Inday TrendingInday Trending
Bakit Hawak Mo ang Dibdib Niya?!

Bakit Hawak Mo ang Dibdib Niya?!

Masayang bitbit ni Ara ang lunch na iniluto niya para sa mister. Sosorpresahin niya ito ngayong araw, pupunta siya sa ospital na pinagtatrabahuan nito. Isa kasing doktor ang lalaki. Isang taon pa lamang silang kasal pero tatlong taon na silang naging magkasintahan.

“Si Doc Gio?” masayang wika niya sa nurse na siyang nasa information desk.

“Ay nasa office niya po Ma’am,” nakangiting sagot naman nito, kilala na siya.

Katunayan, alam niya na naman ang opisina ng lalaki. Naniguro lang siya kasi baka lumabas o ‘di kaya naman ay nag-oopera. Siyempre ‘di niya magawang i-text ito… baka makahalata. Surprise nga ‘di ba?

‘Di naman akalain ni Ara na siya pala ang masu-surprise dahil pagbukas niya ng pinto ay naroon ang isang babae sa harap ng mister niya. Nakabuyangyang ang dibdib nito na kasalukuyang dakma ng kanang kamay ni Gio.

Diyos ko, ang hindi niya matanggap ay kilala niya ang babae. Walang iba… kundi ang bestfriend niyang si Belen.

Nabitiwan ni Ara ang bitbit na pagkain. Napatayo naman ang lalaki.

“Oops,” sabi ni Belen tapos ay ibinalik na ang butones ng damit. Nilagpasan nito si Ara pero bumulong muna, “Sorry bestfriend. Wala na raw kasing thrill sa’yo.”

Nangangatog ang babae at kung hindi siguro dahil sa pader sa kanyang likuran ay baka natumba na siya.

“A-Ara…” sabi ni Gio.

Tahimik na nagmartsa palabas ang misis, naiwan naman ang mister na halos masabunutan ang sarili.

Pinahid ni Ara ang luhang tumulo sa kanyang mga mata nang maalala iyon. Isang taon na rin pala ang nakalipas, pero sariwang-sariwa pa rin ang sugat.

Muli niyang sinulyapan ang mister na ngayon ay tulog na sa sofa.

Oo. Hindi niya pinalayas si Gio at hindi niya rin ito nilayasan. Pero sa isang kundisyon, hindi na sila magtatabi. Sa salas ito matutulog, sa kwarto naman siya.

Sa totoo lang ay di niya alam kung ano ang iniisip niya. Sabik na sabik ang puso niya sa lalaki pero ang utak niya ay taliwas ang sinasabi. Ayaw niyang maghiwalay sila, pero ayaw niya rin naman itong bigyan ng pagkakataon. Tuwing susubukan niya kasi ay naaalala niya lang ang eksena nito kasama ang bestfriend niya. Ex-bestfriend pala.

Okay na siguro ang ganito, okay na siyang palihim na tinatanaw ito.

Walang kasing lamig ang bahay nila dahil magkasama nga sila, ‘di naman nag-uusap. ‘Di naman sumuko si Gio. Patuloy itong lumalapit at nanunuyo. Bagamat inirerespeto pa rin ang desisyon ng misis na ‘wag itong kausapin sa ngayon.

“Ara…” ‘di na nakatiis na sabi ng lalaki isang umaga.

Tahimik na naghahain ng almusal ang babae, sumulyap lang ito at naghintay sa sasabihin ng mister.

“Alam kong ayaw mo pa ring pag-usapan hanggang ngayon. Pero gusto ko lang malaman mo na kahit kailan ay hindi nagkaroon ng iba rito sa puso ko.”

Napangiti nang mapakla ang babae, “Talaga ba?”

“Oo. Kahit na tamaan pa ako ng kidlat ngayon-“

“Ang problema kasi Gio, huling-huli ka na nanggag*go ka pa. Ano… walang iba sa puso mo, pero sa ari mo mayroon? Ganoon ba?!” maging siya ay nagulat sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig.

Napatungo ang lalaki, nais tumanggi pero alam na hindi naman maniniwala ang misis.

“Alam mo umalis ka na lang muna. Male-late ka na.”

Tumalikod na si Ara at umakyat. Pinipigil ang luha. Alam ng Diyos kung gaano niya ka-gustong makipag-ayos sa lalaki. Pero traydor ang mga alaala. Paulit-ulit na tumitimo sa utak niya ang pagtataksil nito.

Nang marinig niyang tumunog ang kotse nito palayo ay napaupo siya sa kama. Kasunod noon ay nag-ring ang telepono.

“Hello Ara? This is Tita Minda.”

Natulala siya nang marinig ang boses na iyon. Matagal na panahon na rin pero ‘di niya pwedeng makalimutan. Ito ang ina ng babaeng itinuring niyang matalik na kaibigan noon pero taksil pala.

“B- bakit ho?”

“Ara, pumunta ka rito sa ospital.”

Ayon sa ginang, may sakit daw si Belen. Siya raw ang nais na makita bago ito mawalan ng hininga. Kinapa niya ang puso, masakit pa rin. Kakayanin niya ba na harapin ang babae? Tatanggi sana siya kaya lang ay naawa naman siya sa ginang na halos magmakaawa na. Kaya heto siya, naglalakad sa hallway ng ospital.

Inihanda niya ang damdamin bago dahan-dahang binuksan ang seradura ng pinto. Medyo nabigla siya, ‘di niya akalain ang daratnang lagay ni Belen.

