Pinanood ni Angelo ang pag-iwas ng mga tao sa isang babae. Kitang-kita niya ang pagngiwi nito habang lumalayo. Hindi niya alam kung alin sa takot o pandidiri ang umiiral. Tiningnan niya ng maiigi ang babae. Marungis ito at magulo ang buhok. Tila ilang buwan nang hindi nakakapaghilamos. Ang damit nito ay may bakas ng kung ano-anong dumi.
Kasalukuyan itong naglalakad sa mataong palengke. Mukhang nakatakas na naman ito mula sa kalapit na mental hospital.
“Ayan na naman si Aling Madel!” narinig niyang sigaw ng isang batang lalaki at tumakbo ito kasama pa ang ibang bata.
Takot ang mga bata sa kanilang lugar sa babae. Mahilig kasi ito na manghabol ng mga bata na tinatawag nitong anak. Tinanong niya ang kanyang mga magulang noon tungkol dito ngunit wala raw alam ang kanyang magulang.
“Alam mo, hindi naman kasi taga-dito yan. Bigla na lang ‘yang sumulpot dito sa atin. Walang nakakaalam kung taga-saan siya.”
“Eh pano naman nalamang ‘Madel’ ang pangalan niya?”
Kumunot ang noo ng kanyang tatay, “Gawa-gawa lang iyon ng mga tao dito. Alam mo naman sila.”
Muli ay tiningnan niya ito sa malayo. Yakap-yakap ang isang puting manika na lagi nitong dala. Tila pinapatahan ang manika na parang umiiyak ito. Wala nga talaga sa sarili.
Sa tagal nitong pagala-gala sa kanilang lugar ay walang nababalita na may sinaktan ito, maliban na lang sa paghabol sa mga bata. Batang lalaki lang naman ang hinahabol nito, edad pitong taong gulang.
Hindi rin niya alam kung saan ito kumukuha ng pangkain. Siguro ay inaabutan ng mga tao kahit na hindi ito namamalimos. Ilang beses na itong kinuha ng mga taga-mental, siguro ay nire-report ng mga kabaranggay ngunit ilang beses na itong nakatakas tulad ngayon.
“Aba! Nakatakas ka na naman pala!” sabi ng isang tanod na nakakita rito. Isa ito sa mga kasama noong kinuha ito ng mga doktor. May iilang tanod pa na nakasunod dito.
Nanlaki ang mata nito sa lalaking kaharap. Tila nakikilala ito. Mabilis itong umiling.
“‘Wag po, kawawa naman ang anak ko kapag kinulong niyo ako,” anito sa nagmamakaawang boses at hinigpitan ang yakap.
“Hindi naman bata ‘yan e, manika lang.”
Kinuha nito ang maliit na radyo, itinapat sa bibig para magsalita. Marami itong sinabi ngunit ang malinaw lang sa kanya ay ang mga katagang, “Nandito na naman si Madel. Nakatakas na naman.”
Nanliit pa ang mata nito sa babae.
“Sige, papuntahin ko ulit sila, dok. Hawakan mo muna,” sagot ng kausap.
Wala man sa tamang pag-iisip ay tila naintindihan ito ni Madel. Tumakbo ito patungo sa kanyang direksyon para takasan ang mga humahabol.
Bahagya pang umiwas si Angelo para hindi siya nito mabangga. Mabilis ang takbo nito, determinado na hindi mahuli. Matindi rin ang yakap nito sa manika.
“Habulin mo! Ba’t mo pinatakas?” tanong ng tanod sa kanya.
Nakita niya ang galit nito sa mukha habang nakapameywang pa.
“Masasaktan talaga iyon sa akin kapag nahuli ko ‘yung baliw na ‘yun!” pahayag nito sa inis. Nanlaki ang mata niya sa narinig. Sa pangamba ni Angelo na saktan nito ang babae ay tumakbo siya para hanapin ito.
Hindi niya alam kung bakit niya ito ginagawa basta’t hindi dapat ito masaktan ng kahit na sino lalo pa’t wala itong ginagawang masama. Kabisado niya na ang pasikot-sikot sa kinagisnang lugar kaya mabilis lang para sa kanya na mahanap ito.
Sa isang lumang underpass niya ito natagpuan, nakayukyok ang mukha malapit sa kanyang mga tuhod. Hindi siya nito napansin kahit na nakapasok na siya at umupo sa tabi nito.
“Anak, hindi nila ako pwedeng mahuli. Ikukulong na naman nila at ilalayo ka nila sa akin kagaya ng tatay mo. Hindi pwede, hindi na ako papayag na mawalay ka sa akin, anak ko,” nanginginig na sabi ng babae. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa kaniyang manika.
Bumaba ang kanyang mata sa braso nitong maraming pasa. Kung ganoon?
“Madel,” tawag niya rito.
Noon pa lamang siya napansin ng babae. Nilingon siya at tiningnan ng matagal. Akala niya ay may sasabihin ito ngunit kagaya ng tawag nito sa manika.
“Anak?”
Umiling siya sa babae ngunit nabigla ng umiyak ito. “Sabi ko na na nga ba at buhay ka. Sabi ng mga doktor, wala ka na raw… eto nga pala, ang laruan mo. Hindi ba at paborito mo ito?” tanong nito sa kanya.
Natigilan siya roon.
“Hindi ho ako ang anak nyo. Angelo ho ang pangalan ko,” pagtanggi niya rito.
Bumadha ang kalungkutan nito. “Kung ganoon, hindi ikaw si Joel?”
Tumungo ang babae at muling niyakap ang manika. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya ito sa kakaibang paraan, isang ina na mahal na mahal ang anak nito.
“Totoo nga ang sinasabi ng doktor na wala na ang anak ko. Hindi ko lang siguro matanggap na itong manikang ito lang ang naisalba ko… na yakap yakap niya bago masagasaan,” putol-putol nitong saad.
Tumulo ang luha nito at parang bata ang paraan ng pag-iyak.
“Kasalanan ko kung hindi ko lang siya sinama sa pagtakas… kung tiniis ko na lang sana ang pananakit ng papa niya… hindi sana siya nawala.”
Nadurog ang kanyang puso kaya niyakap niya ang babae sa una at huling beses.
“Wala kang kasalanan,” aniya.
Naging malupit lang ang mundo at naging biktima ito ng kalupitan na iyon kaya wala itong kasalanan sa kahit na sino. Ngayon alam na niya, hindi kahibangan ang manika na dala-dala nito. Sa likod nito ay ang ‘di matatawarang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak. At labis na pagsisisi na alam niyang dadalhin nito habang buhay.