Inday TrendingInday Trending
Perpektong Pamilya Nga Ba?

Perpektong Pamilya Nga Ba?

Perpektong pamilya. Iyan ang tingin ni Emerald sa kanilang pamilya. Iginagalang ang kaniyang amang si Fred bilang isang mahusay na negosyante. Ang ina naman na si Ruby ay kilala rin sa mga outreach programs na inilulunsad nito sa kanilang pamayanan.

May dalawang nakababatang kapatid si Emerald na sina Sapphire at Jade na puro magaganda rin at honor students. Maalwan at komportable ang kanilang pamumuhay. Wala na ngang mahihiling pa sa buhay si Emerald na nasa huling taon sa senior high school.

“Ano palang course ang gusto mong kunin sa college, dear?” tanong ng kaniyang inang si Ruby kay Emerald habang sila ay kumakain ng almusal sa hardin ng kanilang malaking bahay.

“Yes, anak. Oo nga. Sabihin mo kahit ano pa man iyan. Kayang-kaya natin iyan,” segunda naman ni Fred.

“Since STEM naman po ang strand ko ngayon, gusto ko po sanang ipagpatuloy. Gusto ko pong maging surgeon,” tahasang sabi ni Emerald.

“Nice profession! Go for the gold anak. We will support you,” nakangiting sabi ni Fred. Tumayo si Emerald at niyakap ang kaniyang ama at ina.

“Thanks po daddy and mommy! I’m so blessed to have you as my parents!” puri ni Emerald sa kaniyang mga magulang.

“Mas maswerte kami ng mommy mo sa inyo nina Sapphire at Jade,” nakangiting sabi naman ni Ruby.

Isang araw, nagtungo sa mall si Emerald kasama ang kaniyang matalik na kaibigang si Jerome, isang beki. Nagpasama siya sa bookstore para mamili ng mga kailangan niya sa eksperimentong gagawin nila sa isa sa kanilang mga asignatura. Matapos makapamili, inilibre niya ang kaibigan sa isang sikat na coffee shop.

“Friend ang dami mong pinamili ah. Sosyal ka talaga. Daming budget!” sabi ni Jerome kay Emerald.

“Siyempre, malaki ang binibigay na allowance ni daddy. Suportado nila ako sa balak kong maging surgeon,” sagot ni Emerald.

Dahil siya na nga ang nanlibre, inutusan niya si Jerome na magtungo sa counter upang umorder ng kanilang paboritong kape. Habang naghihintay sa kaibigan, isang pamilyar na tao ang nahagip ng kaniyang mga mata. Hindi siya maaaring magkamali. Kitang-kita niya ang kaniyang daddy na may kasamang isang babaeng balingkinitan, kahit na ito’y mukhang kasing-edad ng kaniyang daddy.

“Oh friend ito na,” sabi ni Jerome habang bitbit ang dalawang baso ng mamahaling kape.

“Sandali lang may pupuntahan lang ako, friend. Diyan ka lang. Babalik ako,” sabi ni Emerald sa kaibigan.

Lumabas siya ng coffee shop at palihim na sinundan ang kaniyang daddy. Nakita niyang sweet ito sa kasamang babae. Patungo ito sa isang mamahaling restaurant. Kinuha ni Emerald ang kaniyang cellphone at kinuhanan ng larawan ang dalawa. Agad niyang tinawagan ang kaibigan.

“Friend, hindi na ako makakabalik diyan. Pinapauwi na ako sa amin. Umuwi ka na rin. Salamat sa pagsama sa akin,” sabi ni Emerald kay Jerome. Hindi niya inaalis ang tingin sa dalawa. Gusto niyang manmanan ang kilos ng kaniyang daddy kasama ang kabit nito.

Nang makatapos kumain, nakita niyang lumabas ng mall ang dalawa at sumakay sa isang kotseng pula. Mukhang kotse ito ng babae. Agad na pumara si Emerald ng dumaraang taxi at sinabihan itong sundan lamang ang pulang kotse. Hindi siya makapaniwalang gagawin niya ito dahil napapanood lamang niya ito sa mga teleserye.

Pumasok ang pulang kotse sa loob ng isang subdivision at huminto sa isang malaking bahay. Kitang-kita niyang pumasok doon ang kaniyang daddy at ang babae. Siniguro niyang nakuhanan niya ito ng mga larawan bilang ebidensya.

