“Nakita mo na ba ang post ni George? Nakakainis, no! Tumutulong nga siya pero ipinapakita pa niya sa social media. Napakahambog!” sambit ni Rachel sa kaibigang si Kate.
“Sinabi mo pa. Ultimo pagbibigay niya ng baon niyang sandwich sa pulubi ay ipinapakita pa niya,” tugon naman ng kaibigan.
“Kung gusto niyang tumulong ay dapat hindi na niya idinadaan pa sa social media. Gusto lang ata niyang magpasikat, eh!” naiinis na wika ni Rachel.
Walang ginawa ang dalawang ito kundi kutyain ang pagpopost ng kanilang dating kaklase noong hayskul na si George. Ito naman kasing si George, palaging inilalagay ang kaniyang larawan na tumutulong siya sa kapwa sa social media. Marami tuloy ang napapataas ang kilay sa kaniyang ginagawa. Nagugulumihanan ang lahat ng nakakakita sa kaniyang tunay na intensyon.
“Heto na naman siya, Kate,” sambit ni Rachel sa kaibigan habang ipinapakita ang bagong post na larawan ng binata. “Nagpost na naman siya. Ngayon naman ay binigyan niya ng isang bote ng tubig ang isang batang pulubi. Konti na lamang ay gusto ko nang magkomento sa kaniya at batikusin siya. Masyado siyang pabibo!” inis na sambit ng dalaga.
“Malapit ko na ngang i-block ‘yang si George. Nasusuka na ako sa pagpapakitang tao niya,” wika naman ni Kate.
Kahit na nayayamot ang dalawa ay wala pa rin naman silang tigil sa pahtingin sa mga ipinopost ng binata. Sa bawat araw kasi na mayroong nagagawang mabuti ang binata at inilalagay niya ito sa social media ay tila nauuna pa sila na makita ito.
Isang araw ay naisipan ng batch nila noong hayskul na magkaroon ng group chat.
“Baka puwedeng ‘wag ninyo nang isali si George dito. Wala lang gagawin iyon kundi magpasikat,” pakiusap ni Rachel sa mga dating kaklase. “Ano ba ang opinyon ninyo sa mga ginagawa niya? Hindi ba, masyadong pakitang tao?” dagdag pa ng dalaga.
Sumang-ayon naman ang lahat sa ideya ng dalaga dahil maging sila ay hindi nagugustuhan ang ginagawa ni George. Maliban na lamang sa matalik na kaibigan ng binata na si Ron.
“Wala namang sama sa ginagawa niya. Hindi siguro tama na pinag-uusapan natin siya rito lingid sa kaniyang kaalaman,” sambit ni Ron.
“Pinagtatanggol mo kasi matalik mong kaibigan!” sabat ni Kate.
“May bago na naman siyang post. Tingnan ninyo nga at dalawa lang ang nag-like sa post niya. Paano mo naman kasi ila-like ‘yan e halatang nagpapasikat lang. Gusto niyang mag-viral ang post niya para siguro makilala siya,” wika ni Kate.
“Bakit, Kate?” wika ni Ron. “May mali ba sa pagtulong niya sa kapwa?” pahayag ng binata.
Dito na lamang nila hinintuan ang pag-uusap tungkol kay George. Isang araw ay nagdesisyon ang grupo na magkaroon ng reunion. Ayaw man nilang imbitahan si George ay wala na silang magawa sapagkat nakarating na sa binata ang balita.
“Pupunta ka ba sa reunion, Ron?” tanong ni George sa kaibigan.
“Hindi na lang siguro,” tugon nito. “Huwag na lang tayong pumunta, pare. Dito na lang tayo sa inyo at mag-inuman,” aya niya sa kaibigan. Pinipilit niya si George na huwag na lamang pumunta sapagkat alam niyang magiging siya ang paksa ng mga kuwentuhan doon.
Ngunit desidido na si George na magpunta. “Tara, pumunta na tayo, pare. Matagal na rin tayong hindi nagkikita-kita at nakakapagkuwentuhan. Magandang pagkakataon iyon upang magsama-sama muli tayo,” saad ng binata.
Hindi na pinigilan pa ni Ron si George dahil baka makahalata ito.
