Inday TrendingInday Trending
Maskara

Maskara

Nagising nang maaga si Andrea kahit na Linggo. Paanong hindi? Napakaingay ng buong baranggay nila. Parang naglalaban-laban ang iba’t-ibang musika. Pati ang mga tao ganoon din. Oras na naman kasi ng pangangampanya.

Pagsilip niya sa bintana ay nakita niya ang mga nangangampanya. Kabi-kabila ang pag-iingay nang magkabilang kampo.

“Andrea! Tumayo ka na diyan at mag-ayos ka!” narinig niya ang malakas na boses ni Aling Vida, ang kanyang ina.

Sumimangot siya nang lumabas ng kwarto at nakita itong nakasuot ng kulay pulang t-shirt at pulang sombrero. Ang naka-imprenta ay ang mga katagang “Iboto! Elena Dominguez para Kapitan!”

“Pupunta pa ba dito sila Tita Elena, ‘ma?” tanong niya.

Ang tumatakbong si Elena Dominguez ay ang kanyang mabait na tita. Kapatid ito ng kanyang nanay kaya naman suportadong-suportado ito ng kanyang ina.

“Oo pati na rin si Francis. Mangangampanya raw,” mapait nitong banggit sa huli.

Ang “Francis” na tinutukoy ng kanyang ina ay kalaban ng kanyang tita sa eleksyon, sa pagtakbo bilang kapitan. Hindi ito gusto ng kanyang ina hindi lang dahil dun, kundi dahil kilala ito bilang matapang at masungit na tao.

Halos hindi ito ngumingiti sa kahit na kanino. Palaisipan sa kanila kung bakit marami pa rin ang sumusuporta dito kaysa sa tita niyang mistulang anghel sa bait.

“Maligo ka na at baka maabutan ka pa ng mga tao na ganyan yung ayos mo!” muwestra nito sa kanya. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Tama ang kanyang ina dahil napakagulo pa ng kanyang buhok.

“Oh ito, suotin mo.”

Hinagis nito sa kanya ang isang pulang damit. Ngumiwi siya at agad na umiling nang makita ang damit na kagaya ng suot nito

“Ayoko!”

Pinanlakihan siya nito ng mata. “Suotin mo ‘yan at suportahan mo ang tiyahin mo!”

Nagdabog siya nang muling pumasok sa kwarto. Sa kanilang bahay, ang nanay niya ang mistulang reyna. Lahat ng utos nito ay dapat na masunod kahit na anong pagtutol niya.

Nakasimangot siya ng lumabas ng kwarto, tapos na siya mag-ayos ng sarili at suot niya na rin ang baduy na t-shirt.

Lumawak ang ngisi ng ina. Maya-maya pa ay dumaan na ang isang partido ng kandidato, ang partido ng kanyang tita.

Nakapula ang lahat ng ito. Pilit siyang ngumiti nang pumasok ang lahat sa kanilang tahanan, pinapangunahan ng kanyang tita.

Isa-isang nagpakilala ang mga kandidato, sinasabi ang kanilang mga plataporma. Hindi nakikinig si Andrea dahil naagaw ang atensyon niya.

Pinanood niya ang kanyang tita pasimpleng nagbibigay ng pera sa dalawang katulong sa kanilang bahay. “Iboto nyo ako ha?” sabi pa nito.

Kumunot ang kanyang noo.

Hindi ba vote-buying iyon? Ayaw niyang mag-isip ng masama laban sa pinakamamahal niyang tita kaya nang umalis ang pangkat nito ay kaagad niyang nilapitan ang dalawang katulong para usisain. Tama ang kanyang nakita, sa loob ng mga papel kung saan nakasulat ang partido ay nakaipit ang isanlibong piso.

“Para san ‘yan?” tanong niya kay Idang.

Umiling ito. “Bigay. Iboto daw namin siya, e,” nagkibit balikat pa si Idang.

Pinuntahan niya ang kanyang ina at sinabi rito ang nakita.

