“Congrats, babe! Ang galing mo!” pagbati ni Rica sa kaniyang kasintahang si Steven. “Ano ang pakiramdam mo na isa ka nang ganap na arkitekto?” tanong ng dalaga.
“Sobrang saya ko, babe! Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nakapasa ako. Simula na ito ng pagtupad natin ng ating mga pangarap, babe!” tugon niya sa kasintahan.
Kumuha ng papel at ballpen si Rica sa kaniyang bag. “Sandali lang, babe. Bago ko pala makalimutan, bigyan mo na ako ng numero paraa matayaan na natin agad sa lotto mamaya,” sambit ni Rica.
Apat na taon nang magkasintahan sina Steven at Rica. Kumuha ng pagsusulit si Steven upang maging isang ganapa na arkitekto. Samantalang si Rica naman ay hindi na nakapagtapos pa ng kolehiyo sapagkat salat sila sa buhay.
Sa tagal ng kanilang relasyon ay napagkasunduan ng dalawa na magbibigay sila sa bawat isa ng anim na numero na tatayaan nila sa lotto sa dalawang pagkakataon. Una ay kung sila ay nakakaranas ng lubusang kasiyahan. Naniniwala kasi sila sa kasabihang “when it rain, it pours” o bumubuhos ang biyaya ng sabay-sabay. At pangalawa, ang pagkakataong ayaw nilang maranasan. Kung sila ay dumadanas ng matinding kalungkutan dahil naniniwala naman sila na may kaligayahan pagkatapos ng kalungkutan.
Pabiro silang nangako na kung sila man ay maghihiwalay ay kailangan sila magbigay ng numero at sila ay makakalaya na. Sa loob ng apat na taon na paggawa nila ng ganito ay isang beses pa lang silang nanalo at balik taya pa. Ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa. Alam nila na isang araw ay ibibigay din sa kanila ang kanilang inaasam na mega jackpot.
“5,7, 14, 21, 32 at 40,” sambit ni Steven.
“Salamat! Bago tayo pumunta sa inyo ay dumaan muna tayo ng lotto outlet para tayaan natin ‘to. Nararamdaman ko talaga ngayon ay tuloy-tuloy na ang pasok ng swerte,” nasasabik na wika ni Rica.
Masayang nagtungo ang dalawa sa tayaan ng lotto saka dumeretso sa bahay ni Steven para sa isang munting salu-salo.
Kinagabihan ay binola na ang lotto. Hindi sila pinalad na manalo. Ni walang kaparehas na numero sa kanilang taya ang nabunot.
“Ayos lang ‘yan. Parang alam naman na natin ang mangyayari talaga, eh,” natatawang wika ni Steven.
Hindi naglaon ay nakahanap na ng mapapasukang trabaho si Steven. Sa puntong ito ay muli siyang nagbigay ng numero sa kasintahan. Sa tuwing nakakapagsara ng deal itong si Steven sa kaniyang kliyente ay ganito ang kanilang ginagawa. Kahit na hindi sila nananalo ay tuloy lamang sila sa kanilang tradisyon.
Naging subsob sa kaniyang propesyon si Steven hanggang sa madalang na silang magkita ng kaniyang kasintahan.
“Babe, napapansin ko nawawalan ka na ng oras sa akin. Baka puwede namang tayong umalis sa susunod na Linggo,” paanyaya ni Rica.
“Abala ako, Rica. Alam mo naman ang linya ng trabaho ko. Marami akong tinatapos na gawain,” tugon ng binata.
Ngunit iba ang kutob ni Rica. Lalo na nang malaman niyang masyadong napapalapit ang kaniyang kasintahan sa bago nitong kasamahang babae na arkitekto rin.
Upang mapatunayan niyang mali ang kaniyang kutob ay nagsiyasat siya. Isang araw, naisipan niyang surpresahin ang kaniyang kasintahan sa opisina nito upang sabay sila mananghalian ngunit laking gulat niya sa kaniyang nakita. Papalabas ng opisina si Steven at isang babae ang malambing na nakaakla rito. Napaluha na lamang si Rica sa kaniyang nakita.
Dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan ay ayaw naman niya kaagad na husgahan ang binata. Kahit na ang sinasabi ng kaniyang kutob ay may relasyon ang mga ito ay nais pa rin niyang marinig ang paliwanag ng nobyo.
“Mahal mo na ba siya?” tanong ni Rica sa kasintahan. Hindi naman nakaimik si Steven. “Hindi ako makapaniwala, Steven na itatapon mo na lang basta ang lahat ng pinagsamahan natin. Ang akala ko ay para sa kinabukasan natin ang ginagawa mo pero may iba ka na palang gustong paggugulan ng iyong hinaharap,” umiiyak na sambit ng dalaga.
“Hindi ko naman sinasadya na mahulog ang loob ko sa kaniya, Rica. Pasensiya ka na pero higit siya sa’yo. Matalino siya at mas maganda. At higit sa lahat ay tulad ko rin siyang arkitekto kaya nagkakaintindihan kami,” wika niya.
“Dahil ba hindi ako nakatapos ng pag-aaral ay tingin mo sa akin ay mahina na ang ulo ko? Ipagpapatuloy ko naman ang kolehiyo ko, Steven. Hindi ba napag-usapan na natin ito. Kailangan ko lamang mag-ipon,” walang patid sa pag-iyak ang dalaga. “Huwag mo naman akong iwan ng ganito, Steven. Mahal na mahal kita,” pagmamakaawa niya pa sa binata.
Ngunit buo na ang desisyon ni Steven na kumalas sa dalaga. Maya-maya ay may iniabot siyang papel sa dalaga.
“Ito na ang huling pagkakataon na gagawin natin ito. Kalimutan mo na ako, Rica. Patawad,” sambit ni Steven.
Dahan-dahan binuksan ni Rica ang papel at nakakita siya ng mga numero. Itinago lamang niya ito. Kahit na ilang beses na kausapin ni Rica si Steven ay ayaw na nitong bumalik pa sa dalaga. Nakaranas ang dalaga ng lubusang kalungkutan.
Isang araw ay napadaan siya sa isang lotohan at bigla na lamang niyang naisipan na tayaan sa lotto ang numerong binigay sa kaniya ni Steven. Hindi naman siya umaasa na ito ay mananalo. Nagbaka sakali lamang siya sapagkat nais na niyang itapon ang papel na ito upang tuluyan na siyang magmove on.
Dahil nga hind naman umaasa si Rica na mananalo ay kinabukasan na niya tinignan ang labas sa lotto. Laking gulat na lamang niya nang makita na nanalo ang mga numerong ibinigay sa kaniya ng dating kasintahan. Ang pinakamaganda pa doon ay nag-iisa lamang siyang tumama ng tatlumpu’t limang milyong piso!
Halos himatayin sa galak at pagkagulat ang dalaga. Hindi niya akalain na mananalo siya sa pagkakataong ito. Nang makuha niya ang salaping napanalunan ay agad siyang bumalik sa pag-aaral. Pinagbutihan niya ng lubos at naging isang ganap na rin siyang arkitekto. Ginamit niya ang kaniyang pera sa pagpapakadalubhasa at pag-aaral sa ibang bansa. Nang makabalik siya rito sa Pilipinas ay nagtayo siya ng sarili niyang kumpanya.
Dahil maliit ang mundo ng kanilang industriya ay nagkitang muli sina Rica at Steven. Hindi makapaniwala si Steven sa narating ng kaniyang dating kasintahan. Ang akala niya ay mananatili lamang itong nasa ibaba.
“Paano mo nagawa?” paghanga ni Steven.
“Nasaktan ako masiyado sa paghihiwalay natin, Steven. Kaya pinagbutihan ko talaga sa buhay. Alam ko kasi na hindi lang pagtrato mo sakin noon ang halaga ko,” tugon ng dalaga. “Kaya nag-aral ako dito at sa ibang bansa at saka ko tinayo ang aking kumpanya,” dagdag pa niya. “Lahat iyan ay naging posible dahil sa mga numerog ibinigay mo sa akin noong naghiwalay tayo. Tinaya ko iyon sa lotto at kaisa-isa akong nagwagi,” pahayag niya.
Nanlaki ang mga mata ni Steven sa kaniyang narinig. Ang dating salat sa buhay na kasintahan ay ngayon ay tanyag na arkitekto na at sadyang nakakariwasa sa buhay. Hindi niya inaasahan na ang pinakamasakit na karanasan na iyon para kay Rica ang magiging daan pala upang makamit niya ang tagumpay.