Inday TrendingInday Trending
Dahil Ba Losyang na Ako Kaya May Karapatan Ka nang Magloko?

Dahil Ba Losyang na Ako Kaya May Karapatan Ka nang Magloko?

Malaki ang ipinagbago sa pangangatawan at itsura ni Melanie, isang may bahay at may tatlong anak. Simula kasi nang nagkaanak ito ay hindi na niya naintindi pa ang kaniyang sarili. Madalang na rin kung ito ay pomustura. Mahahalata mo sa kaniya ang hirap na kaniyang dinaranas upang maging maayos lamang ang bahay ay kaniyang mga anak. Ngunit sa pagbabago ng kaniyang itsura ay nagbago rin ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang mister.

Isang gabi ay kakauwi pa lamang ng kaniyang mister na si Cesar. Sinalubong ni Melanie ito ng halik ngunit umiwas ang lalaki.

“Ano ba naman ‘yang itsura mo, Melanie? Paano naman ako gaganahan niyan sa’yo?” sambit ni Cesar. “Naalibadbaran ako sa gayak mo. Hindi mo ba magawa na tuwing uuwi naman ako ay subukan mong ayusin ang sarili mo nang sa gayon ay maging kaaya-aya ka naman sa aking paningin?” dagdag pa ng lalaki.

“Pasensiya ka na, Cesar. Hindi pa kasi ako tapos hanggang ngayon sa mga gawaing bahay. Kakapatulog ko pa lang sa mga bata,” paliwanag ni Melanie.

“Tara na sa kusina at ipaghahain kita ng hapunan. Nagluto ako ng paborito mong menudo,” sambit ng ginang.

Habang abala si Melanie sa pag-aasikaso ng kakainin ng kaniyang asawa ay abala naman itong si Cesar sa pagtingin ng mga larawan ng magagandang babae. Nang makita ito ni Melanie ay nagdamdam ang ginang.

“Sino ‘yang babaeng ‘yan, Cesar?” tanong ni Melanie. “Ganoon na ba talaga ako kalosyang at kailangan mo pang ipamukha sa akin ang mga iyan?” naiiyak niyang sambit sa mister.

“Tingnan mo itong babaeng ito, Melanie! Dapat ganito ang itsura mo. Pero tingnan mo, napakalaki na ng bilbil mo! Ni hindi ka pa nga yata nakakapagsuklay ngayong araw e. Nakaligo ka na ba?” pangmamata ni Cesar sa asawa.

Dahil sa ganitong ugali ni Cesar ay naging mababa na rin ang pagtingin ni Melanie sa kaniyang sarili. Lalo pa nang malaman niyang ang kaniyang asawa ay nagsimula nang mangaliwa. Wala siyang naging ibang takbuhan kundi ang kaniyang matalik na kaibigang si Adonis. Matagal na silang magkaibigan ng lalaki ngunit pinalayo siya rito ni Cesar sapagkat matindi ang selos ng mister sa lalaki.

“Hindi ko rin naman siya masisisi, Adonis. Tingnan mo naman ang itsura ko. Sa tingin mo ay sino pa ang magnanasang magustuhan pa ako,” wika ng ginang. “Kuwarenta pa lamang ako pero mukha na akong lagpas singkwenta,” awa niya sa kaniyang sarili.

“Hindi naman sa itsura dapat ang batayan ng pagiging isang may bahay. Mas nanaisin kong may nakahaing pagkain sa mesa at maayos ang mga bata kaysa naman sa nakapostura ka nga ngunit walang magalawan sa bahay sapagkat maraming kalat,” tugon ni Adonis. “Hindi lang makita ng asawa mo ang kahalagahan mo dahil bulag siya sa makamundong pagnanasa niya,” dagdag pa nito.

“Kulang na kulang ang oras ko, Adonis, sa mga bata pa lamang. Madalas nga ay wala na rin akong tulog sapagkat sa akin ang lahat ng gawain. Ang babata pa ng mga anak ko at talagang mga alagain pa. Suwerte na nga kung makakakumpleto pa ako ng tulog sa isang araw. Sa totoo lamang, hindi ko na nga alam kung kailan ako huling bumili ng bagong damit o nagtungo man lang sa parlor upang ipaayos ang aking buhok. Nakalimutan ko na ang sarili ko para sa kanila,” sambit ni Melanie. “Hindi naman ako nagrereklamo sapagkat ito talaga ang gusto kong gawin, ang alagaan sila. Masaya ako na maging ina at asawa,” pahayag pa ng ginang.

Isang araw ay nagulat na lamang si Melanie nang makitang nag-eempake na ang galit si Cesar.

“Saan ka pupunta?” natatarantang wika ni Melanie. “Cesar, sagutin mo ako. San ka pupunta? Iiwan mo na ba kami ng mga anak mo?” naiiyak niyang sambit.

“Hindi na ako masaya sa bahay na ‘to, Melanie. Hindi na rin ako masaya sa iyo,” tugon ng mister.

“At kanino ka masaya? Doon sa babae mo?” galit na sambit ng ginang. “Cesar, iiwanan mo ang anak mo para lang sa kaniya. Nang dahil lang sa hindi na ako maganda at kaaya-aya? H’wag mong gawin sa mga bata ito. Huwag mong hayaan na lumaki sila ng walang ama,” dito na bumaha ng luha.

Ngunit desidido na si Cesar kaya kahit na magmakaawa pa si Melanie ay wala na siyang magawa sa pag-alis ng asawa.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Adonis. Sobrang naaawa na ako sa sarili ko. Parang kasalanan ko masyado ito dahil hindi ko man lamang magampanan ang pagiging asawa sa kaniya,” pag-iyak ni Melanie sa kaibigan.

“H’wag mong sabihin ‘yan, Melanie. Hindi sukatan ang pisikal na anyo ng asawa. Siraulo lang talaga ‘yang mister mo at hindi niya makita ang halaga mo. Hayaan mo at gagawin ko ang lahat upang matulungan ka,” sambit ng binata.

Tinulungan ni Adonis si Melanie sa pag-aalaga ng mga bata. Siya na mismo ang kumuha ng yaya na pansamantalang mag-aalaga sa mga ito upang mapagtuunan ng pansin ni Melanie ang kaniyang sarili. Upang malibang siya at hindi malugmok sa kalungkutan mula sa pang-iiwan ng kaniyang asawa ay minabuti na lamang niyang gumawa ng mga alahas. Nagdisensiyo sila ng ibat-ibang uri nito at saka ibinenta. Hindi niya akalain na papatok ito sa mga mamimili hanggang dumating ang isang araw na may isang malaking kumpanya ang nakapansin ng galing sa paggawa ng alahas ni Melanie at ginawa nilang partner ang ginang.

Hindi inaasahan nila Melanie at Adonis na magiging ganitong katagumpay ang kanilang maliit na negosyo. Unti-unting umangat sa buhay si Melanie sa tulong na rin ng kaibigang si Adonis.

Nang mabalitaan ito ng kaniyang asawa ay ninais nitong balikan ang dating asawa.

“Hindi maasikaso ang babaeng napili ko. Wala siyang inatupag kung hindi puro pagpapaganda lamang. Ni ayaw niyang magkaanak sa akin sapagkat masisira daw ang kaniyang katawan. Sa umaga, ako pa ang nagluluto sapagkat hindi siya maaaring magkulang ng tulog dahil mamumugto daw ang kaniyang mga mata at kukulubot ang mga balat. Nabaon na rin ako sa utang sapagkat ang dami niyang pinapamiling mga damit at kolorete sa mukha,” pahayag ni Cesar.

Ngunit dahil sa pasakit na pinagdaanan ni Melanie ay hindi na niya magawang tanggapin muli ang dating asawa.

“Masaya na kami sa buhay namin ngayon, Cesar. Pinili mo siya kaysa sa amin. Kaya kailangan mong harapin ang kinahinatnan ng iyong mga naging desisyon,” pahayag ni Melanie.

Lubusan ang pagsisisi ni Cesar sa kaniyang ginawa. Mas pinili niya ang pisikal na anyo ng ibang babae kaysa sa kalinga ng kaniyang mapagmahal na asawa.

Sa kabilang banda naman ay nagtapat na si Adonis ng pag-ibig niya kay Melanie. Ang totoo pala ay matagal na niya itong minamahal. Tanggap niya ang payak na itsura ng ginang sapagkat ang mas mahalaga sa kaniya ay ang kalooban nito.

Advertisement