Inday TrendingInday Trending
Ibang Klase Kayo!

Ibang Klase Kayo!

Halos mamilipit na sa gutom noon si Arjo. Simula kasi kaninang umaga ay panay na ang kaniyang paglalako ng mga ibinibenta niyang basahang ang asawa niya mismo ang nananahi. Ang kaso ay inabutan siya ng ulan. Ni hindi niya kayang bawasan ni piso man lang ang perang kaniyang kinita, dahil eksakto lamang iyon para makabili siya ng gamot ng anak niyang may sakit ngayon.

Naisipan niyang pumasok sa isang fastfood chain upang maghanap o manghingi man lang ng kahit tira-tirang pagkain ng mga kostumer. Eksakto namang nakakita siya ng isang order ng pagkain doon na hindi pa halos nagagalaw ng may-ari. Sa sobrang desperado niyang makakain ay akma siyang uupo sa sa tapat niyon, nang bigla siyang sawayin ng lalaking nakaupo sa katabing table ng naturang hapag.

“Nako, kuya, mayroon pong may-ari niyan, e. Huwag nʼyo pong galawin ʼyan!” sabi nito na agad namang nakapagpalingon kay Arjo.

“Ser, baka po pʼwedeng akin na lang ʼto. Gutom na gutom na po kasi ako, e. Parang awa niyo na ho,” naiiyak namang pakiusap ni Arjo sa sumaway sa kaniya.

“Hindi talaga pʼwede, Kuya. Mayroon nga kasing may-ari niyan, e,” giit pa ng napapangiwing lalaki sabay tayo nito. Kinuha nito ang tray ng pagkain at inilagay sa table nito.

“S-Sige po, ser, pasensiya na po. Nagugutom lang po talaga ako,” malungkot pang paliwanag noon ni Arjo.

“Gusto mo bang tumawag na ako ng guard?” Narinig ni Arjo ang pagsingit na iyon ng isa pang babaeng nakakarinig sa pag-uusap nila ng lalaking nagbabantay ng iniwang pagkain sa tray.

“Wag po, ‘wag po. Hindi po ako masamang tao. Aalis na lang po ako,” nahihintakutan tuloy na sabi ni Arjo rito.

“Hindi, kuya, huwag kang aalis diyan. Hintayin mo ako. Umupo ka lang saglit,” pinigilan naman siya ng lalaking kausap niya kanina.

“Ser, please po. May sakit po ang anak ko. Hindi na po ako manggugulo, huwag nʼyo lang po akong ipahuli,” nangingilid na ang luhang pakikiusap pa ni Arjo sa lalaki.

“Hindi, huwag kang mag-alala. Hintayin mo ako riyan, kuya,” sabi pa nito bago nagmamadaling tumalikod at umalis na sa kaniyang harapan.

Kinakabahan man ay hinintay ni Arjo ang naturang lalaki hanggang sa ito ay makabalik na. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang may kasama na itong tatlo pang lalaking crew sa naturang fastfood chain—na pare-parehong may dala-dalang mga tray na punong-puno ng pagkain.

“Halika, kuya. Kumain ka rito. Mamaya, kapag hindi mo ito naubos, pʼwede mong iuwi sa pamilya mo ang iba, ʼtapos dadagdagan ko na lang, ha? Kain ka na po,” ang nakangiti at puno ng awang sabi ng lalaki kay Arjo, na nooʼy tuluyan nang tumulo ang luha.

Noong una ay nagdadalawang isip pa siya kung tatanggapin ang alok ng naturang lalaki, dahil kahit papaano ay nahihiya naman siya. Ngunit mas nangibabaw ang kalam ng kaniyang sikmura kaya naman minabuti na niyang umupo sa hapag at simulang kainin ang ibinigay na biyaya ng lalaki.

“Mabuti na lang pala, kuya, at payday ko ngayon. Tamang-tama lang ang timing ng pagkikita natin. Sana, nakatulong ako sa ʼyo, kahit papaano,” ang nakangiti pang sabi ng lalaki kay Arjo.

Nang matapos kumain ay labis ang naging pasasalamat ni Arjo sa lalaking iyon na siyang tumulong sa kaniya. Sinigurado niyang hinding-hindi niya malilimutan kung gaano kabuti ang ipinakita nito sa kaniya.

Matapos ang araw na iyon ay may napagtanto sa kaniyang sarili si Arjo… iyon ay ang hindi na niya gusto pang muling maranasan ang ganoong pagkakataon sa kaniyang buhay. Iyon ang ginawa niyang inspirasyon upang doblehin ang kaniyang pagsisikap.

Nag-apply si Arjo ng scholarship sa kanilang lokal na gobiyerno upang makabalik siya sa pag-aaral, ngunit hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon. Ganoon pa man ay hindi pa rin sumuko si Arjo. Dahil sa pagsusumikap ay nakahanap siya ng libreng skills training school na inilaan talaga para sa mahihirap, kaya naman iyon ang naging daan niya upang makapasok sa mas magandang trabaho.

Nagsimulang umayos ang buhay ni Arjo at ng kaniyang pamilya. Tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagnenegosyo, ngunit hindi na lamang basahan ang tinatahi ngayon ng kaniyang asawa. Marunong na rin itong magtahi ng mga damit na pambata.

Nagkaroon sila ng maraming suki. Unti-unti ay lumaki ang kita nila.

Nang tuluyan nang umasenso ay muling hinanap ni Arjo ang lalaking minsan ay tumulong sa kaniya, ngunit hindi na niya ito nakita pa. Ganoon pa man, nagsisilbi pa ring inspirasyon sa kaniya ang ibang klaseng kabutihan nito, na ngayon ay ginagawa na rin niya sa iba.

Advertisement