Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan dahil Malas daw ang Isang Binata; Hindi Nila Akalain ang Swerteng Dadapo sa Kaniya

Pinagtatawanan dahil Malas daw ang Isang Binata; Hindi Nila Akalain ang Swerteng Dadapo sa Kaniya

Pinagtatawanan ng kaniyang mga kabaryo itong si Ador dahil malas daw ito sa buhay. Bago pa lang siya ipinanganak ay nasawi na ang kaniyang amang minero. At noong ika-anim na kaarawan niya ay saka naman pumanaw ang ina dahil sa atake sa puso.

Nakatira man si Ador sa barong-barong na iniwan ng kaniyang mga magulang ay kailangan pa rin niyang maghanapbuhay para mayroon siyang makain. Kaya naman imbes na nasa eskwela ay nagbabanat ng buto sa koprahan ang bata.

May isang negosyanteng nakakita sa kaniya habang nagtatrabaho at lubos itong naawa sa kaniyang kalagayan. Kaya naman dinala siya nito sa Maynila upang pag-aralin. Ngunit hindi pa man siya nakakatapos ng hayskul ay nasawi naman sa isang aksidente sa sasakyan ang naturang matanda.

Nang mawala ang negosyante ay pinalayas na rin siya ng mga kamag-anak nito sa kanilang lugar.

Ngayon ay balik na naman siya kanilang probinsya. Dahil medyo matagal na nga siyang nawala ay kinamkam na ang kapirasong lupa na tinitirikan ng kaniyang barong-barong. Mabuti na lang at may itinayong pabrika doon kaya nagkaroon siya ng permanenteng trabaho. Nakiusap siya sa amo kung maaari siyang matulog kahit sa labas lang ng pabrika sa pangakong payag siyang magtrabaho ng mas mahabang oras nang walang bayad.

“Grabe naman ang malas niyang si Ador, ano? Akalain mong maganda na sana ang buhay ay nasawi na naman ang umampon sa kaniya! Nakakatakot at baka mamaya itong pabrika naman ang magsara!” saad ng isang kapitbahay.

“Kaya nga sabi ng inang ko ay huwag daw magsasasama d’yan kay Ador. Baka mamaya ay madamay tayo sa kamasalan niya!” saad naman ng isa pang binata.

Iwas na iwas ang mga taga-baryo sa binata. Dati ay naiiyak pa si Ador sa tratong ito sa kaniya ngunit unti-unti na lang din siyang nasanay.

Dahil sa hirap ng buhay ay madalas din siyang pag-initan ng manager ng pabrika. Madalas siyang paalisin sa kaniyang tinutulugan. Kahit na pagod na pagod na ay patuloy pa rin siyang pinagtatrabaho na para bang pag-aari na siya nito.

Ngunit walang magawa si Ador. Kailangan niyang makisama dahil mawawalan siya ng tutuluyan at ng trabaho kung makakaalitan niya ang manager.

Ngunit isang araw ay nakita niya ang manager na may ginagawang hindi maganda.

“Kaya pala nawawala madalas ang mga supply dito sa pabrika ay dahil ipinupuslit niya. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ayaw niya akong magtayo ng maliit na barong-barong sa tabi ng pabrika dahil makikita ko ang masama niyang ginagawa,” saad ni Ador sa sarili.

Alam ni Ador na nanganganib na ang kaniyang buhay sa pagkakataong ito. Ngunit hindi niya kayang manahimik na lang. Naging mabuti sa kaniya ang may-ari ng pabrika kaya naman handa siyang tumupad sa kaniyang tungkulin.

Hindi nagtagal ay palihim na sinabi ni Ador sa mga may-ari ang kaniyang nalalaman hinggil sa manager ng pabrika. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon ay hinuli talaga ito ng mga awtoridad sa akto para hindi na makatanggi pa.

Agad namang naipakulong ang manager nang mapatunayan ang pagpupuslit nito ng mga kargamento sa pabrika.

“Alam mo, Ador, masaya ako dahil may isang kagaya mo na tapat sa trabaho. Nais kong makabawi sa iyo. Hilingin mo ang kahit ano at ibibigay ko. Tirahan? Mataas na posisyon? Mataas na sahod? Kahit ano,” saad ng may-ari ng pabrika.

Hindi na nagdalawang-isip pa itong si Ador na sunggaban ang pagkakataon.

“Nais ko pong ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Sana po ay pahintulutan po ninyo akong magtrabaho sa pabrika sa umaga at mag-aral naman sa gabi,” saad naman ng binata.

“Ngunit bakit kailangan mo pang mag-aral gayong maaari naman kitang bigyan na lang mataas na posisyon?” nagtatakang tanong ng amo.

“Dahil wala po akong pinag-aralan at patuloy lang po akong mamaliitin kung habang buhay akong ganito. Kung magiging mataas man ang posisyon ko sa pabrika ay nais kong gawin ito nang tama. Nais kong umangat sa posisyon dahil karapat-dapat ako at kung pinaghirapan ko ito,” saad pa ni Ador.

Lalong humanga ang may-ari ng pabrika sa ipinakita ni Ador. Kaya naman pumayag ito sa gusto ng binata. Sa umaga ay nagtatrabaho ito sa pabrika at sa gabi naman ay nag-aaral ito.

