Palaging tinutukso si Ben ng kanyang mga kaklase. Halos araw-araw niya itong naririnig tuwing papasok siya sa eskwelahan.
“Ben bingot, Ben bingot!” sigaw ng mga mapanukso niyang kaklase.
Hindi naman maitatanggi ng binata ang kapansanan niyang iyon. Subalit tao lang siya, nasasaktan din at sumasama ang pakiramdam tuwing tinatawag siyang ganoon.
Noong nabubuhay pa ang kanyang mga magulang ay walang sinuman ang nagtatangka na siya ay tuksuhin dahil hindi papayag ang mga ito na kawawain ng kahit na sino ang kanilang anak. Subalit lahat ng iyon ay nagbago ng pumanaw ang kanyang ama at ina dahil sa isang aksidente. Ngayon ay mag-isa na lamang siya na binubuhay ang sarili. Nag-aaral siya sa gabi at nagtatrabaho sa umaga sa isang restaurant bilang isang service crew.
Isang araw, habang papalabas siya sa inuupahang apartment para pumasok sa trabaho ay may kapitbahay na nang-asar sa kanya.
“Mingot! Saan ka munta?!” natatawang sabi ng isang binatang kapitbahay.
Hindi na lamang iyon pinansin ni Ben at ipinagpatuloy ang paglalakad. Maya-maya ay napahinto siya sa tapat ng isang simabahan. Naisipan niyang pumasok muna roon. Lumuhod siya sa harap ng altar at nagdasal.
“Makit ho nganon? Makit po nganon ang mga tao?” mataimtim na tanong niya sa Diyos.
“Maaari ho nga humuling? Mingyan niyo ho ango ng ngaimingan na hindi ango nunuksuhin, na nananggamin ngung ano ango,” hiling niya.
Habang taimtim na kinakausap ni Ben ang Diyos. Isang dalaga ang lumuhod sa tabi niya at nagdasal. Napadilat naman agad ang binata dahil sa pabango ng babaeng tumabi sa kanya. Marahan niya itong nilingon, at napakunot ang noo ng makita ang isang babaeng nakasuot ng kulay puti na bestida.
“Ngikaw na ba ang ngiling ko?” tanong ni Ben sa dalaga.
Napatigil ang dalaga sa pagdarasal at nilingon ang binata.
“Anong sabi mo?” tanong nito sa kanya.
“Ngikaw ba ang pangala ng Diyos ngara sa akin?” sagot ng binata.
Napangiti ang babae. “Marahil ay ako nga, mukha ba akong anghel sa iyong paningin?” tanong ng dalaga na may maamong tinig.
Halos hindi makapaniwala ang binata sa sagot ng dalaga.
Sa isip ni Ben ay imposible silang maging magkaibigan, kaya naman tumayo na lang siya upang umalis. Subalit bago pa siya makalayo, pinigilan ito ng dalaga na nakahawak na sa kanyang kamay.
Napatigil ang binata at marahang hinarap ang dalaga. Unang napansin ng binata na may luhang lumalabas sa mata ng dalaga kasunod ay ang pagdugo ng ilong nito.
Agad na nataranta si Ben.
“Ngulong! Ngulong!” sigaw ng binata.
Makalipas ang ilang sandali ay may mga taong dumating para tulungan sila. Mabilis na isinugod sa ospital ang dalagang nawalan na rin ng malay. Hindi pansin ni Ben ang mga pangyayari at hindi niya na rin namalayang binabantayan na pala nito ang babaeng nakahiga lang at nagpapahinga.
Napang-alaman niya na wala na ring pamilya ang babaeng ito katulad niya. Tumakas lamang ito sa ampunan upang hanapin ang kalayaan at saya na gusto nitong maramdaman.
Ilang sandali lang ay dumating ang mga babae na mga tagapag-alaga sa dalaga.
“Salamat at binantayan mo siya, hijo,” sabi ng isang babae.
“Nguwalang ano man ho,” sagot ni Ben.
Ilang sandali lang at nagising na ang dalaga. Paalis na sana si Ben ng bigla na naman nitong pinigilan ang binata.
“Bisitahin mo ako sa ampunan,” nakangiting sabi ng dalaga. “Nga pala ako si Gabriela. Ikaw ano ang pangalan mo?” tanong nito.
“Ango si Men (Ben),” sagot niya rito.
Simula noong araw na iyon ay nagbago ang pananaw ni Ben. Nagbago ang buhay niya sa tulong ni Gabriela. Sa tuwing bumibisita ng binata sa ampunan ay balot ng saya ang kanyang nararamdaman. Naging makabuluhan ang buhay nilang dalawa sa sandaling panahon na sila’y magkasama. Halos nalimutan na rin ni Ben ang mga taong umaapi sa kanya dahil sa sayang hatid ng dalaga sa kanya.
Natupad ang hiling niya na magkaroon ng kaibigan na hindi siya tutuksuhin at tatanggapin siya kung sino siya. Sa sandaling panahon ay natutunan din nilang mahalin ang isa’t isa na higit pa sa magkaibigan, subalit panandalian lamang pala ang lahat ng iyon. Ang hindi alam ni Ben ay may malubhang sakit si Gabriela at may taning na ang buhay nito. Kaya pala ito pumunta noon sa simbahan upang hilingin sa Diyos na dugtungan pa ang buhay nito at magkaroon ng kaibigan na makakasama sa mga nalalabi nitong sandali.
“Ipangako mo sa akin na hinding-hindi ka na malulungkot. Hindi mo na ikakahiya ang kapansanan mo dahil para sa akin , ikaw ang pinakamagandang ibinigay ng Diyos sa buhay ko. Mahal na mahal kita bingot ko,” wika ni Gabriela sa binata.
Ang mga salitang iyon ang huling salita na binitawan ng dalaga bago ito nalagutan ng hininga. Hindi malilimutan ni Ben ang pangyayaring iyon. Kung paano nawalan ng buhay ang babeng pinakamamahal niya sa mismong dibdib niya.
Nang mawala si Gabriela ay tinupad ni Ben ang hiling ng dalaga. Muli siyang nagsimula ng panibagong buhay dala ang mga salita ng babaeng ipinahiram sa kanya ng Diyos para turuan siya na tanggapin ang kanyang pagkatao.
Habang naglalakad papasok sa eswelahan ay nakasalubong na naman niya ang isa niyang kapitbahay na mahilig manukso sa kanya.
“Mingot saan ka munta?!” asar sa kanya nito habang tumatawa pa ng malakas.
Imbes na masaktan at mainis ay ngiti ang isinukli ni Ben sa binatang nanukso sa kanya at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Ngayon ay taas-noo na siya na haharapin ang buhay. Wala na siyang pakialam sa mga taong nanunukso sa kanya dahil alam niya na kahit may kakulangan sa kaya ay may mga taong tumanggap at nagmahal sa kanya ng buong-buo gaya ng kanyang yumaong mga magulang at ang pinakamamahal niyang si Gabriela.