“Ano, Onyok? Sasama ka ba mamaya sa lakad?”
Tinignan niya ang kaibigang si Jun na panay ang hithit ng sigarilyo. Gusto na sana niyang tumanggi dahil pagod siya at gusto niyang magpahinga pero ang wallet niyang walang laman ay tila sinasampal sa kanya ang reyalidad na kailangan niyang magbanat ng buto.
“Siyempre naman!” kaswal niyang sagot na para bang hindi siya nagdadalawang-isip.
Ngumisi ito sa kanyang sagot at ibinuga ang usok bago tumayo. “Sige, dun na muna ako. Alas-siyete ha? Sa dating tagpuan.” Tinapik pa nito ang kanyang balikat bago umalis.
Mabigat ang buntong-hininga ni Onyok.
Umuwi si Onyok sa bahay dahil gusto niyang itulog ang natitirang dalawang oras. Habang hinihila ng antok ay iniisip ni Onyok kung hanggang kailan siya magiging ganito – walang pamilya, ni walang marangal na trabaho.
Saktong alas-siyete at nasa ilalim na siya ng tulay kasama ang mga katrabaho. Lahat sila ay may suot na bonnet para itakip sa kanilang mukha.
“Kami na ni Onyok ang magkasama.” Inakbayan siya ni Jun.
Wala namang problema iyon sa kanilang mga kasama.
“O sige, basta ito ang tandaan nyo ha? Pera lang ang kukunin pero sikapin niyong walang masasaktan. Panakot lang yang mga kutsilyo pero walang mananakit, mahirap yun kapag nagkataon. At saka kung sakaling magkahulihan, walang mag-iiwanan o kung mahuli man, walang kakanta,” mabilis na paalala ni Jun.
Alam na niya ang lahat ng iyon. Sa ilang buwan niyang pagsama kay Jun ay natutunan na niya ang trabaho niya. Malinis siyang kumilos.
Sa madilim na parte ng footbridge pumuwesto ang dalawa.
Matiyagang nag-aantay ng bibiktimahin. Nang makita ang isang lalaki na nag-iisa ay inihanda niya na ang sarili. Inilabas at pinaglaruan ni Jun ang kutsilyo.
Dinikitan ni Onyok ang lalaki na halata ang takot nang maramdaman nito ang kutsilyong bahagyang nakalapat sa kanyang tagiliran.
“Holdap ‘to,” pagdedeklara niya.
“Wala po… wala akong pera,” pagtanggi nito sa hirap na boses.
Mas lalo niyang idiniin ang kutsilyo. Alam niyang takot na takot na ito. Bahagya siyang nakunsensiya at akmang sesenyasan na si Jun na maghanap na lamang ng iba ngunit tila wala itong naririnig.
Napamura siya nang makita ang mamula-mula nitong mata sa likod ng takip sa mukha. Mukhang nakatira ang kaibigan ng ipinagbabawal na gamot.
“Jun…” tawag niya dito.
“Ibigay mo na lang kasi, manong.” Magkahalo ang desperasyon at galit sa boses nito.
“Wala talaga! Wala akong pera,” tanggi ng matanda bagama’t nasa boses ang takot.
“Jun!” medyo malakas na na tawag niya ulit.
“Ayaw mo ha! Sige, ang mabuti pa butasin na lang natin tong tiyan ko.” Patuloy nitong pananakot. Hindi naririnig ang pagtawag niya rito.
“Maawa ka sa ak—” naputol ang sasabihin nito nang ibaon ng kaibigan ang kutsilyo sa tiyan nito.
Nanlaki ang mata ni Onyok.
Unti unting nakita ang patak ng dugo sa semento.
Sinapo ng biktima ang nagdurugong kalamnan at bumagsak sa sahig.
Natuliro si Onyok. Hindi niya alam ang gagawin. Ito ang unang beses na humantong sa ganito.
“Jun!” sigaw niya sa kaibigan. Nanlaki ang mata nito at tila ngayon lang nagkaroon ng malay sa nangyayari.
“Anong… anong ginawa ko?” gulo nitong tanong.
Nabitawan nito ang kutsilyong may mga dugo na. Alam niyang hindi iyon sinasadya ng kaibigan ngunit wala ito sarili. Ang espiritu ng dr*gang ginamit ay masyadong malakas.
