Inday TrendingInday Trending
Isang Araw, Sa Tren

Isang Araw, Sa Tren

Unahan sa upuan ang mga taong sumasakay sa tren nang mga oras na iyon. Paanoʼy rush hour na naman. Uwian na ng mga estudyante mula sa mga pinapasukang eskuwelahan.

Maluwag pa ang tren nang sumakay ang dalagang ito ngunit hindi nagtagal ay nagsimula na ring magsiksikan ang mga tao roon. Marami nang taong nakatayo habang umaandar ang naturang tren na kanilang sinasakyan, nang mapansin ni Ana, isang second year college student, ang isang matanda. Ni hindi na maabot ang handle ng mga taong nakatayo sa tren, dahil hindi na nito kayang ituwid ang kaniyang likuran. Wala ring ni isa sa mga kalalakihang nakaupo sa tren ang gustong magbigay ng upuan sa matanda kaya naman napailing si Ana.

“Lola, dito na po kayo umupo, oh.”

Dahil doon ay walang pag-aatubiling tumayo si Ana upang ibigay ang kaniyang inookupang sariling upuan sa matanda.

“Naku, salamat, hija!” nakangiti namang anang matanda sa kaniya.

“Wala po iyong anuman,” nakangiti rin namang sabi niya.

Malayo-layo pa ang kanilang biyahe. Masakit na ang mga paa ni Ana, ngunit nananatili siyang nakatayo. May ilang tao rin namang nag-offer sa kaniyang maupo, ngunit palagi siyang nagpaparaya sa mga matatanda, buntis at iba pang mas nangangailangan ng upuan. Masaya si Ana sa kaniyang ginawa dahil ganoon siya pinalaki ng kaniyang mga magulang.

“Hija, napakaganda mong bata,” maya-maya ay hindi na napigilang sabi sa kaniya ng matandang kaniyang pinaupo. “Bukod doon ay napakabait mo pa,” dagdag pa nito habang titig na titig pa rin sa kaniya.

“Salamat po, lola. Iyon po kasi ang turo ng mga magulang ko sa akin, kaya po siguro nakasanayan ko na rin talagang gawin,” nakangiting sagot naman ni Ana rito.

“Kung sana, lahat ng tao ay kagaya mo na marunong magbigay, magparaya at sumunod sa magagandang payo ng magulang, sanaʼy mas payapa na ang mundong mayroon tayo ngayon. Ngunit nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos na mayroon pa ring natitirang katulad mo rito,” ang mahaba pang litanya ng matanda sa kaniya habang patuloy sa pagbiyahe ang kanilang sinasakyan.

Muling huminto sa estasyon ang tren at nadagdagan pa ang mga pasaherong nakasakay doon. Dahil dito ay hindi na nagawang kumapit pa ni Ana sa handle.

Makailang ulit na siyang muntik masubsob sa sahig ng tren. Pinagtitinginan at pinagtatawanan na rin siya ng iba pang mga taong naroon.

“Ano ba ʼyan! Taga-bundok yata ʼyan, e!” pasaring ng isa sa mga nakakita ng kaniyang muntikang pagkabuwal sa lupa.

“Kaya nga. Parang ngayon lang nakasakay ng train!” sabay halakhak naman ng isa pa.

Hindi na lamang iyon pinansin pa ni Ana, bagkus ay muli niya na lamang nilapitan ang puwesto kung saan siya nakaupo kanina.

“Lola, excuse lang po, ha? Kukunin ko lamang po ito,” paalam niya sa matandang kaniyang pinaupo, sabay kuha ng saklay niya upang hindi na siya basta-basta mabuwal sa kaniyang kinatatayuan…

Oo, isa siyang PWD o Person with Disability na ang isang paa ay tanging artipisyal na lamang. Natahimik ang mga pasaherong nagpapasaring lamang kanina, dahil siyaʼy nabuwal sa pagkakatayo. Tila parehas na natameme ang mga ito nang makitang isa pala siyang PWD.

“O, nasaan ʼyong mga nagtatawa riyan kay Ate kanina? Tagabundok, ʼdi ba, sabi nʼyo? Sikat kayo ngayon dahil naka-live sa Facebook ang pang-iinsulto ninyo kay ate. Hindi na kayo nahiya sa mga balat ninyo? Kayo itong buo at walang kapansanan, pagkatapos ay ni hindi ninyo man lang napaupo ang matanda. Tatawanan nʼyo pa itong batang may magandang puso!” inis na saad ng lalaking naka-standing din sa tren habang hawak ng isang kamay ang cellphone nito at bini-video-han pala ang mga pangyayari sa loob ng tren.

Dahil doon ay maraming nakisimpatiya sa dalagang si Ana. Hindi naman niya akalaing magiging ganoon ang reaksyon ng mga tao sa kaniyang ginawa.

Naging inspirasyon si Ana ng maraming tao, lalo na ng mga kabataan. Dahil tuloy roon ay dumami pa ang mga taong may mabuting puso sa tren. Marami na sa kanila ang marunong nang mag-offer ng sariling upuan para sa mga mas nangangailangan. Naging napakagandang ehemplo ni Ana.

Samantala, proud na proud naman sa kaniya ang mga magulang ni Ana. Halos ipagsigawan ng mga itong anak nila siya.

Habang ang mga tao namang nang-insulto sa kaniya sa tren, hanggang ngayon ay nakatatanggap pa rin ng masasakit na salita tulad ng kanilang ginawa. Bilis ng karma!

Advertisement