Walang nais mangyari si Phil kung ‘di ang matanggap siyang muli ng kaniyang Kuya Kiko ngunit mukhang pangarap na lang ang lahat ng iyon. Buhat nang makapag-asawa ang kaniyang Kuya Kiko ay nagsimula na rin itong magbago. Nagsimula siya kamuhian nito samantalang noon ay ito pa ang pinakaunang taong kumakampi sa kaniya sa tuwing inaapi siya ng kung sino.
Nasasaktan si Phil sa tuwing maririnig niya mula mismo sa bibig nito na pinandidirihan umano nito ang pagiging beki niya. Iyon kasi ang sinasabi ng kaniyang Ate Mina, ang asawa ng kaniyang Kuya Kiko.
“Hoy, beki! Gumising ka na riyan at tanghali na. Aba, hindi ka pinatira ng kuya mo rito nang libre para lang humilata riyan maghapon, ha. Hala, sige! Tayo!” bungad ni Mina kay Phil.
Walang konsiderasyon ang babae gayong madaling araw na nang matulog si Phil dahil tinapos pa nito ang mga gawain sa bahay matapos nitong umuwi galing sa trabaho.
“Babangon na po, Ate Mina,” magalang pa ring sagot ni Phil sa kaniyang ate. “Aba, dapat lang! Pinatira ka na nga namin dito sa bahay tapos tatamad-tamad ka pa!” pabalang pa ring anas ng kaniyang Ate Mina.
Gusto niya sanang sabihin na may karapatan din naman siya sa bahay na iyon dahil kahit half brother lang niya ang kaniyang Kuya Kiko ay anak pa rin siya ng kanilang ama. Ngunit imbes na sagutin ang babae ay itinikom na lamang ni Phil ang kaniyang bibig upang huwag nang magkagulo pa.
Katulad ng nakasanayan ay ginawa muna ni Phil ang lahat ng gawain sa bahay. Naglinis, namalengke, nag-igib ng tubig, nagluto at naglaba ng maruruming damit na naipon kahapon upang hindi siya matambakan pagkatapos ay pumasok na siya sa eskwela.
Alas onse ng umaga ang pasok niya sa eskwela habang alas tres naman ng hapon ang kanilang uwian.
Pagkatapos ng klase ay diretso na siyang pumapasok sa trabaho bilang isang part-timer o working student upang siya na mismo ang tumustos sa kaniyang pag-aaral. Madalas ay nag-aabot din siya sa kaniyang Kuya Kiko at Ate Mina para naman walang masabi ang mga ito at hindi siya piliting tumigil sa pag-aaral.
Sa gabi matapos makauwi galing sa maghapong pagkayod ay madadatnan pa ni Phil ang bahay nilang puno ng kalat. Mga balat ng sitsiryang pinagkainan ng kaniyang Ate Mina mula sa maghapon nitong panonood ng telebisyon, mga hugasing plato at iba pang kasangkapan, maalikabok na sahig at maruming mesa habang ang kaniyang Ate Mina ay nakahilata lamang sa harap ng telebisyon o ‘di kaya’y dumudutdot sa cell phone nito.
“Magandang gabi po, ate,” bati ni Phil sa asawa ng kaniyang kapatid. Hindi ito sumagot. Ni hindi man lamang siya sinulyapan ng tingin dahil tutok na tutok ito sa pinanonood.
Nagsimulang magbuklat ng kaldero si Phil at noo’y napag-alaman niyang hanggang ngayon ay wala pa silang sinaing. Wala ring ulam na makakain. Paniguradong magagalit na naman ang kaniyang Kuya Kiko pag-uwi nito galing din sa trabaho!
Nakaramdam ng pag-iinit ng ulo si Phil kaya’t nagsimula siyang magdabog ngunit nananatili siyang tahimik.
Napansin naman iyon ni Mina kaya’t agad siyang sinita nito. “Hoy, beki! Anong dinadabog-dabog mo riyan?” singhal nito kay Phil.
“Beki ako, oo, pero Phil ang pangalan ko, Ate Mina!” napupuno namang sagot ni Phil dito.
“Aba’t sumasagot ka na ngayon!” sigaw ng babaeng nanggagalaiti sa galit. “Gusto mong isumbong kita sa kuya mo?”
“Eh, ‘di isumbong mo! Pagod na pagod na ako sa pagiging alila ninyo ni kuya, Ate Mina! Tutal hindi niyo naman ako itinuturing na kapamilya, eh, ‘di sige. Lalayas na ako rito!” sagot ni Phil.
Nagmadaling nagtungo si Phil sa kaniyang kwarto at iniligpit ang kaniyang mga gamit. Inilagay niya ang lahat ng iyon sa isang maleta.
“Wala kang ibang pupuntahan dahil walang tatanggap sa’yo. Salot ka! Babalik ka rin dito at sinisigurado ko sa’yo na hindi ka na namin tatanggapin pa!” banta ng babae.
Hindi na pinansin pa ni Phil ang bantang iyon ng kaniyang Ate Mina dahil simula nung araw na iyon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na wala na siyang pakialam pa sa mga ito.
Ginawa ni Phil ang lahat upang maging maayos ang kaniyang buhay. Kayod-kalabaw siya sa kabila ng kaniyang pagiging estudyante sa kolehiyo ngunit hindi iyon naging hadlang upang siya pa rin ang manguna sa pagtanggap ng karangalan nung siya’y magtapos na.
Ngayon si Phil ay tinitingala na ng maraming tao bilang isa sa pinakamagaling na abogado dito sa Pilipinas. Minabuti niyang hindi na magkaroon ng kaugnayan pa sa kaniyang Kuya Kiko at Ate Mina ngunit hindi pa rin niya maiwasang maisip ang kapatid.
“Kumusta na kaya ang Kuya Kiko?” minsan ay naiisip niya habang nakaupo siya sa magara at napakalambot na sofa. Tanda na naabot na niya ang rurok ng tagumpay.
Nang may nakarating na balita sa kaniya na ngayon ay mayroon daw malubhang sakit ang kaniyang Kuya Kiko, kahit pa masama ang loob niya rito ay nagmadali siyang puntahan ito.
Walang pagsidlan ng tuwa ang puso ni Kiko nang muling makita ang kapatid na matagal din niyang hinanap sa loob ng mahabang panahon. Nang lumapit si Phil sa kaniya, kahit pa nanginginig ang kaniyang tuhod ay lumuhod siya sa harapan nito.
“Kuya.” saad ni Phil.
“Patawarin mo ako, Phil. Hindi ko sinasadyang saktan ka. Maniwala ka man o hindi noong gabing umuwi ako nang wala ka ay pinalayas ko agad ang Ate Mina mo. Doon ko na-realize na nagkamali ako ng babaeng pinakasalan. Hindi ko akalain na dahil sa kaniya ay masisira ang magandang samahan na mayroon tayo noon. Hindi dapat ako nakinig sa mga panunulsol niya,” humahagulgol na paliwanag ni Kiko kay Phil.
Noon din ay nakaramdam ng pananabik si Phil sa kaniyang kuya. Lumuhod siya at niyakap niya ang kapatid.
Hindi matatawaran ang pagmamahal ni Phil sa kaniyang kuya. Ano man ang naging kasalanan nito ay kaniya pa rin itong pinatawad.
Matapos ang araw ng muli nilang pagkikita ay binigyan ni Phil ang kaniyang kuya ng magandang buhay bilang ganti sa mga panahong ito ang nag-aalaga sa kaniya.