Inday TrendingInday Trending
Pusang Puti, Halimaw sa Gabi

Pusang Puti, Halimaw sa Gabi

Kilala sa buong barangay si Thelma. Siya kasi ang presidente sa liga ng mga tsismosa. Wala siyang hindi alam na balita sa lugar nila. Minsan nga kapag may aksidente ay nauuna niya pang malaman iyon kaysa sa pamilya. Ganoon siya katindi.

Umiikot na lang ang mundo niya sa kakasagap ng balita. Maaga siyang gigising sa umaga bitbit ang kape at pandesal tapos ay lalabas na. Tatambay sa kalapit na tindahan at sisimulan na ang umaatikabong kuwentuhan kasama ng mga kumare niya.

Daig pa nila ang CCTV sa totoo lang.

“Alam mo ba iyong bagong lipat na matanda diyan sa bahay na iniwan ni Mameng? Aba, walang anak! Tapos ang daming alagang pusa. Pakiramdam ko aswang iyan, eh,” bungad ni Thelma.

Ngumiwi naman ang mga kumare niya. Nanlalaki ang mga mata at nanghahaba ang mga nguso.

“Sinabi mo pa, mars! Nakita ko noong isang beses ay nakasuot ng itim. Naku, kinilabutan talaga ako,” dagdag ng kumare niyang si Aida. Tumatalsik pa ang laway kasama ang ilang pandesal na nginunguya nito. Hindi na makapaghintay na magsalita kaya kahit na may laman ang bibig ay sige lang sa pagtsitsismis.

Sakto namang labas ng lola na bida sa kanilang usapan. Nginitian sila nito habang bitbit ang pusang puti na kulay asul ang isang mata pero tinaasan lang ito ni Thelma ng kilay.

“Mare, bakit hindi mo tinanguan?” usisa ni Josie, ang siyang may-ari ng tindahan. “Ayoko ngang makipagplastikan, ano! Aswang ‘yan, eh, bakit ko kakaibiganin?” nakaismid na wika ni Thelma.

Mula noon ay hindi na nila tinantanan pa ang lola. Kadalasan ay harap-harapan pa kung asarin nila ito. Hindi naman kumikibo ang matanda at tahimik lang na tatawagin ang mga alagang pusa upang kumain.

Isang gabi ay isasara na sana ni Thelma ang pinto ng kaniyang bahay nang mapansin sa salas niya ang pusang puti na pag-aari ng matanda.

“Shoo! Doon ka nga, sugo ng aswang!” sigaw niya. Hindi natinag ang pusa kaya kumuha siya ng walis tambo at pinaghahampas ito. Mabilis namang tumakbo palayo ang hayop bago ito tuluyang sumampa sa bakod ng bahay ng lola ay sinulyapan muna nito si Thelma. Ayaw mang aminin ng babae pero kinilabutan siya.

“Ma.”

Napapitlag si Thelma nang marinig ang boses ng anak niyang binatilyo. “L*ntik ka! Gabing-gabi ay nanggugulat ka!” wika niya rito. “Ano?”

“Pahingi ng 200. Birthday kasi ng barkada ko bukas. Pambili lang ng regalo,” kakamut-kamot sa ulong wika ng anak.

“Kumuha ka diyan sa drawer sa ilalim ng TV,” sagot ng babae. Lumingon ang binatilyo. “Ma, wala namang drawer sa ilalim ng TV, eh.”

“O, ‘di wala ring pera!” taas ang kilay na sabi ng ale. “Matulog ka na. Gabi na!” nag-martsa na siya paakyat at nahiga na sa kama.

Naalimpungatan na lamang si Thelma nang marinig na parang may kumakaluskos sa kanilang salas. Dahan-dahan siyang bumangon. Binitbit niya pa ang mahabang payong na nakasabit sa gilid ng kwarto. Baka kasi may magnanakaw. Hahambalusin niya.

“JR!” pabulong na tawag ni Thelma sa kwarto ng anak.”JR, gising! May tao yata!” Pero hindi natitinag ang binatilyo sa loob.

