Inday TrendingInday Trending
Ang Sugarol Kong Ama

Ang Sugarol Kong Ama

“Ano? Ipinangtalo mo na naman ‘yung pera?” sigaw ng nanay ni Milo sa kaniyang amang kararating lang galing na naman sa sugal.

“Hindi ko naman sinasadya, eh. Dapat kasi panalo na ‘yun kaso biglang hindi pumabor sa’kin ang mga baraha. Nakakainis! Sadyang minalas lang talaga, mahal. Huwag kang mag-alala. Siguradong sa susunod ay panalo na ako,” sagot naman ng kaniyang ama.

“Naku, Martin, tigil-tigilan mo ko. Alam mo ba ang hirap ko para malikom lamang ang halagang iyon? Paano na ngayon ‘yan? Wala na tayong pambayad sa bahay at lupa natin na isinanla mo! Saan tayo titira kung nagkataon?” galit na galit na sigaw pa rin ni Aling Mila.

“Huwag ka nang magalit, mahal. Huwag kang mag-alala. Mababawi ko rin iyon. Siguradong sa susunod ay mananalo na ako, okay?” malambing na saad ni Mang Martin sa asawa at niyakap ito para kahit papaano ay maibsan ang galit nito.

Alam na alam ni Mang Martin kung paano palalambutin ang puso ng kaniyang asawa kaya kahit na halos maubos na ang kanilang mga ari-arian dahil sa pagsusugal niya ay walang magawa ang asawa dahil hindi siya nito matiis.

Nagsimula ang pagsusugal ni Mang Martin nang minsang isinama ito ng mga katrabaho sa isang casino. Nawili ito masyado nang minsang manalo ng malaking halaga.

Magmula noon ay naging gawain na ni Mang Martin ang pagsusugal. Umaasang mananalo ulit ng malaking halaga sa isang bagsakan lamang. Hindi niya namamalayan na malaki na pala ang natatalo sa kaniya. Sa kagustuhang mabawi ang natalo ay isa-isa nitong isinangla ang kanilang mga lupain sa probinsya at iba pang mga ari-arian ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ay mas nabaon lamang siya sa utang.

At ngayon nga ay ang bahay at lupa na lamang na kanilang tinitirahan ang natira sa kanila kaya naman lahat ay ginagawa talaga ni Aling Mila para makalikom ng perang pangtubos. Pero imbes na ipambayad ay ipinangsugal pa ito ni Mang Martin.

Lubog na lubog na ang kanilang pamilya sa utang at hindi na malaman ni Aling Mila kung saan pa kukuha ng pera para ipambayad sa mga ito. Nagsisimula na rin silang habulin ng kanilang mga pinagkakautangan.

“Ano? Hindi! Hindi ka aalis ng bansa! Paano na lang kami ng anak mo, ha?” pagtutol ni Mang Martin sa asawa.

“Tingin mo ba gusto ko ring umalis, ha? Mag-aabroad ako hindi dahil gusto ko kung ‘di dahil kailangan! Dahil lubog na lubog na tayo sa utang gawa ng kakasugal mo! Hindi ka ba naaawa sa’min ng anak mo? Lalung-lalo na kay Milo? Ito na lang ang tanging paraan para unti-unti tayong makabangon,” paliwanag naman ni Aling Mila sa asawa.

Naisipan kasi ng ginang na magtrabaho na lamang sa abroad para makabayad sa mga utang nila, para mabawi din nila ang bahay at lupa na naremata na dahil sa hindi nila ito nabayaran sa tamang oras.

Labag man sa loob nilang lahat ay wala na silang nagawa nang umalis si Aling Mila para magtrabaho sa abroad.

Simula nung umalis si Aling Mila ay unti-unti ring lumayo ang loob ni Milo sa kaniyang ama. Ito kasi ang dahilan kung bakit kinakailangang mag-abroad ng kaniyang ina.

Sa pagkawala ng asawa at paglayo ng loob ng kaniyang anak ay doon lamang napagtanto ni Mang Martin ang bigat ng kapalit ng kaniyang kapabayaan. Nang dahil sa kaniyang labis na pagkalulong sa sugal ay ang pamilya niya ang labis na nagsasakripisyo at naghihirap.