Hindi ito naniwala. “Ano ka ba, Andrea? Bakit hindi tayo binigyan kung ganon nga?”

Umiling siya. “Siyempre, hindi talaga tayo bibigyan noon. Alam niyang iboboto natin siya. Pero bakit kailangan pa ng ganon, ‘ma? Masama yun.”

Kahit naman mahal niya ang kanyang tita ay hindi niya ata makakayang suportahan ang pandaraya.

“Eh, ano naman kung ganoon nga? Sino ba ang gusto mong manalo? Yung mala-bato na Francis na ‘yun?”

Napanganga siya sa ina. Kung ganoon nga ay talagang kukunsintihin nito ang kanyang tita para lang hindi manalo ang kalaban?

“Ma naman! Mali ‘yun!” angal niya pa.

Sinaway siya nito para matigil sa kanyang mga sinasabi. Iritable siyang lumabas ng bahay. Maraming tao sa kalsada. Naglakad siya patungo sa isang eskinita at natigil ng makita ang dalawang lalaki na nag-uusap. Nanlaki ang mata niya kasabay ng pagtatago sa likod ng isang puno.

Si Francis yung isang lalaki!

“Mukhang matatalo tayo, Kap. Balita ko malakas ang bigayan sa kabila. Ayaw mo ba talagang magbigay sa mga tao?”

Umiling naman ang kausap. “Yan ang hindi natin gagawin, ‘Toy. Alam mo naman na tutol ako sa mga dayaan. Hayaan mo na kung manalo o matalo, ang importante malinis ako at walang ginagawang masama.”

Tumango si Andrea, kung ganon pareho sila ng paniniwala. Masyado lang malungkot dahil ang kalaban niya sa paniniwala ay ang sariliing pamilya.

“Pero alam mo naman Kap ang tunay na intensyon ng kalaban mong ‘yun. Kapag nanalo yun mas lalong lalaki ang pasugalan sa atin. Pano ‘yun, Kap? ‘Di kasi alam ng mga tao na mukha lang mabait yung Elena pero sa totoo lang hindi. Ang galing kasi magpanggap.”

Nagulat siya sa sinabi nito.

Nababalita kasi na maraming pasugalan sa baranggay nila. Hindi niya akalain na ang kanyang tita ang may pakana ng lahat.

“Bukas na ang eleksyon, Toy. Hayaan mo na ang mga tao na magdesisyon,” seryoso nitong saad. Natigil sila sa pag-uusap nang may matandang lalaki na lumapit rito.

Si Manong Estong. Isa ito sa mga pinaka walang-wala talaga sa baranggay nila. Mag-isa na kasi ito sa buhay at matanda na kaya hindi na kayang magtrabaho. Ang alam niya ay binibigyan-bigyan na lang din ito ng mga tao pambili ng makakain.

“Kap, baka pwede naman manghingi ng bigas. Wala na akong pambili e.”

Walang pag-aatubili itong kumuha ng pera sa kanyang bulsa para dito at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti.

Lunes. Ang araw ng eleksyon.

Dalawa ang tumatakbong kapitan, si Elena Dominguez at si Francisco Guevarra.

Alam na niya ngayon kung sino ang tunay sa hindi. Ang may maskara sa wala. Mulat na ang mata ni Andrea, sa kabila ng pulang damit na pinilit ng kanyang ina na isuot niya.

Kapag namulat ka na sa katotohanan, kasalanan na ang pumikit. Naalala niya ang sabi ng kanyang guro noon.

Hindi siya nagdalawang isip na itiman ang bilog sa balota – Francisco Guevarra.

Makakalipas ang ilang araw, nakangiting pinanood ni Andrea ang pagpo-proklama kay Francisco Guevarra bilang kapitan ng kanilang baranggay.

Pumapanig ang langit sa tama. Sigurado siya doon.

Masaya siya dahil alam niyang nasa mabuting kamay ang kanyang mga kabaranggay.

Advertisement