Sabado ng gabi, alas siyete. Hindi mapakali ang dalawang dalagitang nagbubulungan habang nasa hapag-kainan.
“Ano ba, magsabi ka na! Mas matanda ka kaya kapag ikaw ang nagpaalam malamang papayagan tayo ni nanay!” gigil na bulong ni Maine sa kapatid na si Ari.
“Sandali lang! Bumebuwelo lang ako!” asar na tugon naman ni Ari sa kakambal.
Tumikhim pa ito bago nagsalita. “Nay…”
“O, ano? Pupunta kayo sa sayawan sa plaza? Madaming masasamang loob ang nagkalat sa paligid, baka mapahamak pa kayo. Hindi!” dire-diretsong ratsada ng bibig ng kanilang ina.
Napanganga ang magkapatid. Hindi nila alam kung paano’ng nalaman ng kanilang ina ang tungkol sa sayawan sa plaza.
Humihingi ng saklolong napalingon ang magkakambal sa ama.
Nagkibit-balikat lamang ang kanilang ama at inginuso lang ang taas kilay nilang nanay.
Asar na napabuntong-hininga si Maine. “Walang chance,” irap pa nito sa kapatid.
Hindi na lamang pinansin ni Ari ang pagmamaktol ng kapatid. Sanay na siya sa ugali nito na nagagalit kapag hindi nakuha ang gusto.
Mabilis na tinapos ni Maine ang kanyang kinakain at padabog na umakyat sa kwarto nilang magkapatid.
Halos magkapanabay naman ang kanyang tatay at nanay na napailing sa inakto ng bunsong anak.
Alas nuwebe. Tahimik na ang buong kabahayan ngunit gising na gising pa rin ang diwa ni Maine. Masama pa din ang kanyang loob dahil sa hindi pagpayag ng kanilang ina na pumunta sila sa sayawan.
“Ate… gising ka pa?” mahina niyang tawag.
“Bakit?” narinig niyang sagot ng kapatid.
“Pupunta ako sa plaza.”
“Ano? Hindi ba’t hindi tayo pinayagan?”
“Sasaglit lang ako, ate. Nakapagsabi na ako kala Veron na dadating ako… hindi mo naman ako isusumbong, diba?” paninigurado ng kapatid.
“Sasamahan na kita. Mabuti na yung dalawa tayong malintikan kaysa mag-isa kang umalis nang ganitong oras.” Napabuntong hininga pa ang kapatid.
Lihim naman siyang napangiti. Sinasabi niya na nga ba’t hindi siya bibiguin ng kaniyang kapatid.
Maya-maya pa ay maingat na lumabas ang magkapatid sa kanilang bahay. Mabilis ang kanilang paglalakad papunta sa sakayan ng pedicab dahil alam nilang nagsisimula na ang kasiyahan.
“Ayan! Nagsisimula na!” excited na sigaw ni Ari nang marinig mula sa malayo ang malakas na tunog na nanggagaling mula sa plaza.
Lihim naman na napailing si Ari sa inakto ng kapatid. Para pa rin talaga itong bata.
Sinalubong sila ng malakas at maharot na tugtog.
“Maine!” salubong kaagad ng mga kaibigan ng kapatid dito.
“Buti nakatakas ka!” halakhak ni Ace, isa sa mga tropa ng kapatid.
“Maine, sinabi mo na saglit lang tayo ha,” paalala ni Ari sa kapatid.
“Ari! Ang KJ mo naman! Mag-enjoy una kayo, nandito na din naman kayo,” bahagya pang inakbayan si Ari ni Jane, isa din sa mga kaibigan ng kapatid.
Napabuntong hininga na lang si Ari.
Enjoy na enjoy naman si Maine na nakipagsayaw kasama ang mga kaibigan. Si Ari, bagamat natatakot na mahuli ang kanilang pagtakas ay walang nagawa kundi panoorin ang kapatid.
Hanggang sa hindi nila namalayan ang oras.
“Naku! Ala una na pala!” gulat na sabi ni Ari upang kunin ang atensiyon ng kapatid.
