Anim na taon nang nagsasama ang mag-asawang Tere at Jeff. Masaya na sana ang kanilang buhay. Pareho silang may magandang trabaho, tapos na nilang bayaran ang bahay, may sarili na rin silang kotse at sa isang buwan ay magre-resign na si Tere dahil lumago na ang itinayo nilang negosyo.
Isa na lang ang kulang. Wala pa silang anak. Lahat na yata ng paraan ay ginawa ng mag-asawa. Sumayaw sila sa Obando at nag-alay na ng kung anu-ano. Lahat na yata ng santo ay nadasalan na rin nila. Komunsulta pa sila sa doktor at maayos naman ang resulta kaya ‘di nila maunawaan kung bakit hanggang ngayon ay hindi sila makabuo.
“Baka hindi pa lang talaga para sa atin,” sabi ni Jeff sa nalulungkot na misis isang hapon habang namamasyal sila sa mall. Napadaan kasi sila sa baby section at ‘di maiwasan ng babae na mainggit sa mga buntis na namimili ng gamit roon.
“Kailan naman magiging para sa atin? Mabuti naman tayong tao, Jeff. Sigurado naman akong magiging mapagmahal tayong magulang,” himutok ni Tere.
Minabuti ng lalaki na akayin na palayo ang misis. Sa totoo lang maging siya ay nalulungkot na rin pero naniniwala naman siyang may plano ang Diyos.
Isang araw habang nagla-lunch ang lalaki kasama ang kaniyang kumpare na si Andy ay bigla na lamang nag-ring ang kaniyang cell phone. Tumatawag ang misis niya.
“Babe, kumusta?” bungad niya agad. ‘Di kasi maganda ang pakiramdam nito kaninang umaga kaya hindi na pumasok pa sa opisina. Gusto niya nga sanang samahan ang babae sa bahay pero kaya na naman daw nito.
“Okay lang, babe,” matamlay na sabi nito. “Anong oras ka uuwi mamaya?”
Nag-isip sandali ang mister. “Mga 6:30 nasa bahay na ako. Bakit? May ipapabili ka ba?”
“Hindi. May sasabihin kasi ako sa’yo.” Pagkasabi noon ay naduwal pa ang babae.
Nang marinig ni Jeff na tila sumuka ang asawa ay nagkaroon ng munting pag-asa sa kaniyang puso. Nanabik siya bigla. “Hindi ba puwedeng ngayon na? Tungkol ba sa nararamdaman mo iyan?” usisa niya.
Sandaling katahimikan. Pagkatapos ay nagsalita ang misis niya at nararamdaman niyang nakangiti ito sa kabilang linya. “Nagpa-checkup ako kanina tungkol sa nararamdaman ko. Mamaya na tayo mag-usap. Basta ang alam ko lang ay magiging tatlo na tayo dito sa bahay.”
Hindi na nakaimik pa ang lalaki at ibinaba na lamang ang telepono. Bingi na siya sa mga kasunod na sinabi ng misis niya dahil nag-uumapaw ang kaligayahan sa kaniyang puso.
“Pare, okay ka lang?” natatawang tanong ni Andy.
“Pare! Magiging daddy na ako!” masayang wika ni Jeff. Nagtatalon pa. Natuwa naman ang kaniyang kaibigan at tinapik pa siya sa balikat.
Maya’t maya ang sulyap ni Jeff sa orasan at nang sumapit ang uwian ay para siyang kidlat na mabilis na lumabas ng opisina. Pero hindi muna siya umuwi.
Dumiretso siya sa mall, sa grocery. Bumili siya ng gatas pangbuntis at mga prutas. Dinamihan niya ang manggang hilaw dahil karamihan sa mga nagdadalantao ay iyon ang pinaglilihian.
Bumili rin siya ng baboy at alamang dahil siya mismo ang magluluto ng bagoong. Dalawang klase para sigurado.
Ngiting-ngiti siya nang ibinaba ang mga bitbit bago sinususian ang bahay. ‘Di na siya kumatok. Baka mapagod pa ang misis niya sa paglalakad palapit sa pinto.
“O, bakit ‘di ka na lang kumatok? Ang dami mong dala…” Hindi na natapos pa ni Tere ang sasabihin dahil niyakap na ito ni Jeff nang pagkahigpit-higpit.
“Ang saya-saya ko,” masuyong bulong ng lalaki.
Parang nawi-weirduhan naman ang kaniyang misis pero napangiti rin ito. Na agad namang nawala nang marinig ang kasunod na sinabi ni Jeff.
“Pasensya ka na kung napahigpit ang yakap ko. Naipit yata si baby. Ang dami kong binili, hon. Ano ba ang pinaglilihian mo? Sabihin mo lang, ha. Kahit na madaling araw lalabas ako at ibibili kita. Tsaka kailan ba tayo babalik sa doktor? Ay naku, ang kulit ko.”
