
Naiirita ang Dalaga sa Pag-Uuwi ng Pagkain ng Kaniyang Tiyahin; Hindi Niya Akalain ang Pinagdadaanan Nito
“Rhea, aalis ako bukas. Dalawang araw ako sa Cebu at ang Tiya Petra mo muna ang sasama sa iyo dito sa bahay,” saad ni Lorna sa dalagang anak.
“‘Ma, bakit kailangan mo pang papuntahin dito si Tiya Petra? Kaya ko naman po ang sarili ko. Hindi n’yo naman po ako kailangan pang pabantayan dahil dito lang ako sa bahay. Papupuntahin ko na lang po ang mga kaibigan kong sina Grace at Amanda para samahan ako!” saad naman ni Rhea.
“Hayaan mo nang magtungo rito ang Tiya Petra mo. Sinabi ko rin kasi sa kaniya na tulungan ka sa paglilinis nitong bahay. Saka lalabhan niya rin ang mga damit natin,” wika pa ng ina.
“Bakit kasi hindi na lang kayo kumuha talaga ng kasambahay, ‘ma? Ayaw na ayaw kong narito si Tiya Petra. Bukod sa lagi siyang nangingialam sa akin ay para siyang sabik na sabik sa mga pagkain natin dito! Hindi ko gusto na nag-uuwi siya ng mga pagkain natin sa ref. Saka parang nagpupunta lang naman siya rito para makikain,” saad pa ng dalaga.
“Anak, huwag ka namang madamot sa Tiya Petra mo. Nahihiya na nga ako sa kaniya dahil siya lang naman ang natatawag natin para makatulong sa atin dito sa bahay. Siya lang din naman ang mapagkakatiwalaan ko. Kung may kinukuha naman dito si Ate Petra ay ipinapaalam naman niya sa akin. Huwag kang madamot, anak. Lalo na at kamag-anak naman natin siya,” paliwanag pa ni Lorna.
Ngunit naiinis talaga itong si Rhea sa pagkaburaot ng kaniyang Tiya Petra.
Kinabukasan ay umalis na si Lorna at nariyan na si Petra upang samahan si Rhea.
“Pinapunta ko rin pala dito ang mga kaklase ko, Tiya Petra. May mga kailangan din kasi kaming gawin para sa eskwela,” saad ng dalaga.
“Sige lang, Rhea, ako na lang ang magsisimulang maglinis nitong bahay. Sisimulan ko na rin ang paglalaba para maaga tayong matapos. Nakaluto ka na ba ng pagkain?” tanong ng tiyahin.
Sa loob-loob ni Rhea ay naiinis na naman siya dahil pagkain na naman ang nais nito.
“May niluto na po si mama d’yan bago umalis. Magtanghalian na muna po kayo, tiya, bago maglinis ng bahay. Pero pakitirhan na lang po kami dahil dito rin kakain ang mga kaibigan ko,” wika muli ng dalaga.
Kumain na muna si Petra. Maya-maya ay nakita ni Rhea na nagbabalot ng kanin at ulam ang kaniyang tiyahin.
“Aalis lang ako sandali, Rhea, a. Babalik din ako kaagad,” wika ng tiyahin.
Pagkakita ni Rhea ay kaunting ulam na lang ang natira.
“Kinuha na naman ni Tiya Petra ang pagkain. Hindi na naman siya nakatiis!” naiiritang sambit ng dalaga.
Kaya naman nagpasya siyang magpa-deliver na lang ng pagkain.
Si Petra ang nagbukas ng gate sa delivery man. Tinawag niya ang pamangkin para sa pagbabayad.
“Rhea, mukhang masarap ‘yang pagkain na ‘yan, a! Baka naman mayroong matira, huwag mo akong kalimutan!” biro pa ni Petra.
“S-sige po, tiya. Pero nahihiya rin ako kasi ang mga kaibigan ko po ang nagbayad nito,” ipinamukha talaga ni Rhea sa tiyahin na hindi ito mabibigyan.
Dahil sa dami ng inorder ay hindi rin naubos ng magkakaibigan ang pagkain. Imbes na ibigay kay Petra ay inilagay na ni Rhea ang pinagkainan sa lababo.
Nang makita ito ni Petra ay agad niyang tinipon ang natirang pagkain at isinilid sa isang supot.
“Sayang naman ang pagkaing ito, Rhea. Sa akin na lang, a!” saad ng tiyahin.
Hiyang-hiya ang dalaga sa ganiwang ito ng kaniyang tiya.
Ilang sandali pa ay nag-order naman ng cake ang kaibigan ni Rhea na si Amanda. Kaarawan kasi nito sa susunod na araw at nais na nitong manlibre.
Tuwang-tuwa si Petra nang makita ang cake. Binulungan niya si Rhea upang makatikim din siya ng cake.
“Huwag mo akong kalimutang bigyan mamaya, a. Mukhang marami naman ang cake na ‘yan!” pakisuyo ni Petra.
Um-oo na lang ang dalaga upang tigilan na siya ng tiyahin. Ngunit unti-unti na siyang tinutubuan ng inis dahil sa kakulitan nito.
“Rhea, uuwi na kasi ako. Tapos naman na ako sa mga gawaing bahay. Babalik na lang ako bukas nang maaga,” saad ni Petra sa pamangkin.
