“Bakit ba ganiyan ang itsura mo, Shanti?” takang tanong noon ni Melba sa kaibigang si Shanti isang Sabadong nung nagkita sila sa paborito nilang coffee shop tulad na lamang ng nakasanayan nilang gawin tuwing weekends. “Para kang pinagbagsakan ng langit at lupa, ah,” dagdag pa niya habang inilalapag sa napili nilang table ang inorder nilang kape.
“Natanggal ako sa trabaho, Melba,” sagot naman ng kaibigang si Shanti bago ito bumuntong-hininga.
Nakaramdam ng awa si Melba para sa kaibigan. Agad siyang nagpakita ng simpatya para kay Shanti. “Ano ba ang nangyari?’ tanong niya pa upang ipakitang handa siyang makinig sa anumang hinanakit ng kaibigan.
“Nagkaroon kasi kami ng alitan ng boss ko dahil hino-hold nila ang sahod ko. Pinagseselosan niya kasi ako dahil palagi na lamang daw ako ang kasama ng asawa niya. Aba, malamang talagang ganoon ang mangyayari dahil sekretarya ako ng asawa niya! Alangan namang lumayo ako nang lumayo roon?” naiinis pang paliwanag ni Shanti na halatang maiiyak na dahil sa pagka-crack ng boses nito.
“Ano ba namang klaseng babae ‘yan? Napaka-overacting naman yata,” Naipaikot ni Melba ang kaniyang mga mata sa kawalan dahil sa inis sa boss ng kaibigan.
“Kaya nga, eh, ‘di ba?” Sa ikalawang pagkakataon ay napabuntong-hininga na naman si Shanti.
“Gusto mo bang i-report natin ‘yan sa DOLE? Masyado siya, ha. Nakakairita!” alok ni Melba.
“Huwag na, Melba. Maghahanap na lang ako ng ibang trabaho. Hassle pa sa akin kung ido-DOLE ko pa ito gayong three months pa lang naman ako sa trabaho,” tanggi naman ni Shanti sa sinabi ng kaibigan.
“Ay naku, huwag ka nang lumayo pa. Doon ka na sa pinagtatrabahuan ko mag-apply tutal ay hiring nga pala kami. Huwag ka nang malungkot diyan at inumin mo na ‘yang kape mo. Lalamig na ‘yan, o!” saad ni Melba.
Tila nabuhayan ng loob si Shanti nang marinig iyon mula sa matalik na kaibigan. Talagang kahit kailan ay maaasahan niya ito sa anumang pagkakataon.
High school pa lamang ay magkakilala na ang dalawang babae. Hanggang sa magtapos sila ng college ay nanatiling matatag ang samahan nila bilang magkaibigan. Partners in crime sila. Sisters, best friend. Minsan ay nagkakaroon sila ng tampuhan ngunit hindi nila nagagawang tikisin ang isa’t isa. Kung tutuusin nga ay higit pa sa magkapatid ang kanilang turingan. Higit pa sila sa magkadugo. Para silang iisang tao lamang na kapag nasaktan ang isa ay masasaktan din ang isa. Kapag masaya ang isa ay sasaya rin ang isa.
Napakaganda ng samahan nilang dalawa hanggang sa matanggap na nga sa opisinang pinagtatrabahuan ni Melba si Shanti.
“Melba, natanggap ako!” masayang balita ni Shanti sa kaibigang masayang-masaya naman siyang binati.
“Congratulations, Shanti! Alam ko naman talagang matatanggap ka, eh. Magaling ka kaya!” bati ni Melba.
Nagtuluy-tuloy sa pagiging magkasama sa trabaho ang dalawa. Halos araw-araw ay hindi sila mapaghiwalay dahil sabay na silang kumain, pumasok sa trabaho at umuwi.
Ngunit nagsimulang magbago ang samahan ng dalawa mula nang mag-umpisang purihin nang purihin ng kanilang supervisor si Shanti.
Simula kasi nang pumasok si Shanti ay agad na pumalo ang sales nito bilang ahente ng mamahaling mga sasakyan. Hindi naman nakapagtataka iyon dahil maganda at sexy si Shanti bukod sa pagiging matalino ng dalaga.
Ngunit ang kapalit niyon ay ang pagka-etsapuwera ni Melba.
“Melba, ayos ka lang ba?” Isang araw ay sinubukang magtanong ni Shanti sa kaibigan. Ilang araw na rin kasing hindi siya pinapansin ng kaibigan. “Oo naman. Bakit naman ako hindi magiging ayos?” patanong na sagot naman ni Mel kay Shanti.
“Bakit parang iniiwasan mo ako? May problema ba tayo?” muling tanong ng babae. “Wala naman. Busy lang kasi ako, eh,” sagot naman ni Melba sabay iwas ng tingin kay Shanti.
Lingid sa kaalaman ni Shanti ay isang nakakahiyang tsismis na pala ang ipinapakalat ni Melba sa kanilang kompaniya. Na kaya raw siya mabilis na makabenta ay dahil ginagamit niya ang kaniyang katawan bilang kapalit.
Pumutok ang issue at nalaman ni Shanti na si Melba nga ang may kagagawan nito dahil sa inggit nito sa kaniya. Bilang pagtanaw ng utang na loob ay hindi na inaway pa ni Shanti si Melba bagkus ay umiwas na lang siya. Nag-resign siya sa kaniyang trabaho at nagpakalayu-layo upang hindi na sila muling magtagpo ng kaibigang hindi niya inaasahang gagawan siya ng kuwento.
Huli na nang malaman ni Melba na tuluyan nang lumayo ang kaniyang kaibigan. Nagsisisi siya sa kaniyang ginawa. Ngunit kahit nilinis niya ang pangalan ni Shanti sa kompaniya ay hindi na niya maibabalik pa ang magandang pinagsamahan nila noon. Iyon ang kinahantungan ng kaniyang hindi mapigilang inggit sa dating pinakamatalik na kaibigan. Nawala sa kaniya ang nag-iisang taong palagi niyang tinatakbuhan tuwing kailangan niya ng karamay.