Palaging nalulungot si Ashley dahil imbes na maranasan ang kasiyahan bilang isang bata ay sa bahay lamang ito naglalagi at bihirang lumabas.
Nagugulat rin ang mga magulang ni Ashley dahil hindi mga bagong laruan, magagandang damit o pagkain ang gusto niyang ibigay sa kaniya. Ang pinakaaasam niyang magkaroon ay ‘kalaro.’
Isinilang kasi siya na may kakulangan sa pag-iisip kaya pinangingilagan siya ng ibang bata at natatakot na makipaglaro o makipagkaibigan sa kaniya.
Minsan ay tinanong siya ng kaniyang ina na si Aling Isay kung ano ang gagawin niya sa mga gulay na kinuha niya sa kanilang likod-bahay. May mga tanim kasing gulay roon ang ina.
“Anak, saan mo dadalhin ang mga gulay na iyan?” nagtatakang tanong ng ina. “Ibebenta koi ‘tong lahat para may pambili ako kalaro,” sagot ni Ashley.
“Ano kamo?” gulat na sabi ni Aling Isay. “Sabi kasi mga bata sa labas dapat daw magbigay ako ng piso bago ako makasali sa laro nila,” saad ni Ashley.
Bumalik sa alaala ni Ashley ang sabi ng mga bata sa labas nang minsang lapitan niya ang mga ito.
“Sali ako,” wika ni Ashley sa mga batang naglalaro ng tagu-taguan.
“Penge munang piso!” sabi ng isang bata. “Wala akong piso, eh,” tugon ni Ashley.
“Hindi ka namin isasali kung wala kang piso!” tutol ng mga bata sabay karipas ng takbo. Nagtatawanan pa ang mga ito habang sumisigaw. “Ashley Buang! Ashley Buang!”
“Bakit ganoon, inay? Ashley lang naman ang tawag niyo sa akin ni itay, ‘di ba? Bakit tawag nila ako buang?” walang muwang na tanong ng bata. “May mali ba sa akin, inay?”
Napapikit na lamang si Aling Isay sa sinabi ng anak. “Espesyal ka at walang mali roon, anak,” sagot nito sabay yakap nang mahigpit kay Ashley.
Mayamaya ay tinulungan si Ashley ng kaniyang ina na ilabas sa kanilang bahay ang mga kinuha niyang gulay para ibenta.
Habang naghihintay ng kostumer ay napagdesisyunan ni Ashley na kumuha ng lapis, papel at pangkulay. Guguhit muna siya. Isa sa mga pinagkakaabalahan niya ay ang pagguhit. Ginuhit niya ang sarili na may mga kasamang bata na naglalaro. Naglulutu-lutuan, nagbabahay-bahayan at umaakyat sa mga puno. Gumuhit din siya ng mga batang masayang naghahabulan at nagpapagulung-gulong sa malawak na damuhan.
Habang abala siya sa pagguhit ay ‘di niya namalayan na nakatulog na pala siya. Sa kaniyang panaginip ay nakita niya ang sarili na nasa lugar kung saan maraming puno at mga batang naglalaro. Nagulat siya nang yayain siya ng mga ito na sumali sa kanilang laro.
“Bata, sali ka sa amin. Laro tayo!” sabi ng isang batang babae.
“Sige, sige. Sali ako,” sagot ni Ashley.
Buong araw silang naglaro ng mga batang nakilala niya. Sa oras na iyon ay nakaramdam si Ashley ng kakaibang kasiyahan na hindi pa niya naranasan sa buong buhay niya. Nang bigla siyang nagising sa tapik ng kaniyang ina.
“Anak, gising na! Nakatulog ka na sa pagbebenta mo,” wika ni Aling Isay.
“Ay, nakatulog pala ako?” pabulong niyang sabi sa sarili. Nakaramdam na naman siya ng lungkot dahil panaginip lang pala ang lahat ng nangyari. Hindi pala totoo na nagkaroon siya ng mga kalaro.
