Inday TrendingInday Trending
Akin Ang Mansyon!

Akin Ang Mansyon!

“O, tutal wala na ang nanay at tatay, sa akin na ang bahay at lupa, ha? Ako naman ang panganay, eh. Sigurado ako sa akin nila gustong ibigay ‘yon,” sambit ni Adrian habang todo masid sa hawak niyang titulo ng lupa, nag-almahan naman ang kaniyang mga nakababatang kapatid.

“Hindi naman pwedeng ganoon, kuya. Bunso ako, hindi ba dapat sa akin ang bahay katulad ng pamahiin ng mga matatanda?” pagsalunghat ni Patricia saka hiniklat ang titulong hawak ng kaniyang kuya.

“Aba, saglit, parang pinagkaitan niyo naman ako! Kahit naman pangalawa ako sa. magkakapatid, ako naman ang may ambag sa bahay na ito! Ako kaya ang nagpaayos ng bubong at gate nito!” sumbat naman ni Jaimee saka hinablot rin ang titulong hawak ng kapatid.

“Wala kayong magagawa! Ako ang panganay, sa akin ang bahay!” sigaw ng panganay saka muling hinila ang titulo ng kanilang bahay.

“Hindi pwede! Kuya!” sabay na tugon ng dalawang babae saka tinangkang hablutin muli ang titulong hawak ng panganay. Ngunit kaagad itong naitakbo ng kanilang kuya.

Wala pang isang buwan nang sumakabilang buhay ang kanilang mga magulang. Naaksidente ang sinasakyang eroplano ng mga ito ng minsang balaking magbakasyon sa Amerika. Ngunit imbes na magluksa ang magkakapatid, nagsimula na agad silang pag-agawan ang kanilang mansyon kung saan silang lumaki lahat.

May mga kaya naman ang magkakapatid ngunit tila nais nilang lahat makuha ang mansyong naipundar ng kanilang mga magulang. Bukod kasi sa napakaganda nito, napalaki ng lupang tinatayuan ng naturang bahay na pwedeng tayuan pa ng ibang establisyimentong pwede nilang pagkakitaan. Maaari naman sana nilang paghatian ito dahil nga sa kalahikang mayroon ang lupa, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, ganoon na lang lumabas ang pagkagamahan ng magkakapatid.

Pagkatapos tumakbo ng panganay na si Adrian, agad siyang hinabol ng dalawang nakababatang kapatid. Dahil nga sa mas bata ang bunso, agad siya nitong naabutan at hiniklat ang titulo, pilit itong hinihiklat ng lalaki pabalik sa kaniya, hanggang sa maabutan sila ni Jaimee at nakihablot rin ito dahilan upang tuluyan itong mapunit sa tatlo.

“Ayan na nga bang sinasabi ko! Hindi niyo ba alam na napaka-importante ng dokumentong ito? Nakakainis! Paano na ngayon ‘yan, ha?” dismayadong sambit ni Adrian.

“Lahat tayo may kasalanan, huwag kang magmalinis d’yan! Ikaw nga ‘tong unang tumakbo!” bulyaw pa ni Jaimee.

“Naku, akin na nga ‘yang mga pirasong ‘yan! Tiyak hindi matutuwa ang mommy at daddy sa pag-aaway na ito!” sambit ni Patricia saka binuo sa lupa ang mga piraso ng punit na titulo. Ngunit habang binubuo niya ito, napansin niyang may mga salitang kulay pula.

“Sandali, kuya, ate! Basahin niyo, dali!” yakag ng bunso ng mabuo niya ang nasabing dokumento. Sabay-sabay naman binasa ng magkakapatid ang mga salitang ‘yon at halos hindi sila makapaniwala.

Aalma na sana ang panganay ngunit biglang tumunog ang kaniyang selpon. Sinagot niya ito at tila balisa siya sa kaniyang kausap.

“Nasa mansyon daw si attorney, may kailangan daw siyang ipaliwanag sa atin,” walang ganang balita nito.

“Tulong sa bahay ‘yan,” sabay na tugon ng dalawang babae saka sila naglakad pauwi sa kanilang bahay.

Nadatnan nila doon ang nasabing attorney at agad nitong ipinaliwanag sa kanila ang nilalaman ng dokumentong hawak nito. Napag-alamang rin nilang hindi pala orihinal ang kopyang napunit nila.

“Nais ng mga magulang niyo na gawing bahay ampunan ang mansyon,” bunyag nito, dahilan upang mapabuntong hininga ang tatlong magkakapatid at ano-anong mga reklamo ang sinasabi.

“Gustuhin niyo man o hindi, ‘yon ang kagustuhan ng may-ari ng bahay kaya wala kayong magagawa. Nakwento nila sa akin na tiyak pag-aawayan niyo ang mansyon kapag sila’y pumanaw kaya naisip nila ito. Tutal, may sari-sarili naman na kayong ari-arian, mas mabuting ibigay na lang daw ito sa mga kapus-palad,” dagdag pa nito, kitang-kita naman sa mga mukha ng magkakapatid ang pagkadismaya, wala silang magawa kundi sumunod sa kagustuhan ng kanilang mga magulang. Ni singko, wala silang mahihita mula sa mansyong ‘yon.

Wala pang isang buwan, napuno na ng mga batang kalye ang mansyon. May mga madre na ring boluntaryong mag-alaga sa mga batang ito.

Minsang napadalaw ang magkakapatid sa naturang mansyon upang tiyaking nasa maayos na mga kamay ito. Noong una’y lahat sila’y nakasimangot dahil nga wala man lang silang nakuhang mana dito ngunit pagkapasok na pagkapasok nila sa mansyon, agad silang sinalubong ng mga batang naninirahan na doon ngayon.

Labis na nagpapasalamat ang mga ito sa kanila. Ang iba pa nga’y umiiyak pa. May nag-abot sa kanila ng mga bulaklak at mga sulat, saka sila kinantahan ng mga ito ng isang kantang pasasalamat.

Halos hindi makapaniwala ang magkakapatid sa mga nangyayari, dahil sa unang pagkakataon, ngayon lamang sila nakakita ng ganitong kasasayang mga bata. Halos tumulo ang kanilang luha habang pinapakinggan ang handog na kanta ng mga bata.

“Hindi nagkamali ang mommy at daddy sa kanilang desisyon,” sambit ni Jaimee sa mga kapatid niya.

“Oo nga, eh. Talagang may mas nangangailangan ng mansyon bukod sa atin, ” sambit ni Patricia. “Wala akong masabi, sa sobrang saya!” tugon naman ni Adrian.

Simula nang pagkakataon na ‘yon, halos linggo-linggo nang dumadalaw ang magkakapatid sa mansyon dahil upang ganoon sila mapamahal sa mga batang naninirahan na dito ngayon. Sa katunayan nga, nagawa na nilang maipasok sa eskwelahan ang ibang bata na labis na nakapagpagaan ng kanilang loob. Napagtanto nilang mas masarap pala talaga sa pakiramdam ang tumulong kaysa kumabig nang kumabig.

Malason man tayo ng kagustuhang yumaman, asahan nating may hindi akalaing sitwasyon ang uusbong para itama ang ating nalitong mga puso.

Advertisement