Inday TrendingInday Trending
Paborito Nila Ang Kakambal Ko

Paborito Nila Ang Kakambal Ko

“‘Nak, iwan ka muna namin kila lola mo, ha? Tatlong araw lang naman kaming mawawala, iiwan ko na lang kay lola ang allowance mo sa school at pagkain,” paalam ni Aling Mindy sa kaniyang anak habang nag-eempake ng mga damit.

“Saan na naman po kayo pupunta?” pang-uusisa ni Aya, saka naupo sa harapan ng kaniyang ina.

“Sa Amerika, anak. May kailangan lang kaming ayusin ng daddy mo,” tugon ng ginang saka patuloy na nagtiklop.

“Eh, bakit po sabi ni lola kasama daw si Aye?” tanong ng dalaga, bakas sa boses nito ang pagkainggit.

“Ah, eh, ano kasi, eh. Kailangan kasing…” pagdadahilan ng ginang ngunit pinutol ng dalaga ang kaniyang sasabihin.

“Huwag na po kayong magdahilan. Alam ko naman pong siya ang paborito niyo. Ni minsan hindi niyo pa ako nalabas ng bansa, samantalang ‘yang si Aye, halos buwan-buwan kasama niyo sa pag-alis niyo ni daddy,” nguso nito saka pabalang na tumayo mula sa pagkakaupo.

“Anak, hindi naman sa ganoon,” habol ng ginang ngunit hindi na siya inintindi ng dalaga at padabog na isinara ang pintuan ng kaniyang kwarto.

Mula sa mayamang angkan ang pamilyang nabuo ni Aling Mindy at ng kaniyang amerikanong asawa. Halos lahat na ata ng naggagandahang biyaya, nasa pamilya na nila. Isa na rito ang pagkakaroon ng kambal na anak: sina Aya at Aye.

Halos magkaparehas na magkaparehas ang dalawang dalaga. Mula sa buhok hanggang sa kulay ng balat, ang pinagkaiba lang nila, may kapayatan si Aye, ang pangalawa sa kambal.

Katulad sa ibang kambal, tila nakakaramdam ngayon ng inggit si Aya sa kaniyang kapatid. Lagi na lang kasi itong nasa ibang bansa habang siya, palaging nasa bahay at minsan lamang pagtuunan ng pansin ng kaniyang mga magulang. Maswerte na sa isang buwan kung yayain siya ng mga ito kumain sa labas.

Ngayong bente anyos na sila parehas, hindi na mapigilan ng dalagang magreklamo dahilan upang ganoon niya mabastos ang kaniyang ina. Kinabukasan, halos magtatanghali na siyang nagising. Paglabas niya ng kaniyang silid, tanging ang kaniyang lola na lamang ang nandoon.

“Lola, wala na po sila mommy?” pang-uusisa niya.

“Naku, umalis na. Maaga ang flight nila, eh. Hindi ka ba nasabihang maaga sila aalis?” sambit nito, umiling-iling lang ang dalaga, bakas sa mukha niya ang pagkadismaya.

“Ah, ganon ba? Baka nakalimutan lang nila dahil sa pagmamadali. Teka, sabi nga pala ng mommy mo, pakihanap ‘yung envelope na may mga litrato niyo noong bata pa kayo. Balak niya atang gumawa ng scrapbook,” dagdag pa nito.

“Buti pa sa paggawa ng scrapbook may oras siya,” nguso ng dalaga saka nagtungo na sa silid ng kaniyang mga magulang, napabuntong hininga na lamang ang kaniyang lola.

Sobra na ang bigat na nararamdaman ng dalaga. Pakiramdam niya, hindi naman siya mahalaga sa kaniyang mga magulang. Iyak lamang siya nang iyak habang binubuklat-buklat ang mga papeles sa kabinet ng kaniyang ina.

Ngunit may umagaw ng kaniyang atensyon, isang pulang envelope na may nakasulat na “Medical Records” at nakapangalan sa kaniyang kakambal. Halos manlumo siya nang mabasa ang nakasaad sa mga dokumentong nakapaloob dito. Doon na siya labis na umiiyak at halos hindi makagalaw. Narinig siya ng kaniyang lola at agad siyang pinuntahan.

“Pasensya ka na, ha? Hindi naman kasi ako dapat ang magsabi nito sa’yo. Hintayin mo ang mommy at daddy mo, ha? Kumalma ka muna ngayon, nasa mabuting kamay ang kapatid mo,” sambit ng kaniyang lola saka siya niyakap ng mahigpit.

Dumating na nga ang araw ng pagdating ng kaniyang pamilya. Agad niyang sinalubong ng yakap ang kaniyang kakambal. Gulat na gulat naman ito dahil nga alam niyang galit ang kaniyang kakambal sa kaniya.

Nang maibaba na ng kaniyang mga magulang ang kanilang mga gamit, agad na iniabot ni Aya ang envelope na pinapahanap sa kaniya.

“Naku, salamat, anak! Buti nakita mo ‘to? Hindi ko makita-kita ‘to kahit anong hanap ko!” masayang sambit ni Aling Mindy ngunit biglang nag-iba ang pinta ng mukha nito ng iabot niya ang pulang envelope na nakita niya.

“Alam ko na po ang lahat. Bakit niyo naman po pinagkait sa akin ang katotohanan? Bakit hinayaan niyo akong magtanim ng inggit sa kakambal ko habang nasa peligro na pala ang kaniyang buhay?” mangiyak-ngiyak na tanong ng dalaga, agad naman siyang nilapitan ng kaniyang ina saka siya masinsinang pinaliwanagan.

May sakit pala sa utak ang kaniyang kakambal simula pa lamang nang isilang ito. Labis na pinagbawal ng doktor na ipaalam ito sa kaniya dahil tiyak, maaapektuhan ang kaniyang pag-iisip na maaari ring mauwi sa kaparehas na sakit ng kaniyang kakambal.

Doon rin ikinumpisal ng kaniyang ina na kaya pala lagi silang lumalabas ng bansa ay para ipagamot ang kaniyang kakambal. Labis ang iyak ng dalaga nang malaman lahat ng ito. Wala siyang ibang maramdaman kundi awa at pagsisisi sa kaniyang mga itinanim na sama ng loob dito.

Pagkatapos magkwento ng kaniyang ina, agad nitong tinanong, “Ayos na po ba si Aye? Magaling na siya?” lubos ang kaniyang kasiyahan nang tumango-tango ang kaniyang ina dahilan upang mapalundag siya dito saka mayakap nang mahigpit ang kaniyang kakambal.

Matapos ang araw na ‘yon, labis na ang kasiyahang naramdaman ng dalaga. Dahil ngayon, alam na niya ang tunay na dahilan ng pag-alis ng kaniyang pamilya ng hindi siya kasama at hindi dahil ayaw sa kaniya ng mga ito.

Mula noon, lumapit na ang kaniyang loob sa kaniyang kakambal. Sa katunayan, muli nilang binalikan ang kanilang mga nakasanayang gawaing sabay nilang ginagawa at para sa kaniya, wala nang mas sasaya pa roon. Bukod sa naliwanagan na siya, magaling na ang kaniyang kakambal.

Madalas talaga kapag hindi natin alam ang katotohanan, madali para sa atin ang magtanim ng sama ng loob. Ngunit, walang katotohanang ‘di mabubunyag, maghanda ka dahil gigisingin ka nito sa maling nagagawa mo.

Advertisement