Hindi siya makapaniwala na magagawa ng kaniyang daddy ang panloloko sa kaniyang mommy. Ang akala niyang perpektong pamilya ay hindi naman pala totoo! Simula nang matuklasan niya ang panloloko ng daddy sa kaniyang mommy ay naging malulungkutin siya’t naging matabang ang kaniyang pakikitungo sa kaniyang ama. Hindi na niya ito sinasalubong sa tuwing dumarating ito mula sa trabaho. Bagay na napansin nina Fred at Ruby.

Minsan, kinausap na siya ni Fred.

“Anak, what’s wrong? Galit ka ba sa akin?” tanong ni Fred sa anak.

Tinitigan lamang siya ni Emerald.

“Anong nangyayari, Emerald?” takang tanong ni Ruby. Nagtataka rin siya sa inaasal ng anak.

“Bakit hindi ninyo tanungin si daddy kung bakit ako nagkakaganito?” sabi ni Emerald kay Ruby. Nagkatinginan sina Fred at Ruby.

“Umamin ka na dad. All this time niloloko mo si mommy!” galit na sabi ni Emerald. Umaagos na ang kaniyang mga luha. Hindi na niya napigilan ang pagbuhos ng emosyon.

“P-paanong niloloko anak?” takang tanong ni Fred sa anak.

Inilabas ni Emerald ang kaniyang cellphone at ipinakita sa dalawa ang mga kuhang larawan ng kaniyang daddy at ang inaakalang kabit nito.

“I saw you with someone sa mall. Sweet na sweet pa kayo ha? At nagpunta ka pa sa bahay niya. Mom, niloloko ka ni dad. May mistress siya!” sabi ni Emerald. Nagkatinginan lamang sina Fred at Ruby.

“Anak, calm down. Pumunta tayo sa bahay na sinasabi mo. Ngayon na,” sabi ni Fred.

“What for?” tanong ni Emerald.

“Basta. Magpapaliwanag ako pagkatapos.”

Sumakay na nga sa kanilang kotse sina Fred, Ruby at Emerald. Walang kumikibo sa kanilang tatlo. Nakatuon lamang sa pagmamaneho ang atensyon ni Fred. Tahimik din si Ruby. Gustong magalit ni Emerald sa ina dahil parang wala itong reaksyon sa kaniyang mga isiniwalat. Sa wakas, nakarating na rin sila sa bahay na itinuro ni Emerald. Bumaba sila sa sasakyan at nagtungo sa tarangkahan.

Pinindot ni Fred ang doorbell na nasa tarangkahan. Lumabas ang isang matandang kasambahay. Nangunot ang noo nito pagkakita kay Fred.

“Sir Jeffrey?” takang tanong nito.

“Sino iyan? Nandito ako,” boses ng isang lalaki. Nagtungo ito sa tarangkahan upang silipin kung sino ang kanilang panauhin. Napamaang ito nang makita si Fred. Magkamukhang-magkamukha sila!

“Jeffrey? Ikaw na ba iyan?” tanong ni Fred.

“Fred?” nangingilid ang luhang tanong ni Jeffrey. Nagyakap silang dalawa. Bumuhos ang emosyon sa dalawang magkamukha. Napamaang naman si Emerald sa kaniyang nasaksihan. Napangiti rin si Ruby.

Ibang katotohanan pala ang sumambulat sa kanilang harapan. Nagkalayo pala nang matagal na panahon ang kambal na sina Fred at Jeffrey matapos maghiwalay ang kanilang mga magulang. At ngayon, muling nagkatagpo ang kambal dulot na rin ng mga nasaksihan ni Emerald.

“Emerald, ipinakikilala ko sa iyo ang kambal ko, he is your Tito Jeffrey,” nakangiting sabi ni Fred sa anak. Para silang pinagbiyak na bunga.

“Daddy, I’m so sorry po sa mga nasabi at bintang ko sa inyo. Hindi ko naman alam na may kambal kayo,” nahihiyang sabi ni Emerald sa ama.

Inakbayan siya ng ama gayundin si Ruby. “Magagawa ko ba iyon sa mommy mo? Mahal na mahal ko iyan,” sabi ni Fred sabay halik sa pisngi ng asawa.

Nagkaroon ng reunion ang kani-kanilang mga pamilya at nakilala rin nila ang mga pinsan. Napagtanto ni Emerald na hindi pa rin nasisira ang perfect family na pagtingin niya sa kaniyang pamilya.

Advertisement