Dumating ang araw ng reunion at dumalo sina Ron at George. Nang makarating sila sa piging ay nahalata ni George na tila kakaiba ang tingin sa kaniya ng mga ito. Ang iba pa sa kanila ay nagbubulungan. Sa pagdiriwang na iyon ay wala man lamang gustong kumausap kay George. Kaya ginawa ni Ron ang lahat upang hindi maramdaman ni George ang pagkabagot.
Ilang sandali pa ay hindi na nakatiis pa si George sapagkat ramdam niya ang malamig na pakikitungo ng mga dating kaklase.
“Kung makatingin naman kayo sa akin ay tila may nakakahawa akong sakit o hindi naman kaya ay may nagawa akong kasalanan. Pwede ko bang malaman kung anong maling nagawa ko para pakitunguhan ninyo ng ganito?” pagtataka ng binata.
“Alam mo, George, lahat kami rito ay alam na namin ang karakas mo. Ano ba ang gusto mo talaga? Ang sumikat sa internet o gusto mo lang mahirang na santo?” natatawang wika ni Rachel. “Lahat kami dito ay bumabaligtad ang sikmura sa mga ipinopost mo sa social media. Konting kibot lamang ng pagtulong mo ay kinukuhaan mo ng larawan,” dagdag pa ng babae.
“Bakit, Rachel? Masama na ba ang tumulong sa kapwa?” tanong ni George.
“Hindi nga masama pero nagiging mali ang intensyon mo kung kukuhaan mo pa ito ng litrato at ipopost sa social media. Para kasing iniaangat mo masyado ang sarili mo,” tugon ni Rachel.
“Hindi ganoon ang intensyon ko. Alam mo may kasabihan nga tayo na masusukat ang kalinisan ng kalooban mo sa kung paano ka mag-isip sa kapwa mo,” panimula ng binata.
“Para sabihin ko sa inyo ay hindi ako nagpapasikat. Hindi ko intensyon na gumawa ng ingay sa internet. Pasensiya na kayo kung ganoon ang nagiging dating sa inyo,” sambit pa ni George. “Pero ang tunay kong nais ay ipakita sa bawat isa na sa munting tulong na magagawa mo sa bawat tao ay malaki ang magiging epekto. Ikaw, Rachel, kailan ba ang huling beses na ikaw ay tumulong sa iyong kapwa?” wika niya.
Kinuha ni George ang kaniyang telepono. “Gusto ko lamang tingnan ang lahat ng mga posts ninyo sa social media,” sambit niya.
“Halos lahat sa inyo ay walang ginawa kundi ipagmalaki ang mga bagong gamit na nabili ninyo. Kung gaano kagara ang kotse ninyo o ang inyong bagong cellphone. May ilan pa sa inyo ang nagbabahagi ng ilang larawan ng may mga sakit na nangangailangan. Ngunit tatanungin ko kayo, kailan ba kayo tunay na nagbigay sa kanila?” tanong muli ni George.
“Kailan pa naging mali ang paggawa ng kabutihan kung ang intensyon ko lamang ay magbigay ng inspirasyon sa iba. Kung lahat tayo ay tutulong sa malilit na paraan sa mga taong nangangailangan ay magiging maganda sana ang ating mundo,” dagdag pa ng binata. “Wala akong pakialam kung ganiyan ang tingin ninyo sa akin. Gagawa pa rin ako ng mabuti at kukuhaan ko pa rin ito at ipopost ng may pag-asang isang araw ay may magpapasa din ng kanilang kabutihan sa iba,” pagtatapos ng binata.
Nakaramdam ng hiya ang mga ito sa sinabi ni George. Kung iisipin kasi nila ay madalang kung sila ay magbigay sa nangangailangan ng tulong na bukal sa kanilang kalooban. Humingi sila ng pasensiya sa binata. Mula noon ay nalinawan na sila sa tunay na intensyon ni George at maging sila ay nagsimula na rin na tumulong sa kanilang kapwa sa malaki o maliit mang paraan.
Hindi natin masisisi ang tao kung mag-isip man sila sa tunay na intensyon ng isang tao sa pagtulong sa kapwa at pagpopost nito sa social media. Lalo pa sa panahon na ito ay marami talagang gustong magpasikat lamang.
Hindi pagpapakitang tao ang nais ni George kundi magbigay ng inspirasyon sa iba sapagkat magandang lugar nga naman ang social media upang maka impluwensya ng tao. Ikaw? Kailan ka huling tumulong nang bukal sa iyong puso?