Maganda si Irene. Marami nga ang nahahalina sa kaniya pero kahit na ganoon ay wala pa siyang sinasagot sa mga ito. Puro kasi ka-level niya lang ang sahod, eh. Ayaw niya namang mag-asawa ng pipitsugin. Bukod pa roon ay may napupusuan na siya.
Kinilig ang babae nang maalala ang lalaking itinatangi ng kaniyang puso, si Brad. Ang kaniyang boss na ubod ng gwapo at siyempre ubod ng yaman!
Todo papansin siya rito. Naroong pumasok siya ng dalawang oras na mas maaga kaysa sa shift niya tapos ay magpapanggap siyang naglalakad sa isang gilid. Alam niya kasing daraan ang kotse ng lalaki.
Mabait naman ito. Tumigil ito nung natanaw siya.
“Good morning. Bakit ka naglalakad? Wala bang taxi?” tanong ni Brad nang ibaba ang bintana ng sasakyan.
Nag-inarte ang babae at kunwari pa ay nahihiya. “Ano kasi, sir, wala na po kasi akong pang-taxi dahil alam na ninyo, petsa de peligro. Sa isang araw pa ang sahod kaya jeep muna,” pagsisinungaling ni Irene.
“Lika na. Sakay na,” alok ni Brad. “Ha? Naku, huwag na po nakakahiya,” pagtanggi ng babae. “Sakay na,” pagpupumilit ng lalaki.
Ngiting tagumpay na binuksan ni Irene ang pinto ng sasakyan at umupo sa harapan. Kilig na kilig ang babae. Isang buwan pa lang siyang nagtatrabaho sa kompaniya ng lalaki pero sigurado siyang ito na ang nais niyang pakasalan.
Tahimik lang ang binata na nagda-drive. Nang makarating sila sa kompaniya ay pinagbuksan sila ng pinto ng guard at pinagtinginan pa si Irene ng mga empleyado nang makitang bumaba siya sa kotse ng boss.
Taas noong inirapan ni Irene ang mga empleyado lalo na iyong mga babae. Sa loob-loob niya ay naiinggit lang siguro ang mga ito. Hah! ‘Di naman malayong patulan siya ni sir. Maganda kaya siya!
“Alis nga diyan. Haharang-harang sa daan, eh,” nagmamadaling sabi ni Irene sa janitor.
Lunch time na at bababa na sana siya ng elevator. Alam niya naman kung saan kumakain ng tanghalian ang lalaki. Kunwari ay doon rin siya bibili at ‘di sinasadyang makikita niya ito. O, ‘di ba? Ganiyan ang mga diskarte! Para sa pera!
Kabababa niya lamang sa elevator nang masalubong niya ang secretary ni Brad.
“Arny, ano iyan?” tanong ni Irene rito. Paakyat naman ang babae. “Pizza. Pinabili ni sir. Doon na lang raw siya kakain sa opisina niya,” sagot nito bago sumara ang pinto at umakyat na.
Inis na napamartsa na lamang pabalik si Irene. Mukhang ‘di siya makakapagpapansin sa binata.
Isasara niya na sana ang pinto ng elevator nang sumakay ang isang dalagang sa tingin niya ay hindi nalalayo sa kaniyang edad. Sa itsura, oo, ang pangit naman kasi nito.
May hawak na mamahaling cell phone ang babae. Habang paakyat sila ay napindot ito ng babae at nagpanting ang tenga ni Irene nang makilala ang boses ng nagsalita.
“Babe, dito ka na sa office ko kumain. Sabay na tayo. Ipapasundo kita kay Arnold, ha? I love you.”
Si Brad!
Tinignan ni Irene ang babae mula ulo hanggang paa.
“Si Brad ‘yan?” ‘di makapaniwalang tanong niya.
Tumango naman ang babae. Wow! Ang pangit pala ng taste ng binata!
Bumaba na ang dalaga sa elevator pero walang balak si Irene na tantanan ito. Makabawi man lang siya sa pang-aagaw nito sa lalaking dapat ay kaniya. “Alam mo, miss, bilhan mo siya ng salamin dahil kapag nagising siya sa katotohanan ay iiwan ka niya.”
“Ha?” gulat namang tanong ng babae.
“Iyang pangit mong ‘yan? Isang landi ko lang kay Brad ay tiyak kong maaakit siya agad. Look at you. Filthy. Ugly,” sunud-sunod na pintas ni Irene.
Hinila niya pa nang bahagya ang buhok ng babae tapos ay nagkomento. “Ang dami mo pang split ends. Dry ang buhok. Ang dami mong tuyong tigyawat. Nakakadiri ka.”
“Irene?”
Napalingon ang babae sa boses ni Brad at lalong nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang isang babaeng nakakapit sa braso nito.
“Leny? What are you doing here?” tanong ng sopistikada at magandang babae sa dalagang inaway ni Irene kani-kanina lang.
“Ate, naiwan mo po kasi ang cell phone mo sa kotse kaya iniakyat ko na po. Eh, napindot ko po ang voicemail ni kuya sa elevator kaya po narinig nitong babae tapos nagalit na po siya sa akin,” paliwanag ng kasambahay.
Dumako ang tingin ng dalawa kay Irene. Ngumiti ang magandang babae at nagsalita naman si Brad.
“By the way, honey, this is Irene. Isa sa mga bagong empleyado. Irene this is Mandy, my wife.”
Sa sobrang pagkapahiya ni Irene ay nagtatakbo na lamang siya palayo. ‘Di niya napansin ang wedding ring na suot ni Brad at dahil masama ang ugali niya ay wala siyang kaibigan sa opisina. Walang nakapagsabi na may asawa na ang lalaki.
Ang misis nito ay malayung-malayo ang ugali sa kaniya. Kahit pa mayaman na ay napakaganda ng asal. Kasing ganda ng mukha nito.
Nag-resign si Irene sa trabaho. Iyan ang napapala ng mga taong walang pakialam sa mararamdaman ng iba para lang magtagumpay, katakut-takot na karma at kahihiyan.