Ang Plano Niya sa Buhay Ko

Wala nang mahihiling pa si Aimee sa buhay niya. Masaya at kontento na siya kung ano ang mayroon siya.

Kilala ang kaniyang pamilya sa kanilang lugar. Siya ang pinakapaborito at bunsong anak ng kaniyang mga magulang. Sino ba naman ang hindi magmamahal sa dalaga? Mabait, maganda, napakatalino at napakamasunuring bata ni Aimee. Lahat ay kinagigiliwan siya.

“Happy 6th Anniversary, babe!” magiliw na bati ng nobyo ni Aimee sabay halik sa pisngi ng dalaga at ibinigay dito ang isang tangkay ng puting rosas. Ito kasi ang paboritong bulaklak ng dalaga.

“Happy anniversary!” ganting bati ng dalaga sa nobyo at ginawaran ang lalaki ng matatamis na ngiti.

Matagal nang magkasintahan ang dalawa. Pormal na niligawan ng lalaki si Aimee at hiningi ang permiso ng pamilya nito.

Wala namang naging problema sa magulang ng dalaga dahil nakikita naman nilang tapat ang binata sa layunin nito sa dalaga. Hindi rin naman pinababayaan ng dalawa ang kanilang pag-aaral kaya naman wala silang makitang rason para tutulan ang relasyon ng dalawa.

Sa katunayan ay itinuturing na din ng pamilya ni Aimee na miyembro na ng kanilang pamilya ang binata. Kung ang magulang ng dalaga ang tatanungin ay ang binata na ang gusto nilang makatuluyan ng kanilang pinakamamahal na anak. Alam kasi nila na labis na nagmamahalan ang dalawa at hindi magagawang saktan ng binata si Aimee.

Kakatapos lang ni Aimee sa kolehiyo noong isang taon. Nakapagtapos ang dalaga ng may maraming karangalang natanggap at gaya ng inaasahan ng karamihan ay agad niya ding naipasa ang licensure exam niya kaya naman wala siyang problema pagdating sa paghahanap ng trabaho. Siya pa nga ang pinipilahan ng trabaho.

Advertisement

“Alam mo sobrang suwerte mo sa buhay, noh? Parang wala kang problema sa mundo. Galing ka sa magandang pamilya, maganda, matalino, mabait at may mapagmahal na nobyo na handang gawin ang lahat para sa iyo.” Ito ang madalas na sabihin ng mga kaibigan ni Aimee sa kaniya. Ngiti na lamang ang isinasagot ng dalaga sa tuwing naririnig niya ang mga katagang iyon.

Alam ng dalaga kung gaano siya pinagpala sa buhay at taos-puso siyang nagpapasalamat sa Diyos sa mga biyayang kaniyang natatanggap sa araw-araw kaya nga pinili niya ang maging isang guro dahil gusto niyang maibahagi sa bagong henerasyon ang kaniyang mga natutunan sa kaniyang buhay. Gusto niyang maging parte sa paghuhubog ng mga bagong pag-asa ng bayan.

Mahilig din ang dalaga sa mga bata. Sa katunayan ang tanging pangarap niya sa buhay maliban sa kagustuhang maging isang guro ay ang maging ina sa tatlong anak. Hindi niya naman daw kailangan ng marangyang buhay gaya ng inaasahan ng karamihan. Ang nais niya lamang ay mamuhay ng simple kasama ang kaniyang magiging pamilya at mamuhay ng masaya.

“Ilang araw ba kayong mananatili roon, anak?” tanong ng ina ni Aimee isang gabi habang tinutulungan ang anak sa pag-iimpake. Paalis kasi ang dalaga kinabukasan para dumalo sa isang pagtitipon ng mga guro ng iba’t ibang campus ng paaralang kaniyang pinagtatrabahuan.

“Tatlong araw lang po, ma. Huwag po kayong mag-alala. Sigurado naman po akong ligtas doon. Tsaka marami naman po kaming kasama,” pagpapanatag ng dalaga sa loob ng kaniyang ina.

Kinabukasan ay maagang nagtungo si Aimee sa kanilang paaralan dahil doon sila magkikita-kita at susunduin ng kanilang school bus papunta sa isang retreat house kung saan gaganapin ang kanilang pagtitipon kasama ang ibang mga guro ng ibang campus.

Maghahapon na din nang nakarating sila Aimee sa retreat house kung saan gaganapin ang kanilang pagtitipon. Pinagpahinga muna silang lahat at kaniya-kaniyang ayos muna ng kanilang mga gamit. Tatlong araw din silang mamamalagi doon. Kasama niya sa iisang kwarto ang dalawa ring guro sa paaralang kaniyang pinagtatrabahuan.

Halos magkakasing edad lamang silang tatlo. Roselia at Cherry ang pangalan ng dalawa. Dalaga pa si Roselia samantalang si Cherry naman ay kakakasal pa lamang nung nakaraang taon at katatapos lamang manganak mga tatlong buwan na ang nakalilipas.

