto ng kaniyang ama na maging ganoon.

Tuwid siyang tumayo at hinarap ang mga kaibigan.

“Hindi ko alam na may ganoon pala ang patakaran upang maging parte ng grupo niyo,” panimula niya. “Kinaibigan ko kayo dahil gusto ko, hindi dahil may kaya at mayayaman ang pamilya niyo. Kahit mahirap lang ang pamilyang pinagmulan ko’y hindi ako minsanman nanghingi sa inyo. Hindi ako naging pabigat sa grupo,” aniya at isa-isang tiningnan ang mga kaibigan.

Masaya at sabik pa naman siyang makita ang mga ito, tapos ganito lamang pala ang mangyayari.

“Oo, may kapansanan ang papa ko,” mangiyak-ngiyak niyang sambit. “Pero kahit ganoon ay proud na proud ako sa kaniya. May kulang man sa papa ko, pero ni minsan hindi siya nagkulang sa’min bilang ama. Maraming bagay ang hindi niya kayang gawin, dahil bulag siya, pero ginagawa niya ang lahat upang ibigay sa’min ang lahat ng kailangan namin.” Hindi na napigilan ni Aria ang paghagulhol ng iyak.

Humakbang si Emily at niyakap siya. “Ayos lang iyon, Aria. Hindi naman kasalanan ng papa mo kung bakit siya ganoon. Ang mahalaga’y mabuti siyang ama sa inyo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Emily.

Tumango siya at gumanti ng yakap sa kaibigan saka hinarap ang tatlo pa niyang kaibigan, kasama si Victory.

“Mahirap ako, pero totoo akong tao. Hindi ako nagsinungaling sa inyo, talagang hindi niyo lang ako tinanong tungkol sa kung anong klaseng pamilya ang mayroon ako,” kausap niya sa mga ito. Hinarap niya si Victory at simpleng nginitian. “Kung hindi mo kailangan ng mahirap na kaibigan, mas lalong hindi ko kailangan ng matapobreng kaibigan, Victory,” aniya.

“Ako ang klase ng kaibigan na mayroon ka man sa buhay o wala ay nand’yan ako at hindi ka huhusgahan, at iyon ang akala ko na mayroon din sa inyo. Pero mali ako, mali ako ng akala dahil may pamantayan pala sa buhay para sa inyo ang isang tunay na kaibigan. Salamat sa memoryang nabuo natin sa nakalipas na panahon,” aniya at humakbang palayo sa pwesto ng mga ito kasama si Emily.

“Aria, sandali, sama kami,” tawag nina Erika at Gladys. “Sama kami, huwag mo kaming iwanan,” anang dalawa.

Mangiyak-ngiyak na ngumiti si Aria dahil sa ginawa ng dalawa. “Hindi kayo nandidiri sa’kin?” tanong niya.

“Nah! Ano namang nakakadiri sa’yo? Kaibigan ka namin, ano naman kung bulag ang papa mo? Ano rin kung mahirap lang kayo? Hindi naman iyon ang habol namin sa’yo. Gusto ko naming maging kaibigan, at sapat na iyon upang sumama kami sa’yo,” ani Erika.

“Tama! Hayaan mo na si Victory, siya lang naman ang nagtayo ng mataas na pamantayan. Kami, ayos kami kahit saan, basta huwag lang plastik!” segunda naman ni Gladys.

Sabay-sabay naman silang nagtawanan na apat. Ayos lang kahit ayaw na sa kaniya ni Victory, ang mahalaga’y ayaw na rin nilang apat sa kaniya. Ang plano niyang mawalan ng kaibigan si Aria dahil sa katayuan nito sa buhay at pagkakaroon ng may kapansanang ama ay bumaliktad sa kaniya. Siya tuloy ngayon ang nawalan ng mga kaibigan dahil sa pag-uugali niya.

Advertisement