Inday TrendingInday Trending
Ang Parola ng San Diego

Ang Parola ng San Diego

Ang parola na iyon yata ang pinakamatanda ngunit pinakamagandang bagay na makikita sa baranggay ng San Diego. Hindi niya alam kung ano ang sukat nito ngunit buong buhay niya ay kakaiba at misteryoso ang tingin niya sa parola.

Maraming tsismis na kumakalat tungkol dito kasama na ang pagkakaroon raw ng multo sa loob nito. Ang sabi kasi ng mga manlalayag na napapadaan sa kanilang baranggay ay may nakikita silang babaeng nakaputi tuwing hatinggabi at dahil maliit lang naman ang baranggay, sikat na sikat ang tsismis na ito.

Sa katunayan, binansagan pa itong, “Ang Misteryosong Parola ng San Diego”. Naging panakot ng mga nanay ang white lady sa parola. Ngunit kahit na ganito ay hindi naniwala si Tina kahit na minsan.

Misteryoso ang parola para kay Tina. Ito ang ilaw na tumutulong sa mga manlalayag sa malawak na dagat.

Pero iba ang paniniwala ng kanyang mga kaibigan na sina Lenlen at Cynthia.

“Basta, sinabi ni Mang Kanor kanina. Kagabi daw, nakita na naman yung multo!” ani Lenlen.

Umani iyon ng mga reaksyon sa mga kaibigan.

“Hay nako, Len. Alam mo naman na malabo yung mata ni Mang Kanor. Sinasabi ko sa inyo, walang multo! Walang white lady! Hindi totoo ‘yon!” giit niya.

Pero dahil nga iba ang paniniwala ng mga ito at ang isinaksak ng mga magulang sa mga murang isip ay hindi magpapatalo ang mga ito.

Umirap na lang siya.

“Eh kung hindi multo yung babaeng ‘yon, ano siya kung ganoon? Malinaw naman. Babae, nakaputi tapos hatinggabi pa?”

“Nakakatakot naman!” sabi ni Cynthia.

Hindi niya pa alam ang bagay na iyon. Kailangan niyang kumbinsihin ang mga kaibigan na tama ang kanyang pinaniniwalaan. Pero pano ‘yun? Kung mismong siya hindi pa alam kung ano nga yung nakikita nila.

“Ewan ko. Baka kurtina?”

Ngumiwi ito sa sinabi niya na parang nababaliw na siya.

“Gusto mo bang maniwala kami sa iyo? Kung ganoon dapat pumunta ka mamayang gabi sa parola tapos kausapin mo yung multo ha?” nakangisi nitong suhestiyon.

Tiningnan ni Tina ang parola na tanaw mula sa kanilang kinauupuan.

Walang multo sa maganda at misteryosong parola ng San Diego, sigurado siya doon. Kaya bakit hindi siya papayag sa sinasabi ni Lenlen?

“Sige. Basta kapag nagawa ko, maniniwala ka na sa akin na walang multo?” siya naman ang ngumiti.

Nawala ang ngiti ni Lenlen. Hindi inaasahan na seseryosohin niya ang alok nito.

“Eto naman. Biro lang ‘yun, ‘te!” bawi nito kaagad.

Ngumiti lang siya sa kaibigan at tumango. Alam naman niya iyon kaya nga lang ay nagkaroon siya ng ideya dahil sa biro nito. Determinado na siya sa gagawin kaya naman matapos maghapunan ay nagpaalam na siya para matulog.

Alam niyang hindi siya papayagan ng kanyang mga magulang. Hindi na lang siya magpapaalam. Sigurado naman kasi siyang walang mangyayaring masama sa kanya. Walang magtatangkang manakit sa kanya sa San Diego, mabubuting tao ang naninirahan dito at kilala niya ang lahat.

Nagpanggap siyang tulog. Binabantayan niya ang oras.

Tulog na ang lahat nang sumapit ang 11:30 ng gabi. Dahan-dahan ang kanyang kilos para walang magising na kahit na sino. Suot ang isang malaking jacket ay walang ingay siyang lumabas. Napangiti siya nang magtagumpay.

Malamig ang simoy ng hangin. Nilakad niya ang daan patungo sa tanyag na parola ng San Diego.

Nakabukas ang ilaw nito.

Tumingin siya sa taas at nanlaki ang mata ng may makitang isang babae na nakaputing damit!

“Sandali!” sigaw nya ng aktong aalis nai ito sa kanyang pwesto. Tumakbo siya para pumasok at dumaan sa likod ng parola para hindi makita ng mga nagbabantay.