Dinaluhan niya ang duguang lalaki.
“Takbo na, Jun. Umalis ka na dito.” Hindi niya kayang mapahamak ang kaibigan. May pamilya ito, hindi gaya niya. Kung siya ang makukulong ay ayos lang. Walang maghahanap sa kanya.
Nakita niya ang pagdadalawang isip nito na iwan siya.
“Sige na, Jun. Ako na ang bahala.”
Kaya naman tumakbo ang kaibigan palayo sa kanila at naiwan siya kasama ang wala nang malay na matanda. Hinubad niya ang takip sa mukha bago sumigaw.
“Tulong! Tulong!”
Ilang segundo lamang ang lumipas at may mga lumapit na para tulungan sila. Hindi niya na matandaan ang buong pangyayari, basta ang alam niya ay may dumating na ambulansiya para sa lalaki.
“Kaanong-ano niya po kayo?” tanong ng isang batang nars.
“A-anak,” pagsisinungaling niya. Alangan naman sabihin niyang holdaper?
May mga dumating din na pulis para tanungin siya. Ang bawat sagot niya ay pawang kasinungalingan dahil hindi niya ipapahamak ang kaibigan kahit na ano ang mangyari.
Walang CCTV sa lugar, sigurado siya doon.
“Heto nga pala ang wallet ng biktima,” sabi ng pulis at ibinigay ito na nakalagay pa sa supot.
Pat*y malisya niya iyong tinanggap. Ang sabi ng doktor ay tatahiin pa ang sugat ng lalaki na hindi naman gaanon kalalim.
Binuksan niya ang pitaka at tinignan ang laman. Totoo ang sinabi nito kanina, wala talagang laman ang pitaka maliban sa isang litratong luma na.
Natigilan siya sa nakita. Ang litrato na iyon ay pamilyar.
Paanong hindi? Kung ang nasa larawan ay siya noong sanggol pa lang at ang kanyang ina.
Naalala niya ang kwento ng madre na nagpalaki sa kanya sa ampunan.
Ang kanyang ama daw ay nagtatrabaho sa Saudi nang mangyari ang sunog. Ikanamat*y ng kanyang ina ang sunog, habang dinala siya sa ampunan ng mga otoridad. Inasahan ng mga ito na kukunin siya ng ama ngunit hindi kailanman dumating ang kanyang ama upang kunin siya.
Mukhang totoo nga ang sinabi niya sa nars. Mukhang nahanap niya na ang tatay niya na matagal niyang hinanap kahit na hindi niya ito nakilala agad agad.
Mukhang pareho tayong biktima ng tadhana, ‘tay. Naisip niya habang tinatanaw ang kwarto kung saan ito ginagamot.
Dahil hindi malalim ang sugat na tinamo ng kanyang ama, mabilis naging stable ang lagay nito. Hinawakan niya ang kamay ng ama habang malamlam ang matang pinagmamasdan ang humpak nitong pisngi.
Maya-maya ay napayukyok siya sa kama at nakaidlip nang hindi niya namamalayan.
Nagising na lamang si Onyok nang maramdaman ang mabining haplos sa kanyang buhok.
Napabalikwas si Onyok.
“Anak…” bungad ng ama na may luha ang mga mata.
“’Tay…” wala na siyang nasabi dahil tila may nakabara sa kanyang lalamunan.
Nalaman niya mula sa ama na naloko pala ito ng ahensiya na nagproseso ng pag-alis nito papuntang Saudi. Nagpalaboy-laboy ito sa Saudi ng matagal na panahon hanggang sa mapa-deport ito pabalik sa Pilipinas. Gimbal na gimbal ang ama sa sinapit ng kanyang ina. Pinuntahan siya nito sa ampunan at nang makita ng ama na maayos ang kanyang buhay doon ay hinayaan siya nito. Mas maaalagaan daw siya doon.
Pareho silang tahimik na lumuluha habang tumatangis sa naging kapalaran ng kanilang pamilya. Mabuti’t nagkita sila ng ama, kahit na hindi sa magandang paraan.
Sa wakas, mukhang binigyan sila ng malupit na tadhana ng mumunting konsolasyon.