“Oo at kanina ka pa tulog. Ngayon ka lang nagising. Pumasok na tayo sa loob ng bahay, anak. Wala nang bibili sa tinda mong gulay dahil mag-aalas-sais na ng gabi,” wika ng ina.
Napatingin si Ashley sa kalangitan at nakita nga niyang madilim na. Bigla na lamang kumawala sa kaniyang mga mata ang masaganang luha. “Paano na kaya ako makakabili ng kalaro ngayon, eh, piso nga wala ako?” tangi niyang nasabi habang patuloy na umiiyak.
Niyakap siya nang mahigpit ng kaniyang ina at agad na pinatahan. “Huwag ka nang umiyak, anak. Hayaan mo at magkakaroon ka rin ng mga kalaro kahit hindi ka magkaroon ng pera.”
“Paano?” nagtatakang tanong ni Ashley.
“Dahil makakapag-aral ka na sa darating na pasukan, anak!” masayang balita ng ina.
Huminto sa pag-iyak ang bata at gulat na napatingin sa ina. “Talaga, inay?” paniniguro niya na may halong pananabik.
Sinabi kay Ashley ng kaniyang ina na isang espesyal na eskwelahan ang papasukan niya dahil mga katulad niyang espesyal din ang mga nagsisipag-aral doon.
Hindi na makapaghintay si Ashley na makapag-aral sa eskwelahang iyon hanggang sa dumating ang araw ng pasukan. Hindi niya inasahan na sa pagpasok doon ay magkakaroon agad siya ng mga kakilala at kaibigan. Halos ayaw na nga niyang umuwi sa tuwing papasok siya dahil masaya siya kapag kasama ang mga kaklase niya. Doon ay natupad ang pangarap niyang magkaroon ng mga kalaro.
“Ang saya pala talagang magkaroon ng mga totoong kalaro,” sambit ni Ashley sa isip.
Isang araw ay inimbita ng guro ang mga magulang ng mga estudyante sa eskwelahan. Iyon ay para makita ng mga magulang ang mga iginuhit na larawan ng kanilang anak. Siyempre pumunta ang mga magulang ni Ashley.
Hangang-hanga ang mga magulang na nagsipunta sa mga larawang iginuhit ng mga bata ngunit isang larawan ang namukod-tangi sa lahat dahil ito ang pinakahinangaan ng mga taong naroon.
“Kaninong guhit ang isang ito?” tanong ng isang babae sa guro. “Iyan po ba? Iginuhit iyan ni Ashley,” sagot nito.
Nakita naman ng mga magulang ni Ashley ang kaniyang iginuhit. Tuwang-tuwa ang mga ito sa larawang likha ng kanilang anak.
“Ipaliwanag mo nga sa kanila kung ano ang iyong iginuhit, Ashley,” wika ng guro.
“Ito po si inay tapos ito naman po si itay,” sabi ni Ashley habang itinuturo ang isang babae at isang lalaking hawak-hawak ang magkabilang kamay ng isang bata sa larawan.
“Sino naman itong bata?” tanong muli ng guro. “Ako po,” nakangiting sagot ng bata.
Pinalakpakan ng mga magulang at guro ang iginuhit na larawan ni Ashley.
Ipinagmamalaki naman si Ashley ng kaniyang mga magulang. Espesyal man ang kanilang anak ay lumaki naman itong mabuting bata. “Proud kami sa iyo, anak!” sambit ni Aling Isay sa anak. “Ang galing mo talaga, anak. Ipinagmamalaki ka namin ng inay mo,” sabat naman ng kaniyang ama na si Mang Emil.
“Mahal na mahal ko po kayo!” sagot ni Ashley sa mga magulang.
Bakas na kay Ashley ang sobrang kasiyahan dahil bukod sa kaniyang inay at itay ay may mga bago nang nagmamahal sa kaniya. Kung dati ay palagi siyang malungkot dahil wala siyang kalaro ngayon ay marami na siyang kaibigan na gaya niya ay espesyal din na araw-araw niyang nakakalaro sa eskwelahan.