Inday TrendingInday Trending
Ipinagkukumparang Magkapatid

Ipinagkukumparang Magkapatid

Nangingiming lumapit si Tristan sa kaniyang daddy. Sa likod niya ay nakatago ang mga pagsusulit para sa unang markahan. Lumabas na ang resulta. Mabuti na lamang at naunahan siya ng kaniyang Ate Trisha. Ang kaniyang Ate Trisha na laging napupuri dahil matalino. Achiever.

“Wow! Perfect ang English, Math and Science! Ang galing talaga ng anak ko,” puri ng kanilang daddy kay Trisha. Grade 10 ito sa Junior High School. Consistent na laging with high honors sa tuwing katapusan ng baitang. Humahakot lagi ng mga medalya at panlaban sa school journalism sa labas ng paaralan.

“How about you Tristan? May I see your test papers?” tanong ng kanilang daddy sa kaniya. Napatingin naman si Trisha sa bunsong kapatid. Nakangiti ito.

Bantulot na iniabot ni Tristan ang mga pagsusulit sa kanilang daddy. Kumunot ang noo nito.

“Good grades naman. Hindi perfect pero at least mataas. You can do better next time, Tristan. Gayahin mo ang ate mo. You can be better,” sabi ng kaniyang daddy.

Iyon na naman ang litanya ng kaniyang daddy. Naihambing na naman siya sa kaniyang ateng magaling. Kailan kaya siya itatangi ng kanilang daddy bilang si Tristan at hindi kailangang ikumpara kay Trisha?

Wala na ang kanilang mommy. Namayapa ito sa sakit sa puso kaya ang nag-alaga sa kanila ay kanilang Lola Carmela. Dito niya ihinihinga ang kaniyang sama ng loob sa daddy.

“Bakit lagi na lang akong kinukumpara kay ate, lola? Hindi ba ako matalino?” minsan ay naitanong ni Tristan sa kaniyang Lola Carmen.

Niyakap siya nito at hinaplos-haplos ang kaniyang ulo.

“Apo, lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ng iyong daddy. Huwag kang mag-isip ng kung ano pa man. Dapat itatak mo sa isip at puso mo na proud sa iyo ang iyong daddy kahit na anong mangyari,” paunawa sa kaniya ni Lola Carmen.

Kaya naman pinagsumikapan ni Tristan na makuha ang atensyon ng kaniyang daddy. Magaling siya sa swimming kaya naman sumali siya sa varsity team para naman maging proud sa kaniya ang ama. Subalit sa malas, lahat ng tournament nila sa labas ng paaralan ay hindi nito napapanood dahil abala ito sa trabaho bilang Vice President sa isang kompanya.

Sa nalalapit na eksamin, pinaghandaang mabuti ni Tristan ang kaniyang pagrereview. Titiyakin niyang magiging perpekto na ang kaniyang mga marka sa pagsusulit Gusto niyang matuwa sa kaniya ang kaniyang daddy. Gusto niyang marinig mula sa mga bibig nito na ipinagmamalaki siya nito at hindi na ikukumpara pa sa kaniyang ate.

Isang plano ang naisip ni Tristan. Gagawa siya ng kodigo. Ilalagay niya ito sa panyo. Hindi mahahalata ng guro na may itinatago siyang mga sagot sa panyo. Hindi naman ito mahigpit. Kailangan niyang makakuha ng mataas na marka. Subalit naisip din niya, kapag nahuli siya, tiyak na matatanggal siya sa varsity. Ipapatawag ang kaniyang daddy at mapapahiya ito. Baka lalong hindi ito maging proud sa kaniya. Minsan lang naman niya gagawin, naisip ni Tristan.

Sa araw ng pagsusulit, nakahanda na ang kodigo ni Tristan. Nakasulat na ang ilang mga sagot sa panyo. Tamang-tama ang mga naisulat niyang sagot dahil iyon ang tinanong sa eksamin. Subalit nakonsensya si Tristan. Tiyak na hindi matutuwa ang mommy niya sa langit sa kaniyang gagawin. Itinago niya ang panyo at hindi ginamit ang ginawang kodigo. Dahil siya naman ay nagreview, sinagutan niya ang mga tanong sa eksamin batay sa kaniyang mga nalalaman.

Natapos ni Tristan ang pagsagot. Kinakabahan siya dahil pakiramdam niya ay mababa lamang ang markang makukuha niya. Laking tuwa niya nang ibigay sa kaniya ng guro ang resulta ng eksamin. Halos lahat ay perpektong marka ang kaniyang nakuha!

Sabik na ipinakita ni Tristan ang resulta ng kaniyang pagsusulit sa kanilang daddy. Natuwa naman ito sa kaniya.

“Ang galing naman ng anak ko! That’s my boy. Para ka na rin si ate mo,” litanya ng kaniyang daddy.

Natuwa si Tristan sa pagpuri ng kanilang daddy subalit medyo nakaramdam siya ng pagkalungkot dahil nabanggit na naman ang kaniyang ate.

“Dad, pwede po bang huwag ninyo akong ikumpara kay ate?” hindi na napigilan ni Tristan ang sarili. Nagitla naman ito. Niyakap siya.

“Anak, sorry kung pakiramdam mo ikinukumpara kita sa ate mo. Pero heto ang tatandaan mo, mahal ka ni daddy. Mahal ko kayong dalawa ng ate mo. I just did that para mamotivate ka to become better. You can be more Tristan,” sabi ng kanilang daddy.

Lumapit naman si Trisha sa kanila. “Proud nga ako sa iyo kasi mahusay kang swimmer. Ako, hindi ako marunong lumangoy,” nakangiting sabi ni Trisha.

Niyakap ni Tristan ang kaniyang ate at daddy. Ipinangako niya sa sarili na paghuhusayan pa ang pag-aaral para sa kaniyang pamilya at para sa kaniyang sarili.

Advertisement