Inday TrendingInday Trending
Tuloy Pa Ba Ang Kasal?

Tuloy Pa Ba Ang Kasal?

Punumpuno ng rosas ang paligid. Pumapailanlang ang isang musika sa saliw ng piano at violin. Magagandang tanawin. Kumikislap ang mga bituin mula sa pusikit na gabi. Kinikilig si Jacinta sa sorpresang dinner date nila ng kaniyang kasintahang si Roy. Ikatlong taon na nilang magkasintahan.

Kolehiyo pa lamang ay magkakilala na sina Jacinta at Roy. Kilala si Roy dahil ito ay certified crush ng bayan at pangulo ng Supreme Student Government sa kanilang campus. Si Jacinta naman ay editor-in-chief ng opisyal na publikasyon ng kanilang unibersidad. Nagkakilala ang dalawa sa isang seminar kung saan pinadalo ang mga pinunong mag-aaral sa kanilang campus. Kaya nang sila ay magkapalagayan ng loob at maging magkasintahan, marami ang natuwa. Perfect couple daw sila.

“Nagustuhan mo ba ang place?” tanong ni Roy kay Jacinta. Tinawag nito ang waiter. Inutusan nitong lagyan ng read wine ang kanilang mga kopita.

“Oo naman. Very cozy and classy. Very romantic,” tugon ni Jacinta. Kinuha nito ang kopita at nag-toast sila bago sumimsim ng wine.

Isinilbi na ang kanilang mga pagkain. Masaya silang nagkuwentuhan. Maya-maya, hinawakan ni Roy ang kaliwang kamay ni Jacinta. Naglabas ito ng isang maliit na pulang kahon. Natunugan na ito ni Jacinta.

“Yes,” sagot ni Jacinta.

Nangunot ang noo ni Roy. “Anong yes?”

“Alam kong magpo-propose ka. Kaya I’m saying yes…” pangunguna ni Jacinta kay Roy.

Humagalpak ng tawa si Roy. Napamaang naman sa kaniya si Jacinta.

“Wait, mali ba ako? Hindi ba proposal ring iyan? Sorry, all I thought…” napahiyang sabi ni Jacinta.

“No. No. You are right babe. Natawa lang ako kasi inunahan mo ako. Ibang klase ka talaga. You really are an empowered woman,” sabi ni Roy sabay labas ng 24-karat na diamond ring.

“Huwag mo naman ako i-spoil. Let me ask you the question. Will you marry me?” tanong ni Roy. May paluhod-luhod pa ito.

“I just answered that. Big yes!” sagot ni Jacinta. Lumapit sa kaniya si Roy at hinagkan siya sa noo, pagkaraan ay sa pisngi.

Isa sa mga nagustuhan ni Jacinta kay Roy ang pagiging maginoo nito. De numero kung gumalaw. Hindi makabasag pinggan kumbaga sa babae. Palaayos at mas malinis pa ito sa babae. Minsan, napagkakamalan tuloy itong binabae dahil sa pagiging metikuloso nito sa pisikal na anyo.

Matuling lumipas ang panahon. Matapos ang proposal ni Roy kay Jacinta, nagtungo naman ito sa kaniyang pamilya upang mamanhikan at pormal ang hingin ang kamay ng fiancee sa pamilya nito. Sumunod ay naisaayos na ang mga pangangailangan sa kasal. Kinuha nitong wedding coordinator ang kaibigang si Joseph, ang beking kaibigan ni Roy.

“Wala na kayong iisipin sa inyong wedding. You will just have to relax and enjoy the precious moment! Ako nang bahala sa lahat ng pagpaplano!” pangako sa kanila ni Joseph.

Naging mabilis ang pagkilos ng lahat. Handa na ang simbahan, ang reception, ang mga imbitasyon, maging ang kanilang pulot-gata. Habang palapit ang araw ng kasal, hindi maintindihan ni Jacinta ang nararamdaman. Kumonsulta siya sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho na may asawa na.

“Mahirap ang buhay may-asawa. Getting married is easy pero staying in the marriage is hard. Tama ang mga matatanda. Hindi ito kaning mainit na kapag sinubo at napaso ka eh pwede mong iluwa,” payo ng isang kasamahan na hindi na masaya sa kaniyang asawa.

“Malalaman mo lang ang tunay na ugali ng mapapangasawa mo kapag nagsasama na kayo sa iisang bubong,” giit naman ng isa pa niyang kasamahang hiwalay naman sa asawa.

