Inday TrendingInday Trending
Dalagang Kulang sa Pansin

Dalagang Kulang sa Pansin

“Anak, pasensya ka na hindi kami makaka-attend ni daddy sa graduation mo. May biglaang business trip kami eh. Panigurado, marami ang makukuha naming kliyente kapag sumama kami roon. Papasamahan na lang kita kay Yaya Mila, ha?” ‘ika ni Romina sa kaniyang nag-iisang anak na makakapagtapos na sa kolehiyo bukas. Kasalukuyan itong nag-aayos ng kaniyang mga gagamitin bukas

“Ayos lang po,” malungkot na tugon ni Kath habang namimili ng sapatos na babagay sa kaniyang bestida.

“Alam kong hindi ayos, halata sa mukha mo, eh. Babawi kami pag-uwi, ha? Saan mo gusto pumunta? Mag-Hongkong Disneyland kaya tayo? Gusto mo?” alok nito, pilit niyang pinapagaan ang loob ng dalaga.

“Kahit saan po, basta kasama ko kayo ni daddy,” sagot ni Kath saka pilit na ngumiti.

“O sige, magpapa-book na ako ng ticket. Huwag ka nang malungkot, para sa’yo lahat ‘to,” sambit pa ng kaniyang ina saka siya niyakap ng mahigpit, umalis na ito pagkatapos noon. Halatang nagmamadaling pumasok sa kaniyang opisina. Naghihintay na rin kasi ang kaniyang daddy sa labas ng kanilang bahay.

Nag-iisang anak ng mag-asawang may-ari ng isang sikat na kompanya ng mga selpon si Kath. Kung titingnan, talaga nga namang nakapasuwerte niya dahil lahat ng kaniyang gusto o hilig, kaniyang nakukuha. Hindi naiiwang walang lamang perang papel ang kaniyang wallet at bukod pa rito, sa sikat at ekslusibong paaralan siya nag-aaral. Kaya naman, halos lahat ng nakakakilala sa kaniya, labis siyang kinaiinggitan.

Lingid sa kaalaman nila ang lihim na pagkauhaw ng dalaga sa atensyon ng kaniyang mga magulang. Magaling rin kasi magtago ang dalaga. Ibang-iba siya kapag kasama na ang kaniyang mga kaibigan na pawang mga iskolar ng nasabing paaralan. Hindi niya pinapakita sa mga ito ang malambot niyang puso.

Malungkot na nagpunta sa kaniyang graduation ceremony ang dalaga. Ngunit nang makita na ang kaniyang mga kaibigan, tila bigla siyang sumaya. Agad na binata at pinuri ng mga ito ang ganda ng kaniyang bestida.

“Naku, mahal nga ang bili ng mommy ko dito, eh. Bagay ba sa akin?” sambit niya habang nakangiti saka umikot upang ipakita ang kaniyang bestida.

“Oo! Bagay na bagay! Saglit, nasaan ang mommy mo? Hindi ba siya pupunta?” pang-uusisa ng isa niyang kaibigan, napatungo lamang siya dahilan upang ibahin ng isa niyang kaibigan ang usapan at hilahin na siya sa loob ng kanilang graduation venue.

Nagsimula na nga ang seremonya ng kanilang pagtatapos. Isa-isa nang tinawag ang mga nagsipagtapos ngunit tila pumukaw ng pansin niya ang isang matandang kinukuhanan ng bidyo ang apo niya habang umaakyat sa entablado gamit ang lumang selpon na de keypad

“Tingnan niyo, o! Sobra sigurong linaw ng bidyong nakukuha ni lolo,” sambit niya dahilan upang magtawanan ang kaniyang mga kaklase. Sakto namang malapit lang sila sa entablado at sa matanda dahilan upang marinig siya nito.

“Ayos lang kung malabo ang kuha ko, ang mahalaga, nasaksikhan ko ang pagtatapos niya. Ikaw ba, nasaan ang mga magulang mo? Sana masaya silang masaksihan ang pagtatapos mo katulad ng nararamdaman ko ngayon para sa apo ko. ‘Yon naman ang importante, eh. Hindi ang mga materyal na bagay katulad niyang mamahalin mong selpon,” nakangiting sambit nito saka inabangang makababa ng entablado ang apo niyang humakot ng medalya.

Labis na napatigil at napaisip ang dalaga sa mga narinig mula sa matanda. Pilit niyang pinipigilan ang kaniyang mga luha upang huwag mapahiya. Sakto namang sila na ang tinatawag dahilan upang isantabi niya muna ang nararamdaman.

Pagkatapos na pagkatapos ng seremonya, agad niyang hinanap ang matanda upang humingi ng tawad. Napagtanto niyang mali ang kaniyang ginawa. Ngunit hindi niya ito natagpuan, maggagabi na rin at pilit na siyang pinapauwi ng kanilang kasambahay.

Kinabukasan, bumungad sa kaniya ang sandamakmak na bulaklak mula sa kaniyang mga magulang. May karatula pang “Congratulations!” Laking gulat naman ng kaniyang mga magulang na tila malungkot pa rin ang dalaga kaya naman agad nila itong tinanong. Doon na ikinumpisal ng dalaga ang kaniyang ginawa sa matanda. Labis namang nakonsensya ang mag-asawa lalo pa noong sinabi ng dalaga ang sinabi ng matanda tungkol sa kanila.

“Tulungan niyo po akong mahanap sila. Kilala ko po ‘yung apo niya. Gusto ko pong makahingi ng tawad at bigyan sila ng tulong. Kahit po huwag na tayo mag-Hong Kong, ayos lang sa akin, ” iyak ng dalaga, sumang-ayon naman ang kaniyang mga magulang sa kaniyang kagustuhan.

Natagpuan nga nila ang nasabing matanda. Labis itong nagpasalamat sa binigay na mga grocery ng dalaga at isang magandang selpon mula sa kanilang kumpanya. Kinuwento ng dalaga na labis siyang nagising sa mga sinabi nito dahil sakto na wala doon ang kaniyang mga magulang.

“Naku, kayo ang magulang, kayo dapat ang unang nasasabik sa tagumpay ng anak niyo. ‘Yang pera, lilipas rin ‘yan, pero ang mga magagandang memorya, pang habang buhay ‘yang mananatili sa puso’t isip niyo,” sambit nito, labis namang naantig ang puso ng mag-asawa, lalo na ng dalaga.

Simula noong pagkakataong iyon, tila natuto na ang mag-asawa at ang dalaga. Mas inuuna na ng mag-asawa ang kanilang anak, habang tinrato na ng dalaga ng maayos lahat ng makasalamuha niyang tao.

Patuloy rin nilang tinulungan ang matanda. Sa katunayan, binigyan nila ito ng trabaho sa kanilang kumpanya bilang kanilang tagapagmaneho.

Tunay ngang pamilya ang mas mahalaga kaysa sa mga materyal na bagay. Aanhin mo nga naman ang mamahaling bagay kung wala naman palagi ang iyong pamilya.

Advertisement