“Hoy, Ronald! Aba naman! Tanghali na pero tulog ka pa rin?! Nakapalaot na ako’t lahat-lahat nakahilata ka pa rin! Wala ka talagang silbi bata ka! Puro ka inom, tambay, ni maghugas ng pinggan hindi mo magawa! Bumangon ka d’yan!” bulyaw ni Mang Alfonso sa kaniyang pangawalang anak na labis ang katamaran sa buhay, kakauwi niya lang nito galing laot at palengke upang ibenta ang mga huling isda.
“Nakakainis naman, eh! Nakikita mo nang nagpapahinga ‘yong tao, eh!” pasigaw na sagot ni Ronald saka padabog na nagtakip ng unan sa tenga.
“Nagagalit ka? Hoy, wala kang karapatang magalit, dahil wala kang ambag sa pamilyang ‘to! Lakad kung ayaw mong masermunan, lumayas ka na rito. Tutal, wala ka namang ginagawa dito kundi kumain!” sermon pa ng haligi ng tahanan, bakas sa boses nito ang galit.
“Talagang lalayas ako! Nakakasawa na kayo pakisamahan! Puro dakdak, puro sermon! Nakakatorete!” tugon ng binata, tila mas malakas pa ang kaniyang boses kumpara sa kaniyang ama dahilan upang hagisan siya nito ng kaldero, dalidali naman siyang lumabas ng bahay.
Mag-isang binubuhay ni Mang Alfonso ang kaniyang tatlong anak simula noong sumakabilang buhay ang kaniyang may bahay dahil sa sakit na leukemia. Matagumpay niyang napagtapos sa kolehiyo ang kaniyang dalawang lalaking anak at patuloy na pinag-aaral ang kaniyang bunsong anak na babae.
Ngunit tila minalas ang kanilang pamilya dahil noong nakapagtapos ang kaniyang pangawalang anak na si Ronald, biglang bumagsak ang kaniyang bigasang negosyo. Nasira siya sa tao dahilan upang malugi siya. Kaya naman, upang matustusan pa rin ang kaniyang mga anak, bumalik siya sa pamamalaot. May trabaho na rin ang kaniyang panganay dahilan upang kahit papaano, hindi siya labis na mahirapan sa pagtatrabaho.
Malaking tulong sana kung pati ang kaniyang pangalawang anak ay matatrabaho na, ngunit paano ito makakapagtrabaho kung tamad maghanap ng trabaho at palaging laman ng inuman at tambayan na labis niyang ikinagagalit ngayon.
Nang araw na iyon, lumayas nga ang kaniyang pangalawang anak. Buong akala niya’y pagdating ng gabi’y uuwi na ito, ngunit lumipas na ang isang linggo, hindi pa rin ito umuuwi.
“‘Tay, wala pa rin si Ronald, hindi ba natin siya hahanapin? Baka napaano na ‘yon,” pag-aalala ng kaniyang panganay na anak na si Roshid.
“Naku, Roshid. Huwag kang mag-alala, kayang mabuhay noon kahit wala tayo basta kasama niya ang tropa niya. Ayos na sa aking nandito ka, ikaw lang naman nakakatulong sa akin, eh,” patawa-tawang sagot nito.
“‘Yon nga po yung sasabihin ko sana, ‘tay. Balak ko na po kasi sanang bumukod, buntis na rin po kasi yung nobya ko,” pangungumpisal ng kaniyang anak.
“Anak ng teteng! Seryoso ka ba? Sabi naman sa’yo, patapusin mo muna si bunso. Pagkatapos noon, malaya ka nang gawin lahat,” sabi ng ama. Labis niyang ikinagulat ang balita.
“Pasensya na ‘tay, nasa tamang edad na rin naman po ako. Bukas po, aalis na po ako. Pihikan po kasi kung magbuntis ang nobya ko,” tugon nito, hindi niya magawang tumingin sa kaniyang ama bunsod ng kahihiyan.
