Inday TrendingInday Trending
Isang Araw sa Piling ng Asawa Ko

Isang Araw sa Piling ng Asawa Ko

Usap-usapan sa alta sociedad ang idaraos na auction ng mag-asawang Penelope at Tristan sa huling araw ng buwan na iyon sabay sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

Si Penelope ay kilalang alahera at nagdidisenyo ng mga hiyas kaya naman kilalang-kilala siya ng mga elitista.

Si Tristan naman ay dating basketball player na “ultimate crush ng bayan.”

Isa sa mga nakatanggap ng imbitasyon ay ang dating kasintahan ni Tristan na si Alora. Hindi niya maunawaan kung bakit kasama siya sa mga imbitado samantalang hindi naman sila in good terms ni Penelope. Hindi sila magkagalit subalit hindi rin naman magkaibigan.

“Pupunta ba ako rito?” pagkonsulta ni Alora sa kaibigang si Fatima. “Ikaw? Nasa sa iyo iyan. Kung gusto mo naman at walang malisya para sa iyo wala akong nakikitang masama,” payo sa kaniya ni Fatima.

Agad na nagpatahi si Alora ng kaniyang gown para sa nalalapit na okasyon. Inihanda rin niya ang kaniyang pera para sa auction. Kung anuman ang layunin ni Penelope kung bakit siya inimbita sa naturang auction ay hindi siya nakatitiyak subalit handa naman siya sa kahit na anong mangyayari.

Nagningning ang gabi dahil sa nagkikislapang mga evening gown ng mga dumalo sa anibersaryo nina Tristan at Penelope. Kailangang may kumikislap na bato sa bawat gown.

Pagkapasok pa lamang ni Alora ay sinalubong na kaagad siya ni Penelope. Nagbeso-beso sila.

“I’m glad that you came,” sabi ni Penelope. “Of course. No issues at all,” tugon naman ni Alora.

“Enjoy the party!” makahulugang sabi ni Penelope.

Sa sulok ng mga mata ni Alora ay nakita niyang nakatingin sa kaniya ang dating kasintahan na si Tristan. Hindi niya ito pinansin. Nagtungo na siya sa nakatalagang mesa para sa kaniya.

Nagsimula na nga ang programa. Nakaabang na ang lahat sa item na ipapa-auction ni Penelope. Iniisip nilang isa sa mga diyamante nito o isa sa mga dinibuhong kuwintas na yari sa ginto. Subalit nagulat sila dahil si Tristan pala ang ipapa-auction nito.

“Yes, my friends. Hindi kayo nagkakamali ng dinig. Alam ko namang marami sa inyo ang gustong makasama ang asawa ko kahit isang araw or gabi lang. Napag-usapan na namin ito and we will just do it for fun. Your bid will automatically proceed to our chosen charity. Don’t worry, boys. Next time ay ako naman ang ipapa-auction. Katuwaan lang,” nakangiting sabi ni Penelope.

Nagpalakpakan naman ang mga lalaki kahit na naroon ang kani-kanilang mga asawa. Pinandilatan naman sila ng mga ito.

Ang highest bidder ay magkakaroon ng pagkakataong maka-date si Tristan sa loob ng 24 oras. Hindi mangingialam si Penelope. Ipauubaya niya ang kaniyang asawa.

“20,000 pesos.” Tumayo ang isang ginang na matagal nang biyuda sa kaniyang asawa. Si Mrs. Lim. Matagal na nitong gusto si Tristan.

“35,000 pesos.” Sumunod naman ang isang transgender woman na matagal nang takam na takam kay Tristan. Kilala itong may-ari ng isang flower shop.

“50,000 pesos,” hirit ulit si Mrs. Lim. Mukhang gustung-gusto niyang makuha ang oras ni Tristan.

“75,000 pesos,” muling bid ng transgender.

Nagpapalakpakan na ang mga tao.

“250,000 pesos.” Napatingin ang lahat sa babaeng nagsalita. Walang iba kung ‘di si Alora. Nanahimik ang lahat. Karamihan sa mga panauhin ay may alam na naging kasintahan ni Alora si Tristan.

“May gusto pa bang mag-bid higher than 250,000 pesos?” tanong ni Penelope sa mga panauhin.

Subalit tila wala nang gustong talunin pa ang 250,000 pesos na bid ni Alora. Siya ang itinanghal na panalo.

“Enjoy my husband,” sabi ni Penelope. Sa harap mismo ni Alora ay siniil nito ng halik ang asawa.

Kinabukasan ang pagsisimula ng date nina Alora at Tristan. Nagtungo sila sa isang restaurant na madalas nilang kainan noon.

“Kailangan ko pa palang bayaran ng 250,000 pesos ang oras mo para lang makausap kita. Ito ba ang halaga ng closure natin, Tristan?” tanong ni Alora sa dating kasintahan.

“Anong ginagawa mo sa party? Intensyon mo ba talagang makuha ako?” tanong ni Tristan. “Hindi. Pero ayoko namang mapunta ka sa kanila. Alam kong ayaw mo rin,” biro ni Alora.

Nagkatawanan sila. Unti-unting nawala ang tensyon sa pagitan nilang dalawa.

“Patawarin mo ako sa naging kasalanan ko noon, Tristan. Inuna ko ang career ko kaysa sa iyo. Nung handa na akong makipagbalikan sa iyo ay tsaka ko lang nabalitaang kasal ka na kay Penelope. I’m so sorry,” paghingi ng tawad ni Alora.

“Tapos na iyon, Alora. Marami rin naman akong natutunan. Kung natuloy tayong magpakasal noon at wala pa akong achievements sa buhay ay baka naghiwalay rin tayo noon. May kaniya-kaniya na tayong buhay ngayon. I’m happy for you,” nakangiting sabi ni Tristan.

Matapos ang 24 oras na kuwentuhan at pagbabalik-tanaw ay bumalik na si Tristan sa kaniyang asawang si Penelope.

Bago umalis ng auction ay tinanong ni Alora si Penelope. “Bakit mo ako inimbitahan for that auction?”

Sumagot si Penelope. “I planned everything, Alora. Alam kong hindi mo pababayaan si Tristan. Gusto niyang magkaroon kayo ng closure. Ito ang naisip kong paraan para mapagbigyan ang asawa ko. Ayoko kasing magselos kaya ito ang naisip kong paraan. Game for a cause.”

Nagsama nang maluwat sina Penelope at Tristan habang si Alora naman ay muling nagpokus sa kaniyang trabaho. Hindi naglaon ay nakakilala siya ng isang dayuhan na naging kasintahan niya’t pinakasalan. Nagkaroon sila ng dalawang anak at nanirahan ng mapayapa sa Finland.

Advertisement