“Hello, ma, miss na miss na po kita. Kailan ka po ba uuwi dito?” naiiyak na tanong ni Milo sa ina habang kausap ito sa telepono. Ilang buwan na rin kasi simula nung umalis ang kaniyang ina para magtrabaho sa abroad.

Tutuloy na sana si Mang Martin sa kwarto niya nang bigla na lamang bumagsak ang kaniyang anak pagkababa nito ng telepono. Agad niyang dinala si Milo sa pinakamalapit na ospital dahil inaapoy ito ng lagnat at nangangatog.

“Tatapatin na kita. May sakit sa puso ang iyong anak. Malubha na ito at kinakailangan niya ng matinding pag-iingat at agarang operasyon,” saad ng doktor pagkatapos nitong tignan ang kalagayan ni Milo.

“Magkano po ba ang kinakailangang halaga para maisagawa ang operasyon?” tanong ni Mang Martin. “Mahigit kumulang kalahating milyon,” sagot ng doktor.

Labis na nanlumo si Mang Martin sa kaniyang narinig. Saan siya hahanap ng ganoong halaga? Nabawasan man ang mga utang nila ay malaki pa rin ang natitira kaya paniguradong hindi siya makakautang sa mga pinagkakautangan niya.

Halos mabaliw si Mang Martin kakaisip kung saan pupulot ng perang pambayad para sa operasyon ng anak. Hindi niya namalayan na nasa simbahan na pala siya. Bigla na lamang siyang napaluhod na para bang pagod na pagod na.

“Panginoon ko, patawarin Niyo po sana ako sa mga kasalanang nagawa ko. Alam ko pong napakamakasalanang tao ko pero ‘yung pamilya ko po hindi po nila dapat nararanasan ang mga paghihirap na ito ng dahil lamang sa’kin, isang walang kwentang tao. Kung maaari lang po sana ay ako na lang. Huwag na po ang anak ko. Parang awa Niyo na po,” pagsusumamo ni Mang Martin.

“Huwag niyo po muna siyang kukunin. Napakabata niya po. Marami pa po siyang hindi nararanasang gawin. Nangangako po akong magbabago na po ako at aayusin ko na po ang buhay ko at ang pamilya ko. Gagawin ko po ang lahat iligtas Niyo lang po ang anak ko. Parang awa Niyo na po,” pagmamakaawa ni Mang Martin.

“Isinusuko ko na po ang lahat sa Inyo. Kayo na po ang bahala sa’min,” dagdag pa ng lalaki.

Pagkatapos magdasal ay hindi alam ni Mang Martin kung bakit pero bigla niya na lamang kinuha ang natitirang perang meron siya sa bangko at nagpunta sa casino.

“O Diyos ko, gabayaan Niyo po sana ako. Ito na lang po ang naiisip kong paraan,” sambit ni Mang Martin.

Hawak-hawak ang huling perang meron siya ay nangangamba siyang pumasok sa casino para sa huling pagkakataon ay makipagsapalaran sa kamay ng mga baraha.

Tinupad ni Mang Martin ang kaniyang pangako sa Diyos pagkatapos manalo ng isang milyon sa casino nung gabing iyon. Ginamit niya ang pera para sa operasyon ng anak at ipinambayad ang sobra sa ibang mga utang nila.

Isang taon na ang nakalilipas mula nung maoperahan si Milo. Pagkatapos ng operasyong pinagdaanan nito ay unti-unti nang gumaling ang bata hanggang sa tuluyan nang nanumbalik ang lakas at sigla nito.

Nakatakda na ring umuwi ni Aling Mila sa Pilipinas sa susunod na taon.

Gaya ng kaniyang ipinangako ay ‘yun na ang huling beses na pumasok si Mang Martin sa isang casino para magsugal. Tuluyan na itong nagbago at pilit na inaayos muli ang buhay nila.

Unti-unti na naman silang nakakabangon.

Pansamantala mang naligaw ng landas ay hindi naman nawalan ng pag-asa si Aling Mila na magbabagong muli ang kaniyang asawa at babalik sila sa isang masayang pamilya bago nagsimulang malulong sa sugal si Mang Martin.

Marami man ang pinagdaanang hirap ay patuloy na nagpapasalamat ang kanilang pamilya sa pagkakataong ibinigay sa kanila ng Diyos para ayusin ang lahat.

Advertisement