“Sobrang selan po ng pagbubuntis ng asawa ninyo, Mister Vergara. Napakaliit po ng porsiyentong mabuhay nang parehas ang inyong mag-ina. Kailangan nʼyo na pong mamili kung sino ang bubuhayin sa kanilang dalawa.”
“Wala na po bang ibang paraan, Doc?! Gagastos ho ako, kahit magkano, bastaʼt buhayin lamang po ninyong pareho ang mag-ina ko!”
“Iʼm sorry, Mr. Vergara, but I canʼt do anything about it anymore. You have to choose…”
Halos magwala sa labas ng emergency room si Harold matapos sabihin iyon ng doktor. Gusto niyang kuwestiyonin ang Diyos kung bakit nito hinayaang mangyari ang ganito sa kaniya gayong naging mabuti naman siyang tao. Ibinabahagi niya kung anoʼng mayroon siya, tumutulong siya sa napakaraming tao, ngunit bakit ganito pa ang kaniyang sinasapit?
“Anak, ilipat kaya natin ng ospital si Cecil?” suhestiyon ng kaniyang ina habang nananatiling nakayuko si Harold at sapu-sapo ang kumikirot na niyang ulo sa kaiisip.
Tango lamang ang tanging naisagot niya. Sa pagkakataong ito kasi ay handa na siyang gawin ang lahat upang mailigtas lamang ang kaniyang mag-ina. Handa siyang libutin ang buong Pilipinas para lamang sa kanila.
Dinala ni Harold ang kaniyang buntis na asawa sa isa pang prestihiyosong ospital. Mayroon kasing isang kaibigang nakapagsabi sa kaniya na magagaling daw ang mga doktor doon kayaʼt gusto niya ring subukan.
Samantala, nakarating kay Doctor Jasper Salvador ang balitang dinala ng kilalang negosyanteng si Harold Vergara ang buntis nitong asawa sa ospital kung saan siya nagtatrabaho. Agad niyang ini-request sa management nila na siya na ang humawak sa pasiyenteng ito.
“Why are you so eager to handle this case, Doc? Ano ba ang kuwento sa likod nito?” tanong ng isa sa pinakamataas na opisyales sa naturang ospital kay Doctor Salvador.
“Malaki po ang utang na loob ko kay Mr. Harold Vergara, sir. Kung hindi po galing sa kaniya, siguro, wala ako sa ospital na ito ngayon,” sagot naman niya habang nagbabaliktanaw sa nakaraang hinding-hindi niya malilimutan dahil hanggang ngayon ay nagbibigay pa rin sa kaniya ng pag-asa.
College student noon si Jasper. Nag-aaral pa lamang siya noon ng kursong medisina. Naglalakad siyang pauwi galing sa eskuwela nang mapag-trip-an siya ng hindi kilalang grupo ng mga kapwa niya noon kabataan. Nasaksak siya at muntik nang malagutan ng hininga, kundi nga lamang siya hinintuan noon ng naparaan lang na si Mr. Harold Vergara, sakay ng magara nitong sasakyan.
“Pare, sakay na! Dadalhin kita sa ospital, kaya mo pa bang tumayo?” inalalayan siya noon ng walang arte ni Mr. Harold Vergara, kahit pa d*guan na siya. Ni hindi rin ito nanghinayang na marumihan niya ang upuan ng kotse nito. Ito pa mismo ang nagbayad ng bill niya sa ospital, at simula noon ay hinangaan niya na nang sobra ang lalaki.
Iniligtas ni Harold Vergara ang kaniyang buhay na ngayon ay gustong suklian ni Jasper. Sa pagkakataong ito ay gusto niyang siya naman ang tutulong sa mahal nito sa buhay kayaʼt gagawin niya ang lahat upang iligtas ang mag-ina nito nang sabay.
Nagsimula ang operasyon. C-section ang ginawang pagpapaanak sa asawa ni Harold. Mabilis na nagamot ang ina ng kaniyang anak, at naging stable agad ang kalagayan nito… ngunit ang kaniyang munting anghel ay nananatiling walang buhay.
Patuloy sa pag-revive sa bata si Jasper. Seryoso siya sa kaniyang ginagawa. Pinigilan niyang makaramdam ng sobrang kaba habang sinusubukan niyang buhayin ang bata. Kasabay noon ay walang tigil siyang tumatawag sa pangalan ng Panginoon.
“Diyos ko, tulungan mo po ang munting anghel na ito. Hayaan po ninyo siyang masilayan ang ganda ng mundo,” pakiusap ni Jasper sa pamamagitan ng kaniyang dasal.
Lumipas ang ilang minuto at nananatiling maputla ang kulay ng batang hindi naman humihinga. Wala ring pintig ang puso nito. Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang doktor na si Jasper at nanatili siyang inire-revive ang bata… hanggang sa unti-unti, ay biglang nagkaroon ng pintig sa puso nito.
“Nagbabago na ang kulay niya, doc!” saad ng isa sa kaniyang mga assistant kayaʼt mas lalo pang nagkaroon ng pag-asa si Jasper. Nagpatuloy siya sa ginagawa hanggang…
Pumalahaw sa kuwartong iyon ang iyak ng sanggol na milagrong nabuhay sa kanay ng doktor na nanalig nang maigi sa Diyos na siyang Maykapal. Halos magtatalon sa tuwa ang pamilya ni Harold Vergara.
“Maraming salamat sa ʼyo, Doc! Utang ko sa ʼyo ang buhay ng aking mag-ina,” ang naiiyak na pasasalamat ni Harold sa mahusay na doktor na nakapagpagaling sa kaniyang mag-ina.
“Hindi, sir. Bumabawi lang ako saʼyo, dahil utang ko rin sa ʼyo ang buhay ko.”
Doon lamang naalala ni Harold kung sino ang doktor na ito. Natandaan niyang ito nga ang tinulungan niya noon nang makita niyang nasaksak ito sa daan!
Tunay na napakabuti ng Diyos sa mga tao. Lahat ng mga ginagawa nito ay may magandang rason.