“Inampon-ampon niyo ako tapos hindi niyo ako magawang maipasok sa kolehiyo? Edi sana noong una palang, hindi niyo na ako kinuha sa nanay ko! Ganon rin naman, eh. Maghihirap ri n ako sa dulo!” reklamo ni Natalia sa kaniyang amain nang minsang sabihin nitong magpapahinga muna siya sa pag-aaral.
“Anak, pasensya ka na. Hindi naman namin akalain ng mommy mo na malulugi kami ng ganoon. Sa ngayon, si Ate Romilyn niyo muna ang kaya naming pag-aralin. Tutal, tapos ka na sa hayskul, pahinga ka muna. Isang taon na lang naman, makakapagtapos na siya,” paliwanag naman ni Mang Isko saka bumalik sa pagpipipindot sa kaniyang laptop.
“Eh, bakit kailangan kong tumigil? Edi siya ang tumigil tutal isang taon na lang siya, madali na ‘yon kapag may pera na kayo! Ano na lang ang sasabihin sa akin ng ibang tao?” patuloy na alma ng dalaga dahilan upang mainis sa kaniya sa kauna-unahang pagkakataon ang kaniyang amain.
“Mas importante ba ‘yon kaysa sa kalagayan ng pamilya natin?” tanong nito, bigla namang napatahimik ang dalaga dahil sa galit na tono ng boses nito.
“Saka, nagiging bastos ka na, ha? Kung hindi mo kayang maghintay ng isang taon, pasensya ka na pero kailangan mo nang bumalik sa dating pamilya mo. Tinuring ka naming pamilya, pero hindi na tama ‘tong pagmamalaki mo. Masyado nang napanatag ang loob mo. Hindi sa panunumbat pero minahal ka namin kapantay ng mga tunay na anak namin, pero mukhang kami, hindi mo mahal, pera lang namin,” galit na sambit pa nito saka siya nilayasan. Naiwan namang mangiyak-ngiyak ang dalaga dahil ngayon niya lamang nakita magalit ang amain niyang masayahin at maintindihin.
Batang kalye noon si Natalia at walang permanenteng tahanan. Madalas sa kalsada siya nagpapalipas ng gabi o ‘di kaya naman sa mga abandonandong bahay. Tanging panlilimos ang bumubuhay sa kaniya noong mga panahong ‘yon.
Ngunit tila nagbago ang kaniyang pamumuhay nang minsan niyang kalabitin si Mang Isko habang bumibili ito ng cake. Nang bigyan siya nito ng barya, dumaing siya ritong gusto niya ring magkaroon ng tatay na katulad nitong bibilhan siya ng cake kapag kaarawan niya. Labis na naantig ang puso ng lalaki dahilan upang isama siya nito sa kanilang bahay at tuluyan nang ampunin.
Pinag-aral siya nito at binigay lahat ng kaniyang luho ngunit lumipas ang labing dalawang taon, biglang bumagsak ang negosyo ng umampon sa kaniya dahilan upang patigilin muna siya na labis niyang ikinadismaya.
Dahil sa pagkadismaya’t takot sa galit na amain, naisip ng dalaga na umalis na sa puder ng mag-asawa. ‘Ika niya, tutal tapos na siya ng hayskul, hahanap na siya ng trabaho at bubuhayin ang sarili.
Pansamantala siyang nakitira sa bahay ng kaniyang kaklase noong hayskul habang naghahanap ng trabaho.
Nakuha siya bilang tindera sa tindahan ng mga sapatos dahilan upang kahit papaano, matustusan niya ang sariling pangangailangan. Naging masinop sa pera ang dalaga. “Kaya ko naman pala kahit wala sila, eh. Mabuti na rin ‘to, wala nang manunumbat sa akin. Kita mo nga, hindi nila ako hinahanap,” sambit niya sa sarili, isang gabi bago siya umuwi sa bahay ng kaniyang kaibigan.
Ngiting-ngiti siyang pumasok sa bahay nito ngunit agad itong napalitan ng pagkagulat ng tumambad sa kaniya ang magulong bahay na halatang nilooban. Todo sigaw siya dahilan upang magising ang kaniyang kaibigan at ang pamilya nito. Halos manlumo ang mga ito dahil hindi man lang nila naramdaman ang nanloob at natangay lahat ng kanilang mga gadget, pera at alahas.
Nagmadaling nagpunta ang dalaga sa kaniyang tulugan upang tingnan ang kaniyang pera ngunit tumambad sa kaniya ang nakataob ng higaan. Halos mapaluhod ang dalaga dahil lahat ng sahod niya, nawalang parang bula. Maya-maya pa dumating na ang mga barangay tanod at mga pulis. Sinimulang imbestigahan ang nangyari.
Kinabukasan, maaga siyang ginising ng kaniyang kaibigan saka sinabing,
“Pasensya ka na, kailangan mo nang umalis dito. Hindi ka na namin kayang patirahin pa ng libre, lalo na ngayon,” tumango lang siya saka nag-empake ng kaniyang mga damit at agad siyang nagpasalamat sa mga ito saka tuluyang umalis.
Wala nang ibang mapuntahan ang dalaga. Wala rin naman kasi siyang pera ni singko. Napabuntong hininga na lang siya saka sinabing, “Diyos ko, sana po tanggapin pa ako nila Daddy Isko, sila na lang ang tanging pag-asa ko. Kahit po pagalitan nila ako basta tanggapin lang nila ako ulit, ayos lang po!”
Ngunit laking gulat niya nang makitang nakaupo sa tapat ng kanilang bahay ang kaniyang amain at nang matanaw siya nito, tumakbo ito papunta sa kaniya.
“Anak ko!” sigaw nito saka tumakbo at nang makarating sa kaniyang harapan, agad siya nitong niyakap at humingi ng tawad.
“Ako nga po ang dapat humingi ng tawad, tama po kayo, naging mapagmataas na po ako at napanatag. Simula po ngayon, mamahalin ko na kayo ng buong puso. Wala po kayong katulad,” iyak niya sabay mahigpit na gumanti ng yakap sa amain.
Mula noon, natuto na ang dalaga. Hindi na siya nagreklamo sa kagustuhan ng kaniyang amain, bagkus tinulungan pa niya itong mapalago muli ang kanilang negosyo habang nagpapahinga siya sa pag-aaral.
Isang taon lang ang nakalipas, muling namayagpag ang negosyo ni Mang Isko dahilan upang maipasok na sa kolehiyo ang dalaga.
Hindi naman nagtagal, nakapagtapos na ang dalaga at ngayon, ginagawa niya ang lahat upang makabawi sa pamilyang kumupkop at nagmahal sa kaniya kahit pa hindi siya kadugo ng mga ito.
Madalas akala natin basta may pera na tayo, ayos na ang ating buhay. Ngunit lagi nating isaisip, pwedeng mawala sa isang iglap ang pera, ngunit ang pamilya ay pang habambuhay.