“O sige po, tiya. Kayo pong bahala. Pero kung hindi na kayo makakabalik bukas ay ayos lang naman. Kaya ko na po dito. Kasama ko naman sina Grace at Amanda,” sagot naman ni Rhea.
“E, uuwi na kasi ako, Rhea, baka naman p’wedeng makahingi ako ng cake. Mukhang masarap kasi talaga, e,” nahihiyang sambit pa ni Petra.
“Tiya, bukas na lang po at hindi pa kasi nahahati ni Amanda ang cake. Baka gusto pa po niyang kunan siya ng litrato. Nahihiya rin naman kasi akong magtanong sa kaniya dahil siya naman ang bumili ng cake at hindi ako,” saad pa ng dalaga.
“Baka naman p’wede na, kahit kaunti lang. Gusto mo bang ako na ang kumausap kay Amanda? Ako na ang magpapaalam sa kaniya,” saad pa ni Petra.
Pinipiglan na lang ni Rhea ang kaniyang sarili pero malapit na niyang masagot ang tiyahin. Nang narinig naman ni Amanda ang pakiusap ni Petra ay hindi ito nagdalawang-isip na bigyan ito ng cake.
“Maraming salamat talaga, Amanda. Napakabuti mo! Maligayang kaarawan sa iyo!” masayang pagbati ni Petra.
Hiyang hiya na naman si Rhea sa ginawa ng tiyahin kaya naman nang makaalis ito ay todo ang paghingi nito ng paumanhin sa kaibigan.
“Ayos lang sa akin, Rhea. Binili ko naman talaga ang cake para pagsaluhan natin. Nakaligtaan lang natin kanina,” saad naman ni Amanda.
Ayaw na ni Rhea na pabalikin ang kaniyang Tiya Petra sa bahay kinabukasan. Hindi naman niya alam kung paano ito sasabihin sa tiyahin. Kaya naman tumawag siya sa ina upang sabihin ang nangyari.
“Hiyang-hiya ako, ‘ma! Parang awa mo na at gumawa ka na ng paraan para hindi na bumalik sa bahay si Tiya Petra. Grabe ang pagkaburaot niya sa pagkain! Siguro kaya tumandang dalaga ay walang magkagusto sa kaniya dahil sa nakakahiyang ugali niya! Para siyang p@tay gutom! Parang hindi siya nakakaranas ng ganong pagkain! Hindi na siya nahiya!” gigil na wika ng dalaga.
“Dahil talagang hindi nakakakain ng ganyang pagkain ang Tiya Petra mo. Ang akala mo ba’y para sa kaniya ang pagkaing inuuwi niya, Rhea? Alam mo ba kung bakit hindi na nakapag-asawa ang Tiya Petra mo? ‘Yan ay dahil sa pag-aalaga sa nanay niya. Mahirap ang buhay nila. Hindi katulad ng buhay na kinalakihan mo! Madalas ay wala silang makain. Kaya naman malaking tulong sa kanila kung hindi na nila poproblemahin ang makakain nila sa isang araw. Hindi siya makapagtrabaho dahil alaga nga niya ang nanay niya. Kaya nga aligaga siya tuwing nagpupunta siya sa bahay. Marahil ang cake na inuwi niya ay para sa nanay niya. Alam niya kasing mahilig sa mga panghimagas ‘yun at magiging masaya ang matanda kung makakatikim ito ng cake. Kung may sobra naman, Rhea, ay huwag kang magdamot. Kaawa-awa ang buhay nilang mag-ina. Maswerte ka at hindi mo ‘yun nararanasan. Bilang kamag-anak ay dapat tayong magtulungan,” pahayag naman ni Lorna.
Nakaramdam ng habag itong si Rhea. Hindi niya akalain na ganito pala ang buhay ng kaniyang tiyahin.
Nang hapon ding iyon ay pinuntahan ng dalaga kasama ang kaniyang mga kaibigan si Petra sa bahay nito.
Nadatnan nilang pinapakain ni Petra ang ina nito ng cake at masayang masaya ang matanda.
“Tiya Petra, nagdala pa kami ng cake para naman sa iyo. Para matikman mo rin. Bukas ay punta ka sa bahay. Mag-oorder ulit kami ng pagkain. Saka may litsong manok din. Uwian mo rin si lola nang sa gayon ay makakain siya,” saad ni Rhea sa tiyahin.
“Talaga? Maraming salamat sa inyo! Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan. Malaking tulong talaga sa amin ‘yan ng nanay ko,” saad naman ni Petra.
“Narinig mo ‘yun, ‘nay? May masarap na ulam ka raw bukas! Kaya kumain ka lang nang kumain para lumakas ka!” dagdag pa nito.
Ngayon ay mas naunawaan na ni Rhea ang pinagdadaanan ng kaniyang Tiya Petra. Sa tuwing nag-uuwi ito ng pagkain o naglalambing sa kaniya ng makakain ay hindi na siya naiirita at nagagalit. Maluwag na sa kaniyang puso ang pagtulong dito. Madalas pa nga niya itong puntahan kung may sobrang pagkain sa kanilang bahay.
Labis naman ang pasasalamat ni Petra sa pagtulong na ginagawa ng mag-ina. Bilang ganti ay patuloy pa rin siyang tumutulong sa paglilinis at pagbabantay sa bahay ng mga ito.