Yumuko pa ang lalaki at tumapat sa tiyan ng kaniyang misis. “Baby, sorry kung ang ingay ni daddy, ha? Mahal na mahal kita. Kayo ng mommy mo.”
Tulala si Tere. Hindi naman kasi iyon ang sasabihin niya. Higit sa lahat ay hindi naman siya buntis!
Nahalata ni Jeff ang pagiging maputla niya kaya nagtanong ito. “Nahihilo ka ba? Ano ang nararamdaman mo? Buhatin kita sa kwarto gusto mo?”
“Hon.” sabi na lang ng babae.
“Bakit?” tanong ng nag-aalalang mister.
“Hon, hindi mo yata ako naunawaan sa phone kanina. Nagpa-checkup ako at sabi ng doktor kaya ako nahihilo ay dahil low blood ako,” nakatungong sabi ni Tere. ‘Di niya kayang makitang mawasak ang puso ng mister.
Natahimik ang lalaki. Napaatras pa nga. Hindi ito makapaniwalang nagsalita “Pero sabi mo magiging tatlo na tayo rito sa bahay.”
Doon naman bumaba ang ina ni Tere mula sa hagdan.
“Magiging tatlo na tayo kasi ipagpapaalam ko sana na dito muna titira si mama. Nagpapa-renovate kasi siya ng bahay, ‘di ba? Dito muna siya magbabakasyon sana,” tugon ni Tere.
Walang imik na lumabas si Jeff. Laglag ang kaniyang balikat.
Noong gabing iyon ay umiyak lang nang umiyak si Tere. Nais niyang tawagan ang lalaki at humingi ng sorry pero alam niya namang hindi mapaghihilom noon ang sugat nito. Hindi niya mabibigay sa ngayon ang kaligayahan nito, ang magkaroon ng anak.
Labis rin ang takot niya dahil baka ang kaganapan noong araw na iyon ay ang huling baraha para sukuan siya ni Jeff. Paano kung sa paglabas nito ay may makilala itong babae na healthy ang matris? Na kaya itong bigyan ng pamilya? Paano na siya? Paano na sila? Diyos ko po!
Nakatulugan na ng babae ang pag-iyak. Naalimpungatan na lang siya nang maramdamang may humahaplos sa kaniyang mukha. Panaginip ba ito?
Nakaupo sa tabi ng kama ang kaniyang mister. May bitbit na bulaklak. Dalawang bungkos iyon. Ang isa ay nakalapag sa mesang nasa tabi ng higaan.
“Hon?” tanong ni Tere. Napabangon bigla.
Hindi nagsasalita ang lalaki. Nakangiti lang. Minamasdan siya.
“Hon, I’m so sorry. Mali kasi ako ng pagkasabi kaya na-misinterpret mo. Sorry kung hindi tayo match. Sorry dahil baka ako ang may diperensya. Sorry kung hindi malusog ang sinapupunan ko para magka-baby tayo. Sorry sa lahat,” humahagulgol na wika ni Tere.
Hinaplos muli ng lalaki ang pisngi niya tapos ay hinalikan siya sa noo.
“Alam mo ang sakit ng dibdib ko kagabi kaya umalis muna ako. Nag-isip-isip rin. Nawalan na ng pag-asa sa totoo lang. Akala ko kasi iyon na, eh. Pero bigo ulit. Negative,” malungkot na pahayag ni Jeff.
“Iyan din ang sabi ko. Baka hindi tayo match. Pero alam mo ba may bigla akong naalala. Ano ba ang dahilan kung bakit sa tinagal-tagal na wala tayong anak ay heto pa rin ako? Kinapa ko ang puso ko. Kasi mahal kita, Tere. Hindi dahilan ang ‘di tayo makabuo para sukuan iyon. Mahal kita may anak man o wala,” pagpapatuloy ng lalaki.
“Ako ang dapat na mag-sorry. ‘Di mo dapat maramdaman na kulang ka. At sana huwag mo ring isipin na ayaw kong nandito si mama. Nauna lang ang emosyon ko kagabi. Puwede siyang tumira rito kahit habang buhay pa kasi bahay niya na rin ito,” nakangiting sabi ni Jeff.
Umiiyak na hinalikan ng misis ang kaniyang asawa. Ang suwerte-suwerte niya.
Ang isa palang bulaklak na binili ni Jeff ay para sa biyenan. Paraan niya ng paghingi ng tawad sa inasal niya kagabi.
Ipinagpatuloy ng mag-asawa ang kanilang masayang samahan at ‘di nagtagal ay dininig ng Diyos ang kanilang mga dalangin. Sa pinaka hindi inaasahang pagkakataon ay natuklasan ni Tere na buntis siya. Triplets pa!
Sabi nga nila may sariling timing ang Panginoon. ‘Di man natin makuha ang minimithi ng ating puso ngayon ay tiyak na ibibigay Niya rin ang mga iyon sa tamang panahon.