May tela ito sa ulo tanda na naglalagas na ang buhok ng babae, nangingitim ang paligid ng mata nito at sobrang laki rin ng ibinagsak ng timbang.

Ngumiti ito nang makita siya. Lahat ng galit sa puso ni Ara ay nawala, napalitan ng lungkot at awa.

“A- Ara…” hirap na salita nito.

“Bakit?” iyon ang tanging nasabi niya. ‘Bakit’ na maraming kahulugan, bakit siya tinatawag nito ngayon… Bakit siya nito sinaktan, sa dinami-rami ng lalaki-bakit si Gio pa, bakit kinalimutan nito ang pagiging magkaibigan nila at tinabla siya?

“Sorry. Patawarin mo ako. Walang k-kasalanan si Gio. Ang totoo niyan.. alam ko nang may sakit ako noon. Nagalit ako sa Diyos, nagalit ako sa lahat. Sakto na si Gio ang nagcheck up sa akin. Inisip ko, ano ang meron sayo na wala sa akin? Bakit parang mahal ka ng Panginoon at ako hindi?

Ang bait ng asawa mo, gwapo, doktor pa! Ang ganda ng buhay ninyo… sooner or later baka magkaanak kayo at pag nagtagal ay magkaapo. Tatandang magkasama. Samantalang ako, ito. May taning na. Miserable. Kaya naging makasarili ako, kaya sinadya kong akitin si Gio para sirain rin kayong dalawa. Naisip ko, hindi pwedeng ako lang ang malungkot!

Pero alam mo.. bestfriend, mahal na mahal ka niya. Buong galang na tinanggihan niya ako. Iyong nakita mo.. pinilit ko lang siya noon. Hinablot ko ang kamay niya. Inasar lang kita nang mahuli mo kami kasi napahiya ako sa aking plano..” umiiyak na sabi nito.

Hindi naman makapagsalita si Ara. Hinawakan ni Belen ang kanyang kamay, “Sana mapatawad mo ako..”

Umiiyak na tumango-tango siya. Niyakap niya rin ito at nangako siyang dadalawin niya itong muli. Pagkalabas niya sa ospital ay nagdasal siya.

Diyos ko po, isang taon niyang tiniis ang mister. Isang taon siyang nagbingi-bingihan sa mga paliwanag nito. Ang tanga-tanga niya! Buti nga, hindi pa siya iniiwan nito.

Dumiretso siya sa ospital na pinagtatrabahuan ni Gio. Di na siya makapaghintay na umuwi ito para makausap niya.

“Si… Si Gio?” tanong niya sa nurse.

Nagliwanag ang mukha ng babae nang makita siya matapos ang matagal na panahon, “Ma’am, long time no see po. Nasa office po niya si Doc. Katatapos lang mag-opera.”

“S-Sige.” Bago siya makalakad palayo ay muli siyang tinawag ng nurse kaya lumingon siya.

“M-Ma’am… malungkot po siya,” banggit nito sa kanya.

Hinaplos naman ang puso ni Ara, lalo siyang nakunsensya.

Kumatok muna siya sa opisina bago iyon dahan-dahang binuksan.

“Mamaya ko na ibibigay ang report Mary, pagod na pagod ako-” natigilan ang lalaki nang makita siya.

Ibinaba nito ang kamay na kasalukuyang humihimas sa dalawang sentido nito.

Nilabanan naman ni Ara ang kaba at walang imik na lumapit rito. Umupo siya sa mismong mesa nito, nagulat si Gio pero hindi rin nagsalita.

“Kaya sumasakit ang ulo mo kasi nagpapalipas ka yata ng gutom,” sabi ng babae, siya na mismo ang naghilot sa sentido ng mister.

Napapitlag pa siya sa kuryenteng naramdaman nang dumampi ang palad niya sa balat nito. Matagal na panahon rin niyang idinistansya ang sarili.

Napansin niyang nangayayat ang kanyang kawawang mister. Malungkot ang mga mata nito kani-kanina lang pero ngayon ay pinipigil na ang mangiti. Iniisip nito kung nananaginip lang ba o hindi.

Tuloy lang sa paghilot si Ara. Maya-maya pa ay inilabas niya ang pagkaing binili at kumuha ng kutsara.

“Nganga,” utos niya sa lalaki. Sumunod naman ito kaya sinubuan niya ng pagkain hanggang matapos. Tuwang-tuwa ito, halatang sabik sa pag-aalaga niya.

Makalipas ang ilang sandali ay nagtititigan na lamang sila. Hindi na nakatiis si Ara, sinibasib niya na ito ng halik na puno ng pagmamahal.

“Diyos ko kung nananaginip ako sana wag na akong magising.” bulong ni Gio.

“I am so sorry…” lumuluhang sabi ng misis.

“H-Hindi ka na galit?” nakangiting sabi ng mister.

“Hindi naman talaga ako dapat na nagalit una pa lang. I am so sorry kung naging makitid ako, kung tiniis kita. Kung di ako nagtiwala sa pag ibig mo. Mahal na mahal kita at hindi na mauulit-“

“Sssh. Forgiven,” wika nito bago muli siyang hinalikan.

Buti na lamang ay may isa pang doktor na available kaya pwedeng mag-halfday si Gio sa shift nito. Umuwi na silang dalawa at pinagsaluhan ang init ng kanilang pagmamahalan. Mas matamis dahil ngayon ay pinagtibay na ang kanilang samahan.

Alam ni Ara na marami pang pagsubok ang darating, pero buo ang loob niyang malalagpasan nila iyon basta may tiwala sila sa isa’t isa.

Advertisement