Hindi pa man artista ngunit bituin na ang turing sa dalagang si Marian. Napakaganda kasi nito at sobrang habulin pa ng lalaki.
“Ms. Marian, ‘yung Anthony nasa labas. Kilala niyo raw po siya. Papapasukin ko ba?” tanong ni Tess, alalay ng dalaga. “Susme! Huwag! Sabihin mo busy ako o ‘di kaya ay wala ako rito. Paalis kamo tayo at may taping!” naiiritang sagot ng dalaga.
“Sige po. Pero nakita ko pong may dalang mga regalo,” wika muli ng babae.
“Basta kuhanin mo lahat ng puwedeng kuhanin dahil magagamit ko ‘yun! Ikaw na bahala. Kaya mo na ‘yang si Anthony,” sagot ni Marian sabay ismid sa kaniyang alalay.
Kung ano namang ginanda ng dalaga ay siya namang ginaspang ng ugali nito. Dahil sa napakaraming manliligaw ni Marian ay ginagamit niya ang mga ito para magpabili ng kung anu-ano. Mangulekta ng mga regalo at luho niya na ibinebenta rin naman ng babae para magkaroon ng pera.
Kapag wala nang maibigay ang lalaking gustong manligaw sa kaniya ay tsaka niya ito ipapahiya sa maraming tao o ‘di kaya naman ay kakalimutan na lang basta.
“Marian, luluwas muna tayo ng mga isang buwan sa Maynila, ha. Doon kasi ang sunod na project ng company. Sagot naman lahat ng gastos mo,” wika ni David, binabaeng manager ng dalaga. “Wala pong problema sa’kin basta kung saan ang pera ay doon ako,” sagot kaagad ng babae.
Isa ngayong modelo ng pampagandang produkto ang babae. Rumaraket din itong model sa mall at kung saan-saan pa na puwedeng rumampa. Gamit na gamit nga raw niya ang kaniyang ganda.
Hanggang sa nakilala ni Marian si Louie, ang kapitbahay ng babae sa kinuhang condo unit ni David para sa kaniya sa Maynila.
“Huwag mo na kong titigan. Puwede mo namang hingin ang number ko,” maharot na bulong ni Marian habang magkasakay ang dalawa sa elevator.
Ngunit namula lang ang pisngi ng dalaga dahil tanging titig lamang ang ginanti sa kaniya ng lalaki hanggang sa makalabas ito ng elevator.
“Putch* ‘yun! Mukhang ‘di umepekto ang ganda ko. Hindi puwede! Kailangan makuha ko siya! Mukhang mayaman at pogi pa naman!” sa loob-loob ni Marian.
Hanggang sa nagsunud-sunod pa ang kanilang pagkikita ngunit ganoon pa rin ang lalaki sa dalaga.
Naiinis at hindi na malaman ni Marian kung bakit ganun nalamang makitungo ang gwapong binata sa ganda niya.
“Baka naman bakla ka? Hindi mo ako pinapansin.” saad niya sa lalaki nang maabutan niya itong nagbubukas ng pinto.
At sa muling hindi mabilang na pagkakataon ay tanging tingin na naman ang iginanti sa kaniya nito.
Gigil na gigil si Marian dahil hindi siya makapaniwala na may lalaking babalewala sa kaniya ng ganito kaya naman pinagplanuhan niyang maigi ang susunod na gagawin.
Nagpalit ang babae ng maiksi at hapit na damit, namumutok ang mga dibdib nito at bakat na bakat ang korte ng katawan sa napiling kasuotan. Kumuha rin siya ng bote ng alak at baso tsaka kumatok sa pintuan ng lalaki.
Dalawang katok pa lang ay pinagbuksan naman kaagad siya nito.
“Hello, gusto ko lang sana makipagkaibigan. Umiinom ka ba?” malanding saad ni Marian sa binata.
Wala siyang sagot na nakuha dahil nahinto ang kaniyang mundo nang magsalita ang lalaki sa pamamagitan ng paghipo ng dibdib nito sa pabilog na paraan. Sabay turo sa kaniyang bibig at tenga para sabihing “Sorry, hindi ako nakakapagsalita at nakakarinig.”
Napalunok si Marian at ilang beses na ipinikit ang kaniyang mata. “Ah, eh, sorry. Sige. Sorry again!” saad ng dalaga at sabay alis patungo sa kaniyang unit.
“Tang*na mo talaga ka, Marian! Pipi pala ‘yung tao bakit hindi mo man lang naramdaman!” isip-isip nito sabay lagok sa alak na dala niya.
Hindi natahimik ang babae at pilit na hinanap sa Facebook ang kapitbahay niya. Tinanong niya rin ang guwardiya ng kanilang tinitirhan at suwerte naman na kaagad siyang nakahanap ng impormasyon tungkol sa lalaki.
Napag-alaman niyang modelo rin pala ito katulad niya. Hindi siya makapaniwala dahil may mga ganoong tao palang pumapasa sa industriya nila. Sikat din pala ang lalaki at maraming nagkakagusto dito dahil guro rin ito sa kapwa niya mga pipi at bingi sa lipunan.
Hindi matahimik si Marian kaya nag-aral na rin siya ng sign language para makausap niya ang kaniyang kapitbahay.
“Hello, I want to be your friend,” sabi ng dalaga sa pamamagitan ng sign language. Malaking ngiti naman ang iginanti ng lalaki na siyang nakapagpakilig kaagad kay Marian.
Hanggang sa lumipas ang ilang araw at natutunan ni Marian ang magpakumbaba at itrato ng tama ang lahat ng klase ng nilalang sa mundo. Hindi ibig sabihin na maganda ang isang tao sa pisikal na kaanyuan ay nakakaangat na siya sa marami at kailangang makatanggap ng espesyal na pakikitungo sa kapwa. Lahat tayo ay pantay-pantay.
Natapos ang isang buwang pamamalagi ni Marian sa Maynila ngunit hindi doon nagtatapos ang kabutihan at kababaang loob na natutunan niya sa kaniyang gwapong kapitbahay.
Ngayon ay wala nang manliligaw pa si Marian dahil siya na mismo ang umaakyat ng ligaw kay Louie. Pag-ibig na hindi niya inaasahan pero alam niyang totoo.