Advertisement

Mabilis na natapos ang dalawang araw. Bagama’t nag-eenjoy naman sa mga activities na kanilang ginagawa ay hindi mapigilan ni Aimee na maging balisa. May pakiramdam siyang may mangyayaring kakaiba sa gabing ito na tuluyang makapagbabago sa buhay niya ng tuluyan.

“O siya, Aimee, mauuna na kami, ha. Bilisan mo na riyan at baka mahuli ka pa sa misa,” paalam nina Roselia at Cherry bago siya tuluyang iniwan at nauna na sa chapel ng retreat house kung saan gaganapin ang huling misa bago sila umalis. Ito na kasi ang kanilang huling gabi rito at uuwi na sila kinabukasan.

Nagsimula ang misa ng maayos at wala namang naging problema hanggang sa binuksan at kinuha na ang lagayan ng ostiya. Bigla na lamang napaiyak si Aimee. Napatingin siya sa altar at may nakita siyang mata sa loob ng munting lagayan na iyon.

Hindi niya alam kung paano pero alam niyang mga mata iyon ng Diyos at habang nakatitig siya sa mga matang iyon at lumuluha ay para bang sinasabi Nito sa kaniya na “Anak, halika na sa tabi ko at pagsilbihan ako. Ito ang plano Ko sa buhay mo. Halika na at umuwi sa tabi Ko.”

Pagkatapos ng misa ay agad na dumiretso sa kaniyang silid si Aimee at habang lumuluha ay kumuha siya ng papel at gumawa ng sulat.

Kinabukasan pagkauwi niya sa kanila ay kinausap niya ang kaniyang mga magulang kasama ang kaniyang mga kapatid at nobyo.

“Ano? Sigurado ka ba diyan, anak?” hindi makapaniwalang tanong ng ama ni Aimee. Tumango lamang ang dalaga. Hindi makapaniwala ang lahat sa kaniyang sinabi.

“Paano ako? Hindi ba ang plano natin ay sa susunod na taon na tayo magpapakasal,” nasasaktang pahayag ng nobyo ng dalaga.

Advertisement

Hinawakan ni Aimee ang kamay ng kaniyang nobyo at isa-isang tinignan ang miyembro ng kaniyang pamilya bago malugod na nagsalita.

“Patawarin niyo sana ako. Kahit na ako ay nabigla din sa mga nangyari. Hindi ko din alam kung bakit ako. Hindi ko man maipaliwanag sa inyo ng maayos sa paraang maiintindihan niyo ng lubos gaya ko pero sana ay magtiwala kayo sa akin na sigurado akong ito ang planong inilaan Niya para sa akin. Ito ang landas na dapat kong tahakin.”

Walang nagawa ang lahat dahil nakita nilang desidido na si Aimee sa kaniyang desisyon. Pinakita ng dalaga ang sulat na kaniyang natanggap mula sa headquarters ng mga madre kung saan siya sumulat at inilathala ang nangyari sa kaniya at ang kaniyang kagustuhan na magsilbi sa Diyos dahil alam niyang ito ang nais Niya.

Ilang araw lang ang lumipas at pumasok na si Aimee sa kumbento kung saan niya inumpisahan ang kaniyang paglalakbay bilang isang ganap na taga-silbi ng Diyos. Hindi rin nagtagal ay naging ganap na din siyang madre at naging tagapamahala din ng ilang campus. Nakapaglakbay din siya sa iba’t ibang mga bansa habang patuloy na ipinalalaganap ang salita ng Diyos.

Hindi man natupad ng dalaga ang kaniyang pangarap na magkaroon ng tatlong anak ay binigyan naman siya ng Diyos ng higit pa roon. Sa dami ng mga batang naalagaan at patuloy niyang inaalagaan ay pakiramdam niya’y hinigitan pa ng Diyos ang hiling niya dahil hindi lang naging tatlo ang anak niya kung ‘di libu-libo pa. Hindi man galing sa kaniyang sinapupunan ay itinuring niyang mga anak ang mga estudyanteng nag-aaral sa paaralang pinamamahalaan niya pati ang mga batang kaniyang nakilala sa kaniyang pagsisilbi sa Diyos.

Madalas sa buhay natin ay may mga nangyayari na hindi natin maipaliwanag ng maayos pero alam nating ito ang dapat. Ito ang nakatakda. Ito ang plano Niya. Mararamdaman mo iyon sa iyong puso at malalaman mo kung Siya ang iyong kausap. At sa pagkakataong iyon ay wala ka nang magagawa kung ‘di ang sumunod at magtiwala sa Kaniyang plano para sa’yo.

Gaya na lamang ni Aimee na sa ngayon ay masaya pa ring naglilingkod sa Diyos. Hindi man inaasahan at maging siya ay nabigla sa malaking pagbabago sa kaniyang buhay ay wala siyang ni katiting na pagsisisi sa mga desisyong nagawa niya.