“Nasaan ka?” tanong niya kahit na hindi niya nakikita ang babae.

Lininga niya ang paligid at hinanap ito. Ito na nga kaya ang white lady na sinasabi ng mga tao? Imbes na matakot ay mas lalo siyang naging determinado na hanapin ito.

Hanggang sa makita nya ang isang matandang babae na nakatalikod. Mahaba ang puti nitong buhok, at nakasuot ng puting bestida. Nakatanaw ito sa malawak na karagatan, malapit sa ilaw.

Malungkot ang mata ng matanda habang may hawak na tila isang litrato.

Kung ganoon, tama ang hinala niya.

Walang multo. Hindi ito totoo dahil ang inaakala nilang multo ay ang matandang ito. Ngunit ang tanong, ano ang ginagawa nito rito? At alanganing oras pa talaga? Nananakot ba ito? Hindi niya masisisi ang mga tao kung ganoon.

“Lola.”

Tinignan siya ng matanda at unti-unti ay ngumiti.

“May hinihintay ka rin ba, apo? Ngayon ba dadaong ang kanyang barko?”

Kumunot ang noo niya. Hindi naiintindihan ang sinasabi nito.

“Hindi po. Pero bakit po kayo nandito? Delikado po dito lalo na kapag gabi.”

Ligtas ang San Diego, walang mananakit sa matanda pero posible pa rin ang aksidente. Isipin pa lang niya na umaakyat ito sa napakataas na parola ay sumasakit na ang kanyang ulo.

“Sa’n po ba kayo nakatira? Ihahatid ko na po kayo,” sabi niya rito.

“Hinihihintay ko lang ang kabiyak ko,” anito at ipinakita pa ang litratong hawak.

“Kung ganoon po ay sa baba na lang tayo maghintay. Mas maganda dun kasi makikita natin agad,” pamimilit niya sa matanda.

Mukhang nakumbinsi niya ito dahil tinignan siya nito bago tumango. Salamat naman. Nilibot niya muna ang tingin sa misteryosong parola. Kahit na alam niya na ngayon ang katotohanan sa likod ng kwento ay mananatili pa rin itong misteryoso para sa kanya.

Ngumiti siya at ginabayan ang matanda pababa.

“‘Nay!” sigaw ang isang babae at lumapit sa kanila. May kasama itong lalaki. Agad na nahinuha ni Tina na ang mga ito ay anak ng matanda.

“Sa’n na naman kayo nagpunta?” halos maiiyak na ang tono nito habang nagtatanong.

“Aba, ikaw pala, anak. Sinamahan ako nitong batang ito. Ano nga pala ang pangalan mo, hija?” baling nito sa kanya.

“Christina po.”

“Sinamahan ako ni Christina na hintayin ang Tatay Ruben mo. Dumating na ba ang tatay niyo?” tanong nito sa dalawang taong nag-aalala sa kanya.

Umiyak ang babae at niyakap ang kanyang nanay.

“Uwi na ho tayo,” wika pa nito na habang nagpupunas ng luha.

Sumabay siya sa paglalakad palabas. Nauuna ang mag ina habang sinasabayan naman siya ni Lorenzo, ang lalaking anak ng matanda. Nagkukuwento rin ito tungkol sa nanay niya habang naglalakad.

“Pasensiya ka na ha, si Nanay Guada kasi ay may sakit na. Nakakalimutan niya na ang maraming bagay. Isa lang ang ‘di niya makalimutan, yung ang pagsundo kay Tatay Ruben kahit alanganing oras ng gabi. Sa parola siya kadalasang nag-aabang sa pagdaong ng barko.” Narinig niya ang lungkot sa boses nito.

Iyon siguro ang hawak nitong litrato.

“Kung ganoon, nasaan na po si Tatay Ruben?”

Umiling ang lalaki. “Wala na. Lumubog kasi ang barkong sinasakyan niya. Isang araw, hindi na nakadaong. Maraming nasawi kasama na si tatay. Ilang taon na rin ang lumipas. Nang nagkasaki si nanay, nakalimutan pati ang pangalan niya pero ang pagsundo kay tatay, hindi.”

Malungkot ang kanyang ngiti nang magpaalam ang mag-iina sa kanya.

Tama nga siya, walang multo sa parola.

Pero hindi ba’t multo rin ang mga ala-ala? Tanong niya sa sarili habang malungkot na tinatanaw ang papalayong bulto ng mag-iina.

Advertisement