Hindi naging madali kay Ador ngunit wala nang mas hihirap pa sa kaniyang pinagdaanan sa buhay kaya patuloy ang kaniyang pagpupursige.

Ilang taon pa ang lumipas ay tuluyan na itong nakatapos sa pag-aaral. Sa kaniyang husay ay unti-unting tumaas ang posisyon niya. Kahit na malaki na ang kaniyang sinusuweldo ay hindi pa rin siya nabuhay nang marangya.

Bagkus ay unti-unti siyang bumili ng lupa. Una niyang binili ay ang dating lupa na kinatitirikan ng kanilang barong-barong. Sumunod ay ang ilang lupaing nakapaligid dito. Hanggang sa nakakita siya ng isang lupain.

Muli siyang pinagtawanan ng mga kabaryo nang malamang unti-unti niya itong binibili.

“Nag-aaksaya ka lang ng pera sa pagbili ng lupang iyan, Ador. Walang sustansya ang lupa riyan kaya nga walang taniman! Akala pa naman namin ay nakapagtapos ka ng pag-aaral ngunit mangmang ka pa rin pala pagdating sa maraming bagay!” saad ng isang kapitbahay.

Hindi naman nagpaapekto itong si Ador sa sinasabi ng mga ito. Nagpatuloy lang siya sa kaniyang pangarap.

Ang ilang kapitbahay nilang nagtatrabaho sa pabrika ay nakakabili na ng mga sasakyan at nagpatayo na ng magagarang bahay ngunit si Ador ay nakatira pa rin sa maliit nitong barong-barong at patuloy ang pagbili ng lupa sa sa lupaing sinasabi ng mga kapitbahay na walang pakinabang.

Nagpatuloy ang ginagawang ito ni Ador sa loob ng dalawang dekada. Inubos niya ang kaniyang pera sa pagbili ng mga lupa.

Hanggang siya ay nakapag-asawa na at nagkaroon ng mga anak. Simple pa rin ang kanilang pamumuhay sa barong-barong.

“Mabuti nga at may nagkamali pa riyan kay Ador. Nasisiraan na ‘yan ng bait. Marami nga siyang ari-arian ngunit wala namang halaga!” kantiyaw ng isang kapitbahay.

“Ang akala ata ng asawa niya’y nakatisod siya ng mayaman dahil maraming ari-arian. Hindi niya alam na mas mababa pa ang halaga ng mga lupa kaysa sa pagkakabili ng asawa niyang mahina ang ulo!” saad pa ng isang ginang.

Ngunit ang hindi alam ng mga ito na may itatayong malaking kalsada sa lupaing nabili ni Ador. Handa itong bayaran ng kompanya sa napakalaking halaga. Halos tatlumpung ulit ng presyo ang inalok sa kaniya.

Ngunit nabigla sila nang tanggihan ito ni Ador.

Napailing na lang ang kaniyang mga kapitbahay at sa tingin nila’y nasisiraan na talaga ito ng bait.

“Isang daang ulit ng presyo ang kailangan ko kung nais niyong bilhin ang mga lupain ko. Kung hindi ay hindi matutuloy ang daan na gusto ninyo,” saad ni Ador.

Napataas ng kilay ang mga kapitbahay nang malaman nila ang nais nitong si Ador. Palagay nila’y hindi kakagat sa kaniyang alok ang kompanya.

Ngunit laking gulat nila nang binayaran si Ador ng mga ito sa presyong nais niya.

Biglang yaman si Ador at ang kaniyang pamilya. Hindi makapaniwala ang kaniyang mga kapitbahay. Ang mga taong dating nakapalibot sa kaniya na pinagtatawanan siya’y ngayo’y todo ang papuri sa kaniya at panay ang hingi ng tulong.

Ngunit hindi pa rin ginamit ni Ador ang pera upang mabuhay nang marangya bagkus ay bumili ulit siya ng lupa malapit sa ginawang daan upang gawing isang subdivision.

Mula noon ay tuloy-tuloy na ang pag-asenso ni Ador. Hindi na mabilang ang yaman na mayroon siya. Nakapagpatayo na nga siya ng mansyon at nagkaroon pa ng iba’t ibang negosyo. Napag-aral ang kaniyang mga anak sa ibang bansa. Maging silang pamilya ay nalibot ang buong mundo.

Nang tanungin si Ador kung bakit ganito ang ginawa niya’y ito lang ang kaniyang naging sagot.

“Labis ang hirap ng buhay na dinanas ko. Mahirap mawalan ng mga magulang sa maagang panahon. Magbanat ng buto sa murang edad. Kaya naman nais kong ihanda ang buhay ko para sa pamilya ko. Ayaw kong maranasan nila ang buhay na pinagdaanan ko. Handa akong isakripisyo ang lahat para lang hindi nila tahakin pa ang lahat ng hirap na pinagdaanan ko. Ang lahat ng ito’y para sa mga susunod na henerasyon ng pamilya ko. Magsilbing inspirasyon sana ang lahat ng hinarap ko para lang makapunta sa kinalalagyan ko ngayon.”

Pinatunayan ni Ador sa lahat na hindi balakid ang hirap upang magtagumpay sa buhay. Mawalan man siya ay sigurado na siyang mabubuhay nang maayos ang pamilyang kaniyang maiiwan.

Advertisement