Inday TrendingInday Trending
Pagtulong nang Bukal sa Loob

Pagtulong nang Bukal sa Loob

Natanggal sa kaniyang pinagtatrabahuang pabrika si Jason. Paano’y malapit nang malugi ang kanilang kompaniya kaya naman nagpasya ang management nila na magtanggal ng napakaraming tao upang magbawas ng mga gastusin.

Ganoon na lamang ang panlulumo niya habang siya ay naglalakad pauwi. Dala niya ang kaniyang bag na walang ibang laman kung ‘di ang walang pagkain niyang baunan at ang inuminan na wala na rin sa kalahati ang lamang tubig. Ni wala siyang pamasahe pauwi dahil hindi rin ibinigay ng kompaniyang iyon ang huli nilang suweldo!

Sigurado siyang mamomroblema na naman ang kaniyang asawa at malulungkot ang nag-iisang anak. Hindi na alam ni Jason ang kaniyang gagawin.

Sandaling naupo si Jason sa hagdanan na kaniyang nakita upang makapagpahinga sandali dahil malayu-layo pa ang kaniyang lalakarin pauwi. Ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang marinig na nagtatalo ang dalawang lalaki ‘di kalayuan sa kaniyang kinaroroonan.

“Ibigay mo na sa akin ang bag mo dahil kung hindi ay masasaktan ka.”

Nadinig ni Jason ang bulong ng lalaking balot na balot ng suot nitong makapal at lumang jacket, bonnet at face mask habang nakaharap sa isang lalaking mukhang takot na takot naman dito. Nakasuot ito ng pormal na damit at magarang sapatos.

“Sir, I can give you money. Pero huwag itong buong bag ko. Please lang!” sagot naman ng lalaking pormal ang kasuotan.

Tila nahuhulaan naman ni Jason ang nangyayari sa pagitan ng mga ito.

Sa hula niya ay hindi pa rin alam ng holdaper na naroon siya sa likuran nito dahil naka-focus ito ngayon sa ginagawang kasamaan.

Sandaling nawala sa isip ni Jason ang kaniyang problema dahil sa pag-iisip ng paraan kung paano tutulungan ang kawawang lalaking hino-holdup ng mamang ito. Nag-isip siya ng magandang estratehiya at hindi basta-basta kumilos upang hindi masaktan ang kawawang biktima. Nang makakita siya ng magandang pagkakataon ay tsaka niya sinunggaban ang holdaper!

“Maraming salamat sa’yo!” Halos manginig sa takot ang biktima ng holdaper habang nagpapasalamat ito kay Jason. Mukha naman kasing hindi sanay sa ganoong komosyon ang lalaking ito kaya naman naiintindihan ni Jason kung bakit ganoon ang naging reaksyon nito.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang holdaper na bugbog sarado ang mukha. May galos din si Jason ngunit hindi naman iyon ganoon kalala.

“Kung hindi mo naisipang magpahinga saglit dito sa hagdanan ay baka kung ano na ang nangyari sa akin. Mabuti na lamang talaga at may mabuti kang puso at tinulungan mo ako nang bukal sa loob mo kahit pa malagay rin sa peligro ang buhay mo,” sabi pa ng lalaki sa kaniya.

“Ginawa ko lang po ang dapat, sir. Hindi ko kasi kayang manahimik lang gayong nakikita kong may mapapahamak. Mayroon naman akong magagawa kaya tumulong na ako,” sabi ni Jason na lalo namang nakapagpahanga sa lalaking kaniyang iniligtas kanina laban sa holdaper.

“Ano ba ang trabaho mo?” tanong ng lalaki kay Jason. “Mukha kasing pagod na pagod ka, eh.”

“Sa totoo lang po ay natanggal ako sa trabaho ngayon lang. Naglalakad nga po ako kanina pauwi kaya’t naisipan kong magpahinga muna rito sa hagdanan at iyong nangyayari na nga sa inyo ang naabutan ko,” paliwanag naman ni Jason.

“Aba’y tamang-tama pala! Naghahanap ako ng magiging assistant ko. Puwedeng-puwede kitang ipasok!” masaya at masigla namang bulalas ng lalaking tinulungan ni Jason kanina.

“Naku, sir, wala po akong alam sa ganiyan, eh. High school lamang po ang tinapos ko,” nanghihinayang namang sabi ni Jason sa kausap.

Tinapik ng lalaki ang kaniyang balikat. “Puwede kong ituro sa iyo ang lahat. Isa pa, puwede kitang bigyan ng scholarship para makapag-aral ka kahit vocational lang kung gusto mo. Ako ang bahalang sumuporta sa’yo.”

Napag-alaman ni Jason na isa pa lang mayamang negosyante ang nailigtas niya sa kapahamakan nung araw na iyon. Grabeng suwerte talaga ang inabot niya dahil sa pagiging matapang at busilak ng kaniyang puso.

Umuwi si Jason nung araw na iyon hatid ang balitang natanggal siya sa trabaho ngunit hindi iyon naging masamang balita para sa kanila kung ‘di isang blessing in disguise! Dahil kasi doon ay nagkaroon ng mas magandang oportunidad si Jason.

Tunay ngang hindi magbibigay ng pagsubok ang Diyos kung wala itong magandang dahilan. Na-realize ni Jason na hindi siya dapat sumuko anuman ang mangyari dahil nariyan ang Diyos na patuloy na gumagabay sa kaniya.

Advertisement