“Pare, balak ko sana mag-Japan, eh. Hirap na hirap na kasi ako rito sa ‘Pinas. Kapag sumusweldo ako, parang dumadaan lang sa mga kamay ko. Gusto mo bang sumama? Sakto, sawa ka na sa trabaho mo, ‘di ba? Halika na!” pang-uusisa ni Luke sa kaniyang kaibigan nang minsan nilang mapagpasiyahang magkita.
“Eh, baka naman kapag sumama ako, mapauwi lang ako kaagad. Hindi naman ako tapos sa pag-aaral, ‘di ba?” pangangamba naman ni Biboy saka nilaklak ang beer na nasa harapan niya.
“Naku, hindi naman problema ‘yon. Pupunta nga tayo doon para mag-aral muna ng isang buwan ng lengguwahe ng mga Hapon, tapos kapag nakapasa tayo, sila na ang magpapasok sa atin sa mga kumpanya,” paliwanag pa ng kaniyang kaibigan, makikita sa mukha nito ang kagustuhang maisama ang kaibigan sa kaniyang pag-alis.
“Mag-aaral? Diyos ko, alam mong kakapiranggot lang ang utak ko! Tapos pag-aaralin mo pa ako ng ibang lengguwahe?” biro ng binata saka malakas na tumawa.
“Masipag ka naman, eh. Kaya mo ‘yon! Ano, kukuha na ako ng passport bukas, sama ka, ha? Ako na bahala sa pamasahe at pagkain mo,” pangungumbinsi ni Luke, napabuntong hininga na lamang ang binata, naisip niyang mukhang impossible ngunit kailangan niya ng trabaho.
“Oo na, sige na. Napasubo ata ako,” kamot-ulong tugon niya saka muling uminom ng beer, natawa naman ang kaniyang kaibigan dahil dito.
Hindi nagawang matapos ni Biboy ang kaniyang pag-aaral sa hayskul. Maaga kasing namaalam ang kaniyang mga magulang at bilang panganay, siya ang napilitang tumayo bilang magulang sa kaniyang dalawang nakababatang kapatid. Paminsan nakakatanggap sila ng tulong mula sa mga kaanak ngunit madalas, kung hindi siya kakayod, wala silang kakainin.
Sa kabutihang palad naman, nakuha bilang isang waiter ang binata sa isang fast food chain dahilan upang matugunan niya ang kanilang pangangailangan at pambaon ng kaniyang mga kapatid sa paaralan. Sa loob ng limang taong pagtatrabaho niya rito, wala man lang siyang naipon para sa kaniyang sarili. Kaya naman, kahit imposible sa kaniyang paningin ang makuha sa trabaho sa ibang bansa, sumubok siya para sa kaniyang mga kapatid.
Sumama nga siya sa pagkuha ng passport sa kaniyang kaibigan kinabukasan. Bukod pa doon, nagpasa na rin sila ng kanilang resume sa kaibigan ni Luke na mula rin sa prosesong subukan nila na isa na ngayong tiga-ayos ng mga aplikante sa Japan.
Hindi kalaunan, tuluyan nang nakaalis ang magkaibigan. Ibinilin muna ng binata ang kaniyang mga kapatid sa kaniyang pinakamalapit na tiyahin. Nangako siya ritong magpapadala.
Ngunit wala pang dalawang linggong pag-aaral, tila gusto nang umuwi ng binata.
“Luke, hindi ko na kaya ito. Hindi ko maintindihan! Hindi ko maintindihan!” reklamo ni Biboy saka tinapon ang kaniyang libro.
“Biboy, pilitin mong intindihin. Gusto mong matulungan mga kapatid mo, diba? Kung dapat magsunog ng kilay, magsunog ka,” payo naman ni Luke saka bumalik sa pag-aaral.
“Oo nga, pero hindi mo ba naisip, sa loob ng tatlong buwan, wala silang kakainin sa ‘Pinas dahil wala pa akong trabaho. Kawawa naman yung mga kapatid ko!” pag-aalala pa ng binata, tila puno siya ng pangamba.
“Huwag mong isipin ang kinabukasan. Isipin mo, yung ngayon. Nag-aaral ka para sa kanila, at kapag napasa mo ito, aba bayad lahat ng paghihirap mo dito at patitiis ng mga kapatid mo sa Pinas. Hahanap ako paraan, tutulungan kita. Mag-aral ka na d’yan, iniistorbo mo pa ako,” paliwanag ng kaniyang kaibigan na tila nakapagpaisip sa kaniya, wala naman siyang magaws kundi pulutin ang libro at muling mag-aral.
Hirap man sa pagkakabisado at pagsasalita ng lengguwahe ng mga Hapon, pinilit ni Biboy na magsunog ng kilay para sa kaniyang mga kapatid. Ang ina muna ng kaniyang kaibigan ang siyang nagbibigay ng baon at pagkain dito, na kapag nagkatrabaho na siya, kaniya na niyang babayaran. Dumating na nga ang araw kung saan kukuha na sila ng exam.
Kinakabahan man, sinagutan ito ng binata na puno ng dedikasyon at pag-asang makaahon sa buhay. Sa kabutihang palad naman, nakapasa silang dalawa. Labis ang sayang nag-uumapaw sa puso ng dalawang binata.
Hindi nagtagal, naibigay na sila sa mga kompanyang naghahanap ng mga trabahador. Napunta sila sa isang construction company. Mabait ang kanilang amo at nang malaman ang kwento niya, agad siya nitong binigyan ng pera upang maipadala sa kaniyang mga kapatid.
Labis siyang nagpasalamat dito, halos yakapin niya ito sa tuwa. Ilang buwan lang ang nakalipas, tuluyan nang nakabayad sa utang sa ina ng kaibigan si Biboy. Maganda kasi ang pasahod dito sa mga construction worker. Unti-unti na rin siyang nag-iipon para sa kaniyang sarili at syempre para sa pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Ayaw niyang magaya ito sa kaniyang hindi nakapagtapos kahit man lang hayskul.
Taos puso siyang nagpasalamat sa kaniyang kaibigang pumilit, naniwala at tumulong sa kaniyang laban. Masaya naman itong unti-unti na silang nagtatagumpay na dalawa.
Walang imposible basta para sa pamilya at pangarap. Maging matapang ka lang sa pagsubok, tiyak magtatagumpay ka sa hinaharap.