“Wala ka talagang silbi. Para kang ama mo!” inis na asik niya.

Kahit na kinakabahan ay mag-isa na lamang siyang bumaba ng hagdan.

Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita ang pusang puti na prenteng nakaupo sa kanilang salas. Pero hindi katulad kanina dahil nanlilisik ang mata nito.

Hindi nagpatalo sa kaniyang takot si Thelma. Itinaas niya ang payong at umamba na hahampasin ang hayop. “Gusto mo na namang makatikim?” galit na wika niya. “Bumalik ka na sa amo mong aswang!”

Tumayo ang pusa pero sa halip na mag-martsa palabas ay humakbang ito palapit sa kaniya.

Napaatras sa hagdan si Thelma. Nanlalaki ang mga mata sa labis na takot. Bawat hakbang kasi ng hayop ay nag-iiba ang anyo nito. Lumalaki rin ito at halos hindi na mukhang pusa kung ‘di isang halimaw!

Sa sobrang takot ay hindi maigalaw ni Thelma ang kaniyang mga paa. Nangangatog na lamang siyang nakatayo at nakanganga.

“Hindi mo ititigil ang bunganga mo? Puwes, patatahimikin kita!” wika nito sa malaki at nakakikilabot na boses. Tila nanggaling sa ilalim ng lupa.

“Huwag! Huwag!” sigaw ni Thelma.

Napabangon si Thelma sa kama. Diyos ko po, panaginip lang pala! Pawis na pawis siya at hinihingal pa.

Ilang sandali ay pumasok sa kaniyang kwarto ang binatilyong anak. “Ma, bakit ka sumigaw?” nag-aalalang wika nito. “Nanaginip lang ako,” tugon ng babae.

Lumabas sandali ang binatilyo at pagbalik ay may bitbit na itong isang baso ng tubig. Buti na lang kasi uhaw na uhaw si Thelma pero natatakot siyang lumabas. Baka kasi naroon pa ang pusa.

Kinaumagahan ay nagtaka ang mga kumare ng babae dahil hindi ito nag-almusal sa tindahan kasama nila. Sa halip ay nakita nila ito sa tapat ng gate ng lola at nagtatawag.

“Tao po,” wika ni Thelma.

Ilang sandali pa ay lumabas ang matanda. Nagulat man ay napangiti ito nang makita siya. “Ano ang maitutulong ko?”

Sandaling nag-isip ang babae. Siguro ay ito na ang pinakamabuting paraan para ‘di siya masindak.

“Gusto ko lang po sanang humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa inyo. Kung… Kung nasaktan ko man kayo sa kahit na anong paraan ay sorry na po,” nabubulol pang sabi ni Thelma dahil napasulyap siya sa likod at nakita niya ang pusa na nakatingin sa kaniya.

“Wala iyon, ineng. Sanay na ako sa mga ganito kasi nga ay matandang dalaga ako at ang kasama ko ay mga hayop. Normal nang mapagkamalan akong mangkukulam, aswang. Lahat na,” natatawang wika ng matanda. Tapos ay lumingon at dinampot ang pusang puti.

“Pero alam mo hindi ako apektado sa mga tsismis. Kasi masaya naman ako sa buhay ko. Masaya ako sa mga alaga ko na siyang nagsisilbing anak ko na rin. Ginagabayan nila ako,” pagpapatuloy pa nito.

Hinimas nito ang bumbunan ng pusang puti kaya napasulyap rin doon si Thelma. Hindi niya kinayang matagalang tignan ang hayop kaya nagpaalam na rin siya.

Hindi niya alam kung totoo o hindi ang kaniyang panaginip. Ang alam niya lang ay tuwing susubukan niyang magtsismis ulit ay mananaginip siyang muli na nakatanaw ang pusa sa kaniya mula sa malayo.

Kaya sa mga tsismosa, ingat. Baka makatiyempo kayo ng katapat.

Advertisement