Walang magawa si Mang Alfonso sa kagustuhan ng anak, labis man niya itong dinamdam, naisip niya, isa na lang naman ang kaniyang pag-aaralin, sigurado, makakaya niya ito mag-isa. Ngunit halos isang taon lamang ang nakalipas, nasira ng malakas na alon at hangin ang kaniyang bangka dahilan upang hindi siya makapangisda.
Hindi na alam ng padre de pamilya ang kaniyang dapat gawin. Sakto pa namang maraming proyekto ang kaniyang bunso noong mga araw na ‘yon at kailangang-kailangan niya ng pera dahilan upang suyurin niya ang buong siyudad upang maghanap ng trabaho. Sa sobrang pag-aalala’t pagod niya sa paghahanap ng trabaho, bigla na lamang siyang bumagsak sa tapat ng kanilang bahay.
Nagising na lamang siyang marami ng aparatong nakalagay sa kaniyang katawan. Agad siyang bumalikwas at pinagtatatanggal ang mga ito.
“Tanggalin niyo sa akin ‘to! Mahal ‘to! Hindi ko kayang bayaran ‘to!” sigaw niya.
“‘Tay, kumalma ka. Hindi ikaw ang magbabayad niyan, okay? Kailangan mo ‘yan, ‘tay. Malubha ang sakit mo ngayon,” pagpapakalma ng kaniyang bunso.
“Sinong magbabayad, ha? Ikaw? Ang Kuya Roshid mo? Eh, magkakapamilya na ‘yon!” sambit nito saka pilit pa ring tinatanggal ang mga aparato sa kaniyang katawan.
“Si kuya…” ‘ika pa nito, sakto namang pasok ng kaniyang pangalawang anak sa kaniyang silid na labis niyang ikinagulat
“Pa- paanong?” hindi siya lubos makapaniwala, nakangiti lamang ito sa kaniya saka siya niyakap
Doon ikinuwento ni Ronald ang kaniyang mga pinagdaan nang minsang umalis sa puder ng kaniyang ama.
“Sobrang hirap pala, tatay, na makitira sa ibang bahay. Doon ko napagtantong ang suwerte ko sa puder mo. Dahil nga wala akong pera, minsan hindi ako nakakakain noon, pagod pa ako dahil kailangan ko linisin yung bahay ng kaibigan ko araw-araw. Kaya naisipan ko maghanap ng trabaho, tutal nakatapos naman ako ng kolehiyo. Kaya ito na ako ngayon, isa ng ganap na inhinyero. Salamat, Tatay Alfonso,” nakangiting kwento nito, magkahalong awa at saya naman ang naramdaman ng ama dahil sa wakas, natuto na sa buhay ang kaniyang anak. Buong puso itong humingi ng kapatawaran sa kaniyang mga inasal noon.
Simula noon, hindi na muling nagkatampuhan ang mag-ama bagkus, nagtulungan silang iangat ang kanilang pamilya.
Habang nagpapahinga at nagpapagaling si Mang Alfonso, ang binata muna ang siyang nagtutustos sa lahat ng pangangailangan ng kanilang bunso na hindi naman kalaunan, matagumpay ring nakapagtapos ng pag-aaral.
Nag-uumapaw ang saya sa puso ng kanilang padre de pamilya lalo pa noong dalawin siya ng kaniyang panganay kasama ang asawa’t anak nito.
“Diyos ko, totoo ba ‘to? May apo na ako?” ‘ika niya habang karga karga ang sanggol, nagtawanan naman ang kaniyang mga anak saka siya sabay-sabay na niyakap.
Wala talagang katumbas ang sayang mararamdaman mo kapag kumpleto at maayos ang relasyon ng iyong pamilya. Hamakin man kayo ng tadhana, makakaahon rin kayo sa pagkakadapa, basta’t magkakasama.