Labis na binabagabag si Jacinta. Magulo ang kaniyang isipan. Nagtatalo ang kaniyang isip at puso. Parang gusto niyang magback-out sa kasal. Paano kung ayaw pa niyang maging misis at magkaroon ng anak? Nalilibang pa siya sa kaniyang career. Paano kung iba pala si Roy? Puro paano. Sa gabi bago ang nakatakdang araw ng kasal, nagtungo siya sa condo na tinutuluyan ni Roy.

“Babe? What are you doing here?” takang tanong ni Roy sa mapapangasawa. Umiiyak si Jacinta.

“Babe, mahal na mahal kita. Pero hindi ko pa pala kayang magpakasal,” lumuluhang sabi ni Jacinta. “I-postpone muna natin. Kailangan ko munang makapag-isip-isip. Masyadong mabilis ang mga pangyayari,” sabi ni Jacinta. Hinubad niya ang engagement ring at isinauli ito sa nakatulalang si Roy. Bumalik siya sa kaniyang tinutuluyan at agad na nag-impake. Kailangan niyang magpakalayo-layo upang makapag-isip.

Sumakay siya ng bus patungong Batangas. Nagtungo siya sa Puerto Galera upang makapag-isip. Pinatay niya ang kaniyang cellphone upang walang makatawag sa kaniya. Hindi rin niya sinilip ang kahit na anong social media. Kailangan niyang maliwanagan. Sinabihan din niya ang kaniyang boss na liliban muna siya sa trabaho.

Makalipas ang isang linggo, nakapag-isip-isip na si Jacinta. Nahimasmasan na siya. Handa na niyang kausapin ang fiance. Haharapin na niya si Roy.

Pagkabalik sa Maynila, nagtungo siya kaagad sa condo nito. Bumili siya ng paborito nitong cake para sa peace offering. Pero paano kung hindi na siya tanggapin ni Roy?

Nagulat si Jacinta na ang nagbukas ng pinto ng silid ni Roy ay si Joseph. Hubad-baro ito. Nagulat din ito pagkakita sa kaniya.

“Jacinta?” naibulalas ni Joseph.

Subalit mas lalo siyang nagulat dahil nakita niyang hubad-baro din si Roy at nakatapis lamang ito ng tuwalya. Tuluyang pumasok si Jacinta sa loob ng silid.

“A-anong ibig sabihin nito?” tanong niya sa dalawa.

“A-akala ko… wala ka na…” sabi ni Joseph kay Jacinta.

“Babae ako. Kailangan kong mag-isip. Can you please explain to me what’s going on?” nahihisteryang tanong ni Jacinta.

“You have the right to know the truth. May relasyon kami, Jacinta. Matagal na kami ni Joseph. Mas naunang maging kami bago tayo. B*kla ako,” pag-amin ni Roy. Hindi makapaniwala sa kaniyang narinig si Jacinta.

“Gusto nila mama at papa na magkaroon ako ng sariling pamilya. Family pressure. Kaya kita niligawan para mapagtakpan ang tunay kong kasarian. Pero along the way, minahal na rin kita. Totoo lahat ng ipinakita at ginawa ko sa iyo. Nag-usap na kami ni Joseph. Pumayag na siya na pakasalan kita.” paliwanag ni Roy.

“Mga manloloko! Mga hayop kayo!” lumuluhang sabi ni Jacinta.

“Nagparaya ako, Jacinta. Ibinigay ko sa iyo si Roy dahil akala ko’y kaya mo siyang panindigan. Mahal ko siya. Pero hindi natuloy ang kasal dahil sa kagag*han mo! At ngayong pinakawalan mo siya, akin na ulit siya,” sabi ni Joseph kay Jacinta.

Hinarap ni Jacinta si Roy. “Sino ang mas mahal mo sa aming dalawa? Nandito na ako. Ituloy na natin ang kasal! Sino ang pinipili mo sa amin?”

Napatingin si Roy sa kanilang dalawa. ‘God knows na mahal ko kayong dalawa. But I choose the person na hindi ako iniwan. I’m choosing Joseph. I’m sorry, Jacinta.”

Sising-sisi si Jacinta sa ginawa niyang pag-iwan kay Roy. Subalit sa kabilang banda, naging masaya na rin siya para dito dahil nagawa nitong magpakatotoo sa kaniyang sarili. Masakit mang piliin nito si Joseph, ayos na rin iyon dahil kung natuloy man ang kasal nila ni Roy, panghabambuhay lamang nitong lolokohin ang sarili.

Nagpakalayo-layo na lamang si Jacinta at hindi naglaon, nakatagpo niya ang isang lalaking tunay na nagmahal sa kaniya. Nagpakasal naman sina Roy at Joseph sa bansang legal ang same-sex marriage.

Advertisement