Todo ang Pag-aasam ng Ginoo na Patunayan ang mga Sinabi sa Dating Boss; Nang Palayain Niya ang Galit ay Ito ang Kaniyang Nakamit

Hindi maiwasan ni Raul na sumama ang kaniyang loob sa direktor ng kompanya nang malamang ibinigay sa iba ang papuri at parangal sa proyektong siya naman ang nag-isip at gumawa. Noon ay kaya pa niyang tumahimik dahil takot siyang matanggal sa trabaho ngunit ngayon ay hindi na siya makapagpigil pa.

Ibinigay ang pagkilala kay Lito, isang kasamahan niyang palaging sumasama sa mga lakad ng mga boss. Hindi kasi magawang sumama ni Raul dahil pamilyado na siyang tao at nais niyang makasama ang kaniyang mag-anak pagkatapos ng trabaho.

Kaya naman nang makita niya ang regional director na si John ay agad niya itong kinompronta.

“Boss, bakit naman gano’n? Ako ang gumawa ng proyektong iyon tapos ay si Lito pa ang pinapurihan? Siya pa ang nabigyan ng promotion at tinaasan pa ang sahod? Hindi naman ata patas ‘yan dahil ako ang nagpakahirap sa pag-iisip no’n!” sambit ni Raul.

“Ano ang magagawa ko, Raul? Si Lito ang gusto ng mga boss natin. Siya ang laging nakikita, siya ang tunay na kilala at nakikisama. Ni hindi ka nga ata kilala ng mga amo natin, e!” sagot naman ni John.

“Sana ba nama’y ipinakilala n’yo ako. Ganoon ba kahirap na sabihing ako ang gumawa ng proyekto? Boss, kailangan ko ang promotion na ‘yon at ang taas ng sahod. Ilang taon na rin akong nag-aasam na mabigyan ko naman ng disenteng buhay ang mag-iina ko! Hindi patas ‘to!” giit pa ng ginoo.

Nainis si John sa inasal ni Raul.

“Nakalimutan mo na ata kung sino ang kaharap mo, Raul! Kung sa tingin mo ay hindi patas ang pamamalakad ko ay maaari ka namang umalis sa trabahong ito. Tingnan na lang natin kung may mahanap ka pang tulad ng kompanyang ito na magpapasahod ng malaki sa isang empleyadong kagaya mo! Hinahamon kita ngayon! Kung sa tingin mo ay agrabyado ka’y umalis ka!” dagdag pa ng boss. 

Advertisement

Sa inis naman ni Raul ay mabilis siyang nagdesisyon.

“Talagang hindi ko na kayang magtrabaho pa sa kompanyang hindi pinapahalagahan ang empleyadong tapat sa trabaho. Hindi n’yo na ako kailangan pang hamunin dahil kusa akong aalis! Marami pang kompanyang tatanggap sa akin. Sa pagkakataong iyon ay titiyakin kong malalagpasan ko ang posisyon mo!” saad pa ni Raul. 

Mula nang araw na iyon ay umalis na sa trabaho ang ginoo. Labis naman ang pag-aalala ng kaniyang misis na si Jasmin kung saan na sila kukuha ng ipambubuhay sa kanilang mga anak.

“Maghahanap ako ng trabaho sa ibang bansa. Gagawin ko ang lahat para ipamukha d’yan kay John na hindi lang ako basta empleyado! Makikita niya! Masyado niyang minamaliit ang tulad ko!” hinanakit ni Raul.

Hindi naman maiwasan ni Jasmin na makaramdam din ng inis sa kaniyang mister dahil mas iniintindi pa nito ang paghihiganti sa dating boss kaysa sa kanilang pamilya.

Makalipas lang ng isang buwan ay nagtungo na si Raul sa Canada. Walang kasiguraduhan ang kaniyang pagpunta doon pero sinugalan pa rin niya. Nais niyang makita ang swerte niya sa ibang bansa.

Walang ginawa si Raul kung hindi buong araw na mag-apply ng trabaho doon. Ngunit wala man lang siyang makitang posisyon nang tulad ng dati niyang trabaho.

Dahil sa tagal ng pamamalagi ni Raul sa ibang bansa ay unti-unti nang nauubos ang kaniyang pera. Mabuti na lang at may isang dating kaklase ang nag-alok sa kaniya ng tulong.

Advertisement

“Mahirap talagang maghanap ng trabaho dito. Hindi katulad sa atin na kapag may diploma ka ay ayos na. Sumama ka na muna sa akin sa restawran. Madali lang naman ang trabaho doon. Sandali lang naman nating iluluto ang pagkain para lang maihain natin nang mainit sa mga kumakain. Tapos ay magliligpit lang. Kahit paano ay may disenteng kita tayo,” wika ng kaibigang si Pedro.

“Sige, pare, bukas ay pupunta ako sa pinagtatrabahuhan mong restawran para maka-ekstra ng trabaho. Pero hindi ito permanente, a! Kailangan kong makahanap ng maayos na trabaho para mapatunayan ko sa dati kong kompanya na may mahahanap akong mas magandang trabaho kaysa sa inalisan ko,” saad naman ni Raul.

Isang linggo pa lang si Raul sa restawran ay nais na niyang sumuko. Hindi talaga niya kasi linya ang pagluluto. Kaya naman patuloy siya sa pag-a-apply sa iba pang kompanya. Minsan ay nakakakuha siya ng interview ngunit madalas ay hindi na siya tinatawagan pa.

Hanggang isang araw ay nakatanggap ng mensahe itong si Raul. Pinapapunta siya sa isang kompanya para sa isang magandang posisyon. Ang akala niya’y ito na ang matagal na niyang hinihintay. Ngunit pagdating niya sa kompanya ay hindi pala manager ang kaniyang magiging trabaho.

Nanlulumo si Raul na bumalik ng restawran.

“Mensahero? Hindi ako nagtapos ng pag-aaral para lang sa ganoong trabaho. Napakababa talaga ng tingin ng mga banyaga sa atin!” sambit ng ginoo.

“Huwag ka nang mainis. Paghusayan mo na lang ang trabaho mo rito sa restawran dahil mabait naman ang amo natin. Malay mo ay makita niya ang sipag mo at i-promote ka,” saad naman ni Pedro.

“Sa anong posisyon? Para maging kahero? Kung alam mo lang kung gaano ko kagustong umalis sa trabaho na ‘to. Ngunit kailangan ko lang tiisin dahil may pamilya ako sa Pilipinas,” saad pa ni Raul.

Advertisement

Nang sumunod na buwan ay nagkaroon muli ng tawag mula sa isang kompanya si Raul. Sa pagkakataong ito ay bilang isang klerk.

“Mas mainam nang tanggapin ko ang pagiging klerk kaysa naman sa trabaho ko sa restawran!” saad niya sa kaniyang sarili.

Sa loob ng isang buwan ay naging maayos naman ang pagtatrabaho ni Raul. Mas malaki na rin ang naipapadala niya sa kaniyang pamilya. Ngunit hindi pa man din siya nagtatagal sa trabaho’y biglang nalugi ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya.

Kaya naman muli siyang bumalik sa naturang restawran para kahit paano ay may kitain pa rin.

Sa tuwing nakakahanap ng ibang trabaho ay umaalis itong si Raul sa restawran ngunit bumabalik din kapag natatanggal siya.

“Ewan ko ba, mahal, baka tama ang si John sa mga sinasabi niya. Wala na talaga akong makikitang kompanya na tulad ng sa kanila. Tingnan mo nga ako ngayon napakababa ng trabaho ko. Sinong mag-aakalang ang isang tulad kong isang inhinyero ay taga-init lang ng pagkain sa isang restawran?” nanlulumong wika ni Raul sa asawa.

“Bakit kasi hindi mo pa kalimutan ang paghihiganti mo d’yan sa dati mong boss? Raul, pakawalan mo na ang galit mo. Tanggapin mo na lang kung ano ang mayroon tayo ngayon. Sigurado akong mas dadaloy ang kapayapaan sa isip mo at mas lalapitan ka ng biyaya. Maayos naman ang trabaho mo sa restawran. Kita mo nga kahit ilang beses ka nang umalis ay tinatanggap ka nilang muli. Kaya naman ipakita mo sa kanila ang respeto at pasasalamat sa pagtatrabaho nang maayos. Pasasaan din at ang lahat hirap mo ay mapapalitan ng pag-asenso,” payo naman ni Jasmin.

Dahil sa sinabi ng misis ay tila natauhan ang ginoo. Nang mga sandaling iyon ay napagtanto niyang wala na siyang dapat pang patunayan kung hindi dapat ay magsimula siyang muli upang maitaguyod niya ang kaniyang pamilya.

Advertisement

Pinagbuti ni Raul ang trabaho niya sa restawran. Hindi nagtagal ay nakita nga ng mga may-ari ang galing niya kaya naman ginawa siyang manager nito. Unti-unting nakapag-ipon ang ginoo hanggang sa isang araw ay hindi inaasahang nagkrus ang landas nila ng dating boss.

Nasa Canada rin si John para naman sa isang bakasyon. Nagulat ito nang makita si Raul na nagsisilbi sa isang restawran.

“Kita mo nga naman, dito lang pala kita makikita sa Canada. Akala ko ba’y sa susunod na pagkikita natin ay matataasan mo na ang posisyon ko. Bakit parang baliktad ata ang nangyari sa iyo?” pagmamalaki ni John.

“Kinalimutan ko na ang lahat ng sama ng loob ko sa iyo at sa kompanya. Sabihin na lang nating pinatawad ko na kayo sa lahat ng nagawa ninyo sa akin. Aaminin kong hindi naging madali ang buhay ko at ng aking pamilya simula nang umalis ako sa trabaho. Pero hindi ako pinigilan ng pagkakataon para lumaban at magtagumpay,” wika naman ni Raul.

“Magtagumpay? Ang pagtatrabaho mo bilang isang serbidor sa isang sikat na restawran ay tagumpay na para sa iyo? Nasaan na ang lahat ng pinag-aralan mo, Raul? Nasaan na ang lahat ng pagmamalaki mo noon?” natatawang kantyaw ng dating boss.

“Oo, nagsimula nga ako bilang isang serbidor sa isang maliit na restawran. Matindi ang pagnanais kong maipakita sa inyo na makakahanap ako ng mas magandang trabaho ngunit ang hindi ko alam ay mas maganda pa pala ang ibibigay sa aking biyaya ng Panginoon. Nasa paligid mo ang tagumpay na tinutukoy ko dahil ako ang may-ari ng sikat na restawran na tinutuntungan mo ngayon,” saad naman ni Raul.

Gulat na gulat si John sa kaniyang nalaman. Hindi niya lubos na akalain na malaki na pala ang inasenso ng buhay ni Raul. Sa loob lang ng tatlong taon ay naging matagumpay ito sa kaniyang negosyo. Nadala pa nito ang buong pamilya sa Canada.

Simula nang tinanggap ni Raul ang nangyari sa kaniyang buhay at kinalimutan na niya ang bitbit na galit sa kaniyang puso ay doon na patuloy na pumasok ang biyaya sa kaniya.

Advertisement

Bandang huli ay nagkatotoo ang sinabi ni Raul sa dating boss dahil hindi lang niya ito basta hinigitan dahil ngayon ay may-ari na siya ng isang sikat at asensadong restawran, hindi lang sa Canada kundi pati na rin sa ibang sulok pa ng daigdig.