Inday TrendingInday Trending
Bawal Galawin ang Manika sa Tukador!

Bawal Galawin ang Manika sa Tukador!

Malakas ang bagsak ng ulan at basang-basa na naman si Rhea. “Ma, nandito na ako sa may LRT, magpapatila lang ako saglit ng ulan. Ang dami ko kasing dala,” saad ng babae sa telepono.

“Naku naman, bilisan mo. Mahuhuli na ako kay madam nito, dapat kasi talaga kumukuha kayo ng katulong. Hindi ‘yung ako ang ginagawa niyong taga-bantay!” baling ni Aling Fatima, ang nanay ni Rhea.

“Si mama naman, aalis na lang ay magsesermon pa. Kung gusto niyo ay iwanan niyo na yan si Bea, malapit naman na ako. Pasensya na po talaga,” dispensa ng dalaga sa kanyang nanay.

“Ginawa mo pa akong walang puso na lola! Sige na, hihintayin na kita, magpapaliwanag na lang ako kay madam,” sagot ng ale sabay baba ng telepono.

Namamasukan bilang bantay ng bahay si Aling Fatima sa mayamang doktor sa kanilang lugar. Nag-iisa lamang kasi ito sa buhay kaya kapag nasa ospital ito ay pinapatawag ang ale para ito ang tumingin sa kaniyang mansyon.

“O ‘di ba, mabilis lang ako. Nandito na si mommy!” masayang bati ni Rhea nang makarating ito sa kanilang bahay.

“Wow! Bagong laruan! Salamat, mommy,” masiglang yapos ng batang si Bea na tatlong taong gulang na. Nag-iisang anak ni Rhea sa dating nobyo na ngayon ay sumakabilang bahay na.

“Anak ng tokwa ka naman! Bumili ka na naman ng bagong laruan e punong-puno na nga ‘tong bahay natin ng laruan niyang anak mo. Magtatapon na talaga ko bukas, ang kalat!”

“‘To naman si mama, ganyan talaga pag mga bata. Laruan lang ang gusto niyan, kaya huwag niyo nang pag-initan pa ng ulo. Sige na po, umalis na kayo at mahuhuli na kayo kay madam,” saad naman ni Rhea saka binigay ang payong ng kaniyang ina.

“Ingat, mama, mahal ka namin!” dagdag pa nito saka ngumiti at kumaway sila sa kaniyang nanay.

Si Aling Fatima na ang nag-alaga sa kaniyang apo. Mahirap pa sa daga ang mag-ina dati kaya nga doble-dobleng hinanakit na lamang ang naramdaman ng ale ng iwanan ang kaniyang anak para sa ibang babae at tinakbuhan pa nito ang responsibilidad bilang tatay sa bata.

Kahit na naapektuhan ang kanilang pinansyal na pinagkukuhanan ay wala namang makakatumbas sa saya na naramdam ni Aling Fatima nung dumating ang kaniyang apo na si Bea. Kaya lamang ay naging mainitin ang ulo ng ale lalo na ngayong nagtatlong taon na ang bata. Wala na kasing ginawa raw ito kundi ang magkalat at maglaro. Paulit-ulit na ligpitin ang ginagawa ng ale na siya namang lagi niyang nirereklamo.

Umaga na nang makauwi si Aling Fatima sa kanila. Araw ng sabado ngayon at walang pasok ang anak niyang si Rhea.

“Sa wakas, hindi ako ang magbabantay sa makulit na chikiting gubat na ‘yan,” bati ng ale na kakarating lamang.

“Ma, kumain ka na? Nagluluto pa lang ako ng agahan namin ni Bea, sumabay ka na kapag naluto ‘to,” saad naman ni Rhea sa kaniyang nanay sabay mano sa ale.

“Naku naman, alas nuwebe na mag-aagahan pa lang kayo? Nasaan na ang apo ko at bakit hindi pa nagmamano sa’kin?” malakas na tanong ng ale.

“Naku, busy! Naglalaro ng manika,” sagot naman ni Rhea.

“Manikang alin?” baling ng kaniyang ina.

“Yung manika sa tukador, ang tagal na nun e. Bata pa lang ako, pinalaruan ko na sa kaniya at matagal na rin naman niyang hinihiling ‘yun sa’kin,” sagot ni Rhea.

Hindi na sumagot pang muli ang kaniyang ina at mabilis itong tumayo para punatahan si Bea. “HINDI PWEDENG GALAWIN ANG MANIKA SA TUKADOR!” sigaw ni Aling Fatima sa bata sabay hablot sa napakagandang manika.

“Ma, bakit ka naman ganyan sa apo mo? Para simpleng manika lang,” baling ni Rhea na nainis na rin sa ale.

“Ang daming laruan ng batang ‘yan. Bakit niyo gagalawin ang manika sa tukador? Huwag niyong galawin ‘yan. Saka niyo na lang galawin kapag malamig na akong pinaglalamayan niyo!” emosyonal na sagot ng ale.

“Bakit ka ba ganyan sa mga manika na ‘yan? E ‘di ba nung bata ako, sabi mo sa akin ay regalo mo iyan? Pero bakit hindi mo pinapalaro? Hindi pwedeng galawin at hindi pwedeng ilabas sa box. Palagi lang nakadisplay diyan sa divider natin!” pahayag ni Rhea rito.

“Original kasi ‘to, mahal!” sagot kaagad ni Aling Fatima sabay balik ng manika sa kahon.

“Aanhin ko ang original kung hindi ko naman nahahawakan!” galit na rin si Rhea ngunit pinilit niyang huminga ng malalim saka humingi ng tawad sa ale.

“Sorry,” bulong nito.

“Pasensiya ka na, anak, kung hindi ko naipalaro sa’yo ang mga manikang ito. Dahil sa totoo lang, ito lang naman ang maipapamana ko sa’yong gamit kapag nakisama na ako sa lupa. Alam kong hindi ko na ibigay sa’yo ang maayos na buhay kaya nga pinilit ko rati na magbigyan ka ng ganitong manika. Kasi palagi kang umiiyak nun sa akin. Lagi mo sinasabi na pangarap mong magkaroon ng original na manika. ‘Yung mabigat at iba’t-ibang lahi, kaya naman pinag-ipunan kong maiigi. Ang akin lang naman ay ‘yung may maiwan man lang ako sa’yo,” naluluhang paliwanag ni Aling Fatima sa kanya.

Hindi naman makapaniwala si Rhea sa kaniyang narinig dahil buong buhay niyang inakala na nagtitipid at pang-display lamang ang mga manikang binili ng kaniyang ina noon. ‘Yun naman pala ay para sa kaniya ito.

“Ma, ang dami mong ipapamana sa akin kapag nagkataon. Sa’yo ko lahat natutunan kung paano ang maging isang ina, kung paano kalimutang ang sarili para sa mga anak nila. Hindi ko kailangan ng manika na iiwan mo sa akin pagdating ng araw dahil ‘yung araw-araw na nakakasama ko po kayo ay siyang babalik-balikan ko kapag matanda na rin ako. At ‘yun ang ipapasa ko sa mga apo apo mo, hindi ang manika,” lambing ni Rhea sa ale.

Mabilis na nagyakap ang mag-iina saka nag-iyakan. Ngayon, malinaw na kay Rhea ang dahilan kung bakit bawal galawin ang mga manika sa kanilang lagayan. Samantalang naantig naman si Aling Fatima sa narinig niya sa anak kaya naman simula noon ay hindi na niya pinagdamot pa ang mga manika basta’t sinasabihan na lang niyang doble ingat sa lahat ng gamit.

Advertisement