Tila natauhan naman ang kapatid na agad agad huminto sa pagsasaya at lumapit sa kanya. Alam ni Ari kung bakit.
Paglipas ng alas dose ay wala nang bumibyaheng pedicab, at isa lang ang ibig sabihin nito – kakailanganin nila na maglakad.
Madadaanan nila ang kinatatakutang puno ng mangga! Madaming sabi sabi na madami raw nagmumulto sa lugar na ito.
“Hayaan mo na na mapagalitan tayo, magpaumaga na lang tayo dito,” kumbinsi ni Maine sa kapatid.
“Hindi! Kung gusto mo magpaiwan dito, bahala ka. Uuwi ako,” matigas na sabi ni Ari, gamit ang taktikang ginamit nito sa kanya kanina lang.
Siyempre ay hindi hahayaan ni Maine umuwi mag-isa ang kapatid kaya naman kahit natatakot ay nagsimula na silang maglakad pauwi.
Walang nagsasalita sa magkapatid. Tila parehong nagsisisi sa mga desisyon na ginawa nila nang gabing iyon habang palapit sila ng palapit sa kinatatakutang puno ng mangga.
Nang makarating na ang magkapatid sa kinatatakutang lugar, napakislot pa sa pagkagulat si Ari sa pagkapit ng kanyang kapatid sa kanyang braso.
Dahil pareho din namang natatakot, mas binilisan nila ang lakad.
“Buti maliwanang ang buwan, kaya maliwanag,” pagbubukas usapan ni Ari, na halatang pilit na iniibsan ang takot sa sitwasyong kinasaklakan nilang magkapatid.
Tumingin naman sa itaas si Maine, upang tingnan ang bilog na buwan. Gayon na lamang ang panlalaki ng kanyang mata nang imbes na ang maliwanag na buwan ay isang pares ng paa ang kanyang nakita sa itaas ng puno.
Hindi niya nakita ang may-ari ng mga paa, ngunit malinaw na may paang kumukuya kuyakoy sa taas ng malaking puno ng mangga.
Napuno ang tahimik na paligid ng malakas na tili ni Maine.
“Ahhhhhh! May paa sa itaas ng puno!” at kumaripas ito ng takbo, habang hila hila ang kapatid.
Gulat na gulat man sa inakto ng kapatid ay walang nagawa si Ari kundi magpahila sa kapatid na takot na takot.
Namalayan na lamang nilang dalawa na nasa harapan na sila ng kanilang bahay. Bukas ang ilaw.
Pagpasok nila ay nakita nila ang kanilang mga magulang na tila inaantay ang kanilang pagdating.
Agad na natakot si Ari nang makita ang galit na ekspresyon sa mukha ng kanilang ina. Nang tumingin ito sa kanya, nakita niya ang kaunting pagkadismaya ng ina.
“Napakatitigas talaga ng mga ulo nin—” hindi nito natapos ang sasabihin nang umatungal nang malakas ang kanyang kapatid.
Sa gitna ng pagsigok-sigok, kinuwento nito sa mga magulang ang nasaksihang kababalaghan sa puno ng mangga.
Inalo ng kanyang mga magulang ang kapatid na tila batang nagsusumbong ngunit hindi pa din sila nakaligtas sa sermon.
Ang kanila namang ama ay tila natawa pa sa sitwasyon habang tila nang-aasar na sinabing “Matigas kasi ang ulo mo, kaya nagalit ang mga elemento,” sabay halakhak, na sinuklian lamang ng kanyang kapatid ng simangot.
Matapos ang ilang sandali ay magkatabi na silang magkapatid at naghahanda na sa pagtulog.
“Ate…”
“Ano?”
“Hindi na ulit ako susuway kila nanay,” bulong ng nakababata.
Napangiti na lang si Ari sa sinabi ng kapatid.
Mukhang may maganda pang naidulot ang kababalaghang nasaksihan ni Maine. Iyon ang nasa isip niya bago